Siniraan ng Ginang na Ito ang Kaniyang Asawa, Alam pala ng Kaniyang Anak ang Itinatago Niyang Dahilan
“O, anak, ano nangyari sa’yo? Bakit ka umiiyak? Nag-away ba kayo ng asawa mo? Bakit ang dami mong pasa?” sunod-sunod na tanong ng nanay ni Cheen, isang araw nang dalawin niya ito na may namumugtong mata.
“Hindi lang kami basta nag-away, mama, pinagbuhatan niya pa ako ng kamay. Gusto ko lang namang dumalaw sa iyo, eh, kaso ayaw niya. Dahil gustong-gusto na kita makita, nagpumilit ako at doon na niya ako sinaktan,” hikbi niya dahilan upang manggalaiti ang kaniyang ina.
“Diyos ko naman! Bakit ganyan naman ‘yang asawa mo? Talagang pinakita niya pa sa anak mo ang kasamaan ng ugali niya!” galit na sigaw nito habang sinisipat ang mga pasa niya sa braso.
“Kaya nga gusto ko na makipaghiwalay sa kaniya, mama, hindi lang ito ang unang beses na sinaktan niya ako. Takot na takot na ako sa kaniya, mama, tulungan mo ako,” daing niya pa rito.
“Edi hiwalayan mo na ‘yan! Hindi lang naman ‘yan ang lalaki sa mundo, eh! Akong bahala sa’yo, anak, tutulungan kita mapalaki ang anak mo,” agarang sambit nito dahilan upang siya’y mapangiti. Niyakap niya ito nang mahigpit dahilan upang himas-himasin nito ang kaniyang ulo.
Isang dekada na ang nakalipas simula nang maikasal at magsilang ang may bahay na si Cheen. Masaya naman talaga ang nabuo nilang pamilya noon ng kaniyang asawa kahit pa isa lang ang anak nila. May pagkakataon mang sila’y hindi nagkakaintindihan, agad nila itong inaayos bunsod ng pagmamahal nila sa isa’t-isa.
Sa katunayan pa nga, kahit anong mangyari, inilalaan nila ang araw ng linggo upang sila’y magsimba at kumain sa labas katulad ng mga normal na pamilya.
Ngunit nang tumuntong na sa siyam na taong gilang ang kanilang anak, tila nawalan na siya ng gana sa kaniyang asawa. Bukod pa roon, nakakilala rin kasi siya ng isang Amerikano sa social media dahilan upang tuluyan na siyang manlamig dito hanggang sa umabot na sa puntong sila’y halos araw-araw nang nagtatalo.
Nais man niyang tuluyan nang makipaghiwalay dito bago pa nito madiskubre ang kaniyang sikreto, hindi niya magawa dahil alam niyang magagalit ang kaniyang ina.
Ito ang dahilan upang maglagay siya ng sariling pasa sa katawan at magpanggap na sinasaktan nito para makuha ang simpatiya ng kaniyang ina at katulad ng kaniyang inaasahan, sapilitan nga siyang binawi ng ina sa kaniyang asawa na labis niyang ikinatuwa. Wala nang magawa ang kaniyang asawa kung hindi ang humagulgol habang sila’y nagliligpit ng gamit.
Ika niya habang sila’y nag-eempake ng gamit ng kaniyang anak, “Kailangan ko na lang palipasin ang ilang buwan pagkatapos no’n, papauwiin ko na rito sa Pinas ang mayaman kong Amerikano,” saka siya patagong ngumisi.
Buong akala niya’y lahat ay aayon na sa kaniyang plano. Ngunit, ilang araw lang ang lumipas simula nang sila’y manirahan sa bahay ng kaniyang ina, ramdam na ramdam niya ang pagbabago sa ugali ng kaniyang anak. Ang dating malambing at magalang, palagi na ngayong nakasagot at nakasimangot sa kaniya. Pati kaniyang ina, nababahala rito, kaya naman, nagdesisyon siyang kausapin ito.
Nagtungo muna siya sa palengke upang bumili ng paborito nitong ulam at nang siya’y makaluto na, agad niya itong tinawag upang kumain kasama ang kaniyang ina.
Doon na niya ito tinanong kung anong problema nito. Noong una’y ayaw nitong magsalita at tahimik lamang na nakain, ngunit noong nag-iba na ang tono ng kaniyang boses, bigla itong sumagot.
“Hindi ko po kasi alam kung paano niyo nagawang siraan si papa para sa isang Amerikanong kakakilala mo lang. Masaya naman po tayo kahit tayong tatlo lang at walang ganoong pera,” hikbi nito dahilan upang siya’y mabigla at mapabuntong hininga na lang ang kaniyang ina.
“Pa-paano mo nalaman…” hindi na niya natapos ang kaniyang sasabihin dahil agad nang hinagis ng kaniyang ina ang kutsara.
“Importante pa ba ‘yon, Cheen? Pinaniwala mo ako na sinasaktan ka ng asawa mo para sa isang Amerikano? Aanuhin mo ‘yon, eh, may pamilya ka na! Nahihibang ka na ba? Hahayaan mong masaktan at malungkot ang anak mo para sa sarili mong kasiyahan, ha? Ganyan ba kita pinalaki?” galit na galit na sambit nito saka hinila papuntang silid ang kaniyang anak na humahagulgol na.
Wala siyang ibang magawa kung hindi ang isubsob ang sarili sa lamesa dahil sa pagkahiya’t pangongonsensyang nararamdaman.
Doon niya napagtantong mali ang ginawa niyang iyon sa kaniyang ina, asawa, at anak dahilan upang unti-unti siyang gumawa ng paraan upang muling mabuo ang kaniyang pamilya at mapatawad ng mga ito.