Inday TrendingInday Trending
Mainisin at Palaging Nakabulyaw ang Dalagang ito, Isang Seremonya sa Simbahan ang Nakapagpatino sa Kaniya

Mainisin at Palaging Nakabulyaw ang Dalagang ito, Isang Seremonya sa Simbahan ang Nakapagpatino sa Kaniya

“Quin!” sigaw ni Aling Ika sa anak, isang umaga habang hinahanda niya ang kanilang hapag-kainan.

“Ano ba ‘yon? Nakita namang may ginagawa ako, eh!” pabalang na sagot ni Quin habang abala sa pag-aayos ng sarili dahilan upang puntahan siya nito sa kaniyang silid.

“Aba, baka nakakalimutan ko kung sino ang kausap mo, Quin? Nanay mo ako, ha! Pati ako hindi nakaligtas sa pag-uugali mo? Gusto ko lang naman pong sabihin sa inyo na handa na po ang almusal at kumain na po kayo mahal na prinsesa,” pilisopong tugon ng kaniyang ina habang umaarte tila ba isang tagasilbi.

“Wala akong gana. Lumabas ka na, mama, may ginagawa pa ako, hindi ba? Kakain ako bago ako umalis,” malamig niya pang sagot sa ina dahilan upang lalo itong manggalaiti.

“Kakaiba ka talagang bata ka! Gusto mo ba talagang makilala at matandaan ka ng tao na may pangit na pag-uugali? Tiyak kapag pumanaw ka, walang makikipaglibing sa’yo!” bulyaw nito sa kaniya dahilan upang siya’y mainis na rin at magdabog.

“Edi wala, ro’n ka na kasi, mama!” sigaw niya rito dahilan upang balibagin nito ang kaniyang pintuan at siya’y iwan.

Solong anak ang dalagang si Quin. Simula nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang, ang kaniyang ina na lang ang siyang nag-alaga at nagtustos sa kaniyang mga pangangailangan.

Lingid man sa kaniyang kagustuhan ang manatili sa puder ng kaniyang ina pagkat siya’y isang papa’s girl, wala siyang magawa kung hindi ang magtiis dahil walang maipapakain sa kaniya ang tatay niyang mayroon nang bagong pamilya.

Ito ang naging ugat ng hindi magandang ugaling mayroon siya. Kahit sino man ang kaniyang kausap, basta’t siya’y nakaramdam ng inis, agad na niya itong bubulyawan at pagsasalitaan ng kung anu-ano dahilan upang bilang lang sa kaniyang mga daliri ang mga taong nakapapalagayan niya ng loob.

Noong umagang iyon, dahil nga siya’y nainis sa pagkamakulit ng kaniyang ina, hindi niya kinain ang lutong almusal nito at agad nang umalis patungong trabaho.

Tila minalas naman siya dahil doon nang siya’y maipit sa trapiko. Ika niya, “Diyos ko naman! Alas diyes pa lang ng umaga, ganito na kabigat ang trapiko rito? Isang kanto pa ang layo nito sa trabaho ko! Mahuhuli na ako sa trabaho!” dahilan upang magpasiya siyang lumakad na lang kaysa hintaying gumalaw ang trapiko.

Dahil nga hindi siya nag-almusal, nagtungo muna siya sa kantin ng kaniyang pinagtatrababuhang kumpanya. Habang nakain, natanaw niya ang simbahan malapit dito at labis siyang nagtaka kung bakit napakaraming tao rito dahilan upang tawagan niya ang nag-iisang katrabahong nakapalagayan niya ng loob.

“Hoy, Mars, tanaw ba d’yan sa taas ‘yong simbahan? Ano bang mayroon doon, bakit ang daming tao?” tanong niya rito.

“Naku, bali-balita nga ‘yan dito, eh, kasi nagdulot nang mabigat na trapiko! Sabi ni boss, seremonya daw ng isang tinitingalang tao ang nagaganap ngayon d’yan kaya napakaraming tao!” sagot nito.

“Talaga? Siguro napakayaman niyan, ano?” sambit niya pa.

“Hindi! Normal na tao lang daw ‘yan. Marami lang talagang tumitingala sa kaniya kasi napakabuti niyang tao. Isipin mo, ha, kahit isang plato na lang daw ang kaning mayroon ‘yan, basta may dumaang pulubi sa bahay niya, ibibigay niya pa!” kwento ng kaniyang kaibigan dahilan upang siya’y mapatahimik habang pinagmamasdan ang patuloy na pagdagsa ng tao, “Bakit hindi mo tularan? Para magkaroon naman tayo ng bagong kaibigan! Nagsasawa na akong tayong dalawa lang ang laging…” hindi na niya pinatapos ang sasabihin nito dahil napagtanto niyang tila tama nga ang sinabi ng kaniyang ina.

Napag-isip-isip niyang, “Siguro dapat ko nang ayusin ang ugali ko. Hindi lang para maraming pumunta sa libing ko, kung hindi para na rin may maganda akong maiwang alaala rito sa mundong ibabaw,” dahilan upang agad siyang umakyat sa kanilang opisina at batiin ang lahat ng kaniyang katrabaho ng, “Magandang umaga!”

Marami man ang nagulat sa kaniyang biglaang pagbabago kasama na ang kaniyang ina, ipinagpatuloy niya lang ito at araw-araw na ginagawa ang lahat upang makatulong sa kaniyang kapwa kahit sa pinakasimpleng paraan.

Ang pagbabagong kaniyang ginagawa ay labis na ikinatuwa ng kaniyang ina dahilan upang mapagtibay ang kanilang relasyon. Kung dati’y layo ang loob niya rito dahil sa pagkasira ng kanilang pamilya, ngayo’y buong puso na niya itong pinatawad at minahal.

Hindi man ito madali para sa kaniya, lalo na’t likas na sa kaniya ang pagiging mainitin ang ulo, buong lakas at puso niyang kinokontrol ang sarili upang huwag lang makasakit ng damdamin ng kapwa.

Advertisement