Inday TrendingInday Trending
Ang Mabuting Samahan ng Batang Suki sa Karinderya at Mabait na Manong ay Nagtapos sa Isang Trahedya; May Mabuti pa Kayang Kahahantungan?

Ang Mabuting Samahan ng Batang Suki sa Karinderya at Mabait na Manong ay Nagtapos sa Isang Trahedya; May Mabuti pa Kayang Kahahantungan?

“Mang Tiyo! Limang pisong kanin nga ho at saka sabaw. Salamat po!” masiglang sabi ng batang si Kiko atsaka hinubad ang kaniyang kupas na uniporme at isinampay iyon sa isang upuan.

Awtomatikong napangiti naman ang singkwenta anyos na matanda nang makita ang paboritong kostumer. Imbes na limang pisong kanin at sabaw ay tulad ng nakagawian niya ay dinagdagan niya na rin ng lumpia ang tanghalian nito.

“Wow Mang Tiyo! Talaga pong napakabait niyo, salamat sa lumpia!” tuwang-tuwang sabi ng sampung taong gulang na bata.

“Ay sus nambola pa, hala’t kumain ka na at baka mahuli ka pa sa klase,” sabi ni Mang Tiyo na halatang napalapit na ang loob sa bata. Malapit ang karinderya niya sa isang elementary school, at doon madalas nagtatanghalian ang ilang bata kasama na si Kiko.

Natutuwa siya sa bata dahil masipag itong pumasok sa eskwela kahit hirap sa buhay. Nang mapansin niyang kanin at sabaw lang lagi ang order nito ay naantig ang kaniyang puso dahil wala siyang pamilya, isa pa ay napakamatulungin nitong bata. Pagkatapos nitong kumain ay nakasanayan na talaga nitong magligpit at hugasan ang pinagkainang pinggan. Paminsan ay pati ibang hugasin sa maliit na karinderya ng matanda ay ito na rin ang naghuhugas.

“Kiko, huwag ka nang mag-abala diyan at baka mabasa ang damit mo. Oh heto,” sabi ni Mang Tiyo sabay abot ng buong isang daang piso kay Kiko.

“Narinig ko sa iba mong kakalase na may bayad ang pagrehistro para maging boy scout, at alam kong gustong-gusto mo iyon kaya ayan, sumali ka doon ha?” nakangiting sabi ng matanda. Ang inaasahan niyang masayang-masayang reaksyon ni Kiko ay hindi nangyari. Sa halip ay bigla itong yumakap sa kaniya at umiiyak na nagpasalamat. Lumobo ang puso ng matanda dahil nakikita niya ang sarili niya dito. Noon ay walang-wala rin siya habang nag-aaral kaya’t tumigil na siya elementarya pa lang, tulad ni Kiko na alam niyang nanay na lang ang buhay at sakitin pa. Bilang wala naman siyang iniintindi bukod sa sarili, desidido siyang tulungan ito sa abot ng kaniyang makakaya.

Sa mga sumunod na araw ay nagpasya ang bata na suklian ang kabutihan ng matandang kaibigan. Ginalingan niya upang siya ang magkamit ng pinakamataas na parangal. Dahil likas na matulungin at may angking talino ay si Kiko nga ang hinirang na “Boy Scout of the Year”.

Pagkagaling sa eskwela ay dumiretso agad si Kiko sa karinderya ni Mang Tiyo upang ibalita ang kaniyang parangal. Tiyak na matutuwa ito kapag ibinigay niya dito ang medalya!

Natanaw niya mula sa malayo ang komosyon sa harap ng karinderya. Bumilis ang tibok ng kaniyang puso at tuluyang napatakbo nang marinig ang bulungan at sigawan ng ilang tao. Humahangos siyang sumingit sa mga taong naroon at napapalahaw ng iyak nang makita ang mga dugua*ng katawan ng tatlong lalaki. Isa na doon ang nakabulagtang si Mang Tiyo.

Mabilis siyang lumapit sa dugua*ng katawan ng matanda at pilit na ginising ito. Iyak nang iyak ang kawawang si Kiko habang hawak ang malamig na kamay nito. Hindi maintindihan ng murang isip niya kung anong nangyayari at napuno siya ng takot. Hanggang sa may mga pares ng kamay ang naglayo sa kaniya doon. Hindi na alam ni Kiko ang mga sumunod na nangyari dahil sa takot na naramdaman. Nakaimprenta na sa kaniyang isip ang dugua*ng katawan ng isang taong tinuring niyang parang ama.

Ilang araw ang nagdaan, kahit anong pilit ng ina at mga kapatid ay ayaw kumain ni Kiko at ayaw ding pumasok sa eskwela. Hindi ito makausap at parati lang umiiyak at tinatanong ang ina kung pwedeng puntahan niya si Mang Tiyo. Ngunit sa kasamaang palad ay naipalibing na raw ito kaagad dahil walang pamilyang kumuha sa bang*kay.

“Kiko, gusto mo bang bisitahin ang puntod ni Mang Tiyo?” marahang tanong ng ina ni Kiko na si Gina isang hapon. Doon lang niya nakuha ang atensyon ng anak, tumango ito. Nangutang pa si Gina ng pamasahe para lang mapuntahan nila ng anak ang puntod ng matandang alam niyang mahal na mahal nito. Nagkukulang siya bilang ina at kahit dito man lang ay hiling niyang mapagaang ang loob ng anak. Napakabata pa nito para makita at maranasan ang trahedyang iyon..

Pagdating sa puntod ni Mang Tiyo ay iyak nang iyak si Kiko. Niyakap ito ng ina at naramdaman niya ang hinagpis ng bata nitong puso para sa kaibigang pumanaw ng walang hustisya. Nang kumalma na ang bata ay may isang bagay itong inilabas sa bulsa nito. Isang gintong medalya iyon, inilagay nito sa ibabaw ng puntod.

“M-mang Tiyo… tingnan mo oh? Boy scout of the year po ako. Ibibigay ko s-sana iyan sa inyo kaso kasi hindi na pwede… sayang. Pero promise po, m-mag-aaral akong mabuti para magkaroon din ako ng karinderya tulad sa inyo. T-tapos bibigyan ko din po ng libreng lumpia yung mga walang pambili ng ulam… salamat po Mang Tiyo…” sabi ni Kiko sabay yakap muli kay Gina, na umiiyak na rin.

Simula noon, sa kabila ng murang edad ay halatang determinado si Kiko na magtagumpay sa buhay. Nanatili siyang masipag at matulungin katulad ng halimbawang ipinakita ng kaniyang matandang kaibigan. Lahat ng iyon ay nabiyayaan ng tagumpay. Makalipas ang ilang taon ay bukod sa pagiging inhinyero, si Kiko rin ay nagpatayo ng mga karinderya malapit sa mga pampublikong paaralan.

Lingid sa kaalaman ng iba ay paminsan-minsan ay ito mismo ang tumatao sa karinderya at namimigay ng libreng ulam sa ilang mahihirap na estudyante. Ang ilan ay inalok pa nito na paaralin. Lahat ng iyon ay upang parangalan ang alaala ng matandang unang tumulong at nagtiwala sa kaniya. Tunay ngang ang mabuting itinanim ay magbubunga ng mabubuting bunga na marami pa ang makikinabang.

Advertisement