Lalaking Walang Sawa sa Pagbibigay ng Singkwenta Pesos sa Pulubi, Isang Buwan ang Lilipas at Ikagugulat Niya ang Sumunod na Nangyari
“Mang Celso, alam mo na sa akin,” wika ni Bryan sa lalaking nagtitinda ng pares sa gilid ng simbahan saka siya umupo sa tabi nito.
“Bryan, mukhang ginaba ka yata ngayon? Over time?” tanong ni Mang Celso sa kaniya.
“Naku, hindi na natapos ang dating ng mga bisita ni boss kaya naman ang tagal ko bago nalinisan ang opisina niya. Pero mas mabuti na rin at may dagdag sa sweldo ko,” biro ng binata saka inilabas ang pitaka niya. Mabilis itong tumayo at tumawid sa kabilang kalsada tsaka ibinigay ang kinuha niyang singkwenta pesos.
“Salamat, kuya,” sabi ng batang babae na nasa anim na taong gulang na.
“Nay, pang-aral niya ‘yun ha!” sagot ni Bryan saka hinawakan sa ulo ang batang babae at tumango sa nanay nito at ngumiti. Mabilis din siyang nakabalik kay Mang Celso.
“Alam mo, Bryan, ikaw na lang ang tanging nagpapaloko sa mag nanay na ‘yan! Bakit ba hindi ka nagsasawang bigyan sila ng singkwenta araw-araw? Balak mo bang mag-ipon sa kanila? Kung inipon mo ‘yung binibigay mo na singkwenta roon sa bata ay baka nakabili ka na ngayon ng bagong telepono mo,” wika ni Mang Celso sa kaniya sabay abot ng pares sa lalaki.
“Naku, mas gusto ko pa rin ang teleponong ito. Tingnan niyo kahit saan ko ito iwan ay walang pupulot, isa pa ang importante ay nakakatanggap pa ng text at tawag. Pwede na ‘yun!” sagot ni Bryan sa kaniya sabay higop ng mainit na sabaw.
“Araw-araw kang nagtitiis sa pares ko pero araw-araw ka rin nag-aaksaya ng pera sa dalawang ‘yun. Hindi mo ba alam na baka mas malaki pa kita nila sa’yo! Bago pa sumikat ang araw ay nanlilimos na ‘yang dalawa. Tingnan mo na lang, ako itong matanda na at may edad pero todo kayod pa rin pero ‘yung nanay nung bata kahit malakas pa at bata-bata ay mas piniling ilahad na lang ang kamay sa kalsada saka maghintay nang magbibigay ng barya. Pwede pa ‘yan maglabada o ‘di kaya naman mamasukan bilang taga hugas sa mga carinderia!” baling ni Mang Celso sa kaniya.
“O puso niyo po! Hayaan niyo na ako, isipin na lang natin na napag-aaral ko kunwari ‘yung bata sa binibigay kong pera. Alam niyo na, simple lang naman ang pangrap ng mga janitor na katulad ko at ‘yun ay ang makapag-aral kaya sa tuwing nagbibigay ako ng pera sa batang ‘yan naniniwala rin akong darating ang araw na makakapag-aral at makakapagtapos siya,” sabi ni Bryan sa matanda.
“Nagsasayang ka lang ng pera mo! Napakaraming pulubi sa lugar na ito pero walang nag-aaral ni isa sa kanila,” baling muli ng matanda sa kaniya at hindi na sumagot pa si Bryan saka tiningnan muli ang batang kumakaway sa kaniya at ngumiti.
Halos dalawang taon na rin na ginagawa ito ni Bryan, suki na siya ng pares ni Mang Celso at suki na rin siya sa pagbibigay ng pera sa batang pulubi.
Limang taon na ang lalaki sa Maynila ngunit nagsimula lamang siyang magbigay ng pera dalawang taon ang makalipas nang gumamit ito ng karatulang may nakasulat na “Pang-aral lang po,” simula naman noon ay hindi siya pumalyang magbigay sa bata. Kahit nga nagugutom na siya ay itinatabi talaga niya ang singkwenta pesos para sa roon.
Hanggang sa isang buwang kataka-takang nawala ang lalaki.
“Bryan! Anong nangyari sa’yo, ang tagal mong nawala!” bati ni Mang Celso sa kaniya.
Tahimik at ngumiti lamang ito saka umupo sa tabi niya at inantay ang pares na ibibigay sa kaniya.
“Mukhang wala ka yata sa mood ngayon makipag-usap, ang tagal pa naman kitang hinintay dahil may ibabalita ako sa’yo,” patuloy na sabi ni Mang Celso sa kaniya ngunit hindi pa rin nagsasalita si Bryan at nakatulala lamang ito sa kabilang kalsada.
“Inaabangan mo ba ‘yung pagbibigyan mo ng singkwenta?! Naku! May sasabihin ako sa’yo tungkol diyan,” muling wika ni Mang Celso.
“Huwag niyo na pong sabihin, alam ko naman na ang nangyari at sasabihin niyo lang na nagsayang ako ng pera,” malungkot na bitiw ni Bryan saka hinigop ang mainit na sabaw na bigay ng matanda.
“Naku, Bryan! Tingnan mo ‘yung mga bata na nasa ilalim ng tulay, nakikilala mo ba sila?” sabi ng matanda sa kaniya saka niya itinuon doon ang pansin at nakita niya ang isang batang kumakaway sa kaniya. Saglit na napakunot ang noo ng binata at kinilala ang batang iyon.
“Yun ba ‘yung?” hindi siguradong tinig ng binata.
“Oo! Hindi pa pumapasok sa eskwela ‘yung bata pero binili nung nanay ng mga lapis, kwaderno at ibang babasahin kaya ayan, nag-aaral na siya,” sabi ni Mang Celso sa kaniya.
“Yung nanay niya nasa’n?” tanong ni Bryan dito.
“Namamasukan bilang tagawalis sa munisipyo, iniiwan niya riyan ‘yung anak niya kasama ng ibang mga pulubi na nag-aaral na rin dahil sa kanila. Akalain mo, may pag-asa pa pala ang mga kabataan na lumaki sa lansangan. Alam mo bang ikaw ang unang hinanap sa’kin niyang si Jena,” sagot sa kaniya ni Mang Celso.
“Jena?” tanong ni Bryan.
“Pangalan nung bata, sabi niya sa akin ay inipon niya raw talaga ang mga binibigay mo kaya naman nakabilis siya ng mga kailangan para matuto magbasa. Sa susunod na pasukan daw magsisimula na siya ng grade one,” maligayang balita ni Mang Celso.
Hindi makapaniwala si Bryan na may napuntahan ang singkwenta pesos niya at napaluha na lamang ito habang kinakawayan din si Jena.
Isang buwan na nawala ang lalaki dahil napagbintangan itong nagnakaw sa opisina nila, halos isang buwan siyang ikinulong at wala siyang nagawa dahil wala naman siyang tinapos at hamak na tagalinis lamang sa kumpanya. Nakalaya lamang siya nang lumabas ang katotohanan na hindi siya ang may sala.
“Kung ano man ang pinagdaanan mo, Bryan, huwag kang mag-alala, maraming nagmamahal sa’yo at kung hindi man nakikita ng ibang tao ang kabutihan ng puso mo ay nakikita naman iyon ng Diyos kaya ‘wag ka nang malungkot,” saad ng matanda at tinapik ang balikat niya.
Ngayon lamang gumaan ang loob niya makalipas ang insidente at muling nagkaroon ng tiwala sa sarili. Itinuloy niya ang pagtulong kay Jena hanggang sa makatapos ito ng pag-aaral at binigyan siya ng pagkilala nito noong umakyat sa entablado ang dalaga nang makapagtapos ito ng kolehiyo.