Inday TrendingInday Trending
Ipinagtaka ng Dalagang ito ang Hindi Pagpapakilala sa Kaniya ng Nobyo sa Pamilya Nito, Nagulantang Siya nang Makitang may Kasama itong Ibang Babae

Ipinagtaka ng Dalagang ito ang Hindi Pagpapakilala sa Kaniya ng Nobyo sa Pamilya Nito, Nagulantang Siya nang Makitang may Kasama itong Ibang Babae

“Raynold, kailan mo ba ako balak ipakilala sa mga magulang mo? Kahit sa nanay mo na lang, tutal siya na lang naman ang kasama mo sa bahay,” biglang sambit ni Jane sa kaniyang kasintahan, isang gabi habang sila’y naglalakad patungo sa kaniyang bahay.

“Ah, eh, ano kasi, eh…” uutal-utal na sagot nito dahilan upang mag-init ang kaniyang ulo.

“Anong dahilan na naman ang irarason mo? Magdadalawang taon na tayo, Raynold, at kahit isang beses hindi mo ako niyayang ipakilala sa pamilya mo. Siguro may iba kang babaeng ipinakilala, ano?” paghihinala niya saka niya inialis ang pagkakahawak nito sa kaniyang kamay.

“Jane, wala, sadyang ano lang…” hindi na niya pinatapos ang sasabihin nito at agad na niyang binulyawan.

“Ano? Bakit ba kasi ayaw mong sabihin sa akin kung bakit ayaw mo akong ipakilala sa kanila? Kahiya-hiya ba ako? Hindi mo ba ako maipagmalaki sa kanila?” inis na inis na niyang tanong dahilan upang mapakamot na lang ng ulo ang binata.

“Hindi sa ganoon, Jane,” tipid na sagot nito habang pinipilit siyang kumalma.

“Pwes, ipakilala mo ako sa nanay mo bukas. Magkita tayo sa mall ng alas sais ng gabi!” sigaw niya rito saka tuluyan na siyang pumasok sa kaniyang bahay at iniwan ang kaniyang nobyo sa labas.

Mag-isa nang tinataguyod ng dalagang si Jane ang kaniyang sarili. Simula nang siya’y magpasiyang magtrabaho sa Maynila, nalayo na siya sa kaniyang pamilyang nasa probinsya. Dito niya nakilala ang binatang nagpatibok sa kaniyang pihikang puso.

Ngunit, kahit na ramdam na ramdam niya ang pagmamahal na mayroon ito para sa kaniya, hindi niya maiwasang paghinalaaan ito dahil sa katotohanang hindi nito magawang ipakilala siya sa pamilya nito na labis niyang ikinagagalit.

Ayos lang naman talaga sa kaniya noong una ang kagustuhan ng binata na huwag muna siya ipakilala sa pamilya nito ngunit ngayong sila’y magdadalawang taon nang magkarelasyon, hindi na niya matiis ang pangangambang kaniyang nararamdaman.

Ito ang dahilan upang sapilitan na niyang yayaing lumabas ang binata at ang nanay nito upang siya’y makilala na.

Kinabukasan, pagdating ng alas sais ng gabi, agad na siyang nagtungo sa mall na sinabi niya sa kaniyang kasintahan. Buong akala niya’y hindi ito sisipot dahil nga kagustuhan niya lang ito, ngunit labis siyang napangiti nang makitang naghihintay na roon ang binata.

Ngunit bago pa man siyang makalapit sa pwesto ng binata, may isang babae ang lumapit dito at tila masayang nag-uusap. Tinignan niya mula ulo hanggang paa ang naturang babae at masasabi niyang ito’y kaedad lang nila dahilan upang sumabog na ang kaniyang emosyon at agad niyang sabunutan ang naturang babae.

“Sabi na eh! Kaya ayaw mo akong ipakilala dahil may haliparot kang ibang babae!” sigaw niya habang sabunot ang naturang babae.

“Jane, teka! Kumalma ka! Bitawan mo ang buhok niya!” sigaw ng kaniyang nobyo habang sinusubukang tanggalin ang kamay niya sa buhok nito.

“Anong bitawan? Ang babaeng katulad niya dapat binibigyan ng leksyon! At ikaw, humanda ka sa akin pagtapos ko rito!” sagot niya habang mas lalong hinihigpitan ang pagkakasabunot sa babae dahilan upang ito’y mapasigaw na lang.

“Si mama, ‘yan, Jane! Tama na! Nasasaktan na siya!” bulyaw ng binata dahilan upang siya’y mapatigil at agad na bitawan ang naturang babae.

“Diyos ko, masyado kang agresibo, hija. Pasalamat ka, alam kong mahal ka ng anak ko kaya hindi ako gumanti! Kung hindi, naku, ubos na siguro ang buhok sa ulo mo ngayon!” inis na sambit nito dahilan upang siya’y mapatungo na lang dahil sa kahihiyan.

Hindi niya alam ang gagawin noong mga oras na ‘yon, ni wala siyang mukhang maiharap dahil sa kaniyang ginawa. Kaya naman, habang sila’y kumakain, siya’y nakatungo lang.

“Hija, kumain ka na d’yan, ayos lang sa akin ‘yon, palagi akong napagkakamalang nobya nitong anak ko. Trese anyos lang kasi ako nang mabuntis ako rito kay Raynold, eh. Nadala na siguro ang anak ko kaya ayaw akong ipakilala muna, madalas kasi akong pagselosan ng mga nagiging nobya niya dati, parang mga t*nga, ano? Malambing kasi sa akin ‘tong batang ‘to kahit na may edad na,” paliwanag nito dahilan upang lalo pa siyang mahiya.

“Ganoon po ba, pasensya na po talaga,” sambit niya habang nakatungo pa rin. Ngumiti lang ito at nagpatuloy sa pagkain. Iniangat na ng kaniyang nobyo ang kaniyang mukha at siya’y niyaya nang kumain.

Simula noong pagkakataong iyon, madalas na siyang magpunta sa bahay ng kaniyang nobyo dahilan upang labis niyang makapalagayan ng loob ang nanay nitong napagkamalan niyang babae ng naturang binata.

Advertisement