Nabulag ng mga Materyal na Bagay ang Lalaking Ito, Binuksan ng Isang Trahedya ang Kaniyang mga Mata
“Love, ang ganda noong kwintas, o, tingnan mo!” sigaw ni Jef nang makakita ng mga alahas sa isang mall, isang araw habang naghahanap sila ng pangregalo sa kasal na kanilang pupuntahan.
“Naku, ang dami mo nang kwintas, Jef, hindi mo na kailangan niyan,” sagot ng kaniyang asawa, saka siya hinila palayo sa nakalatag na mga alahas.
“Sayang naman, sampung libong piso lang ‘yon, o, makapal na ginto pa! Pero sige, yung relo na lang, limang libong piso lang ‘yon, payag ka na!” pangungumbinsi niya sa asawa saka bahagya itong nilambing.
“Jef, huwag na, marami ka na ring relo sa bahay, halika na, mahuhuli na tayo sa kasal,” sagot nito sa kaniya na labis niyang ikinasama ng loob.
“Mauna ka na! Bibilhin ko lang ‘to! Kahit kailan hindi mo ako sinuportahan sa mga nais ko!” bulyaw niya dito.
“Hindi naman kasi importante ‘yan, Jef, at marami ka nang ganyan,” mahinahong paliwanag ng kaniyang asawa ngunit hindi niya ito inintindi at lalo pang nagalit.
“Bahala ka sa buhay mo! Pumunta ka na doon sa kasal at pagkatapos kong bumili, uuwi na ako!” sigaw niya dito saka tuluyang lumapit sa mga alahas na iyon at iniwan niyang mangiyakngiyak ang kaniyang misis.
Laki sa hirap ang ginoong si Jef. Sa katunayan nga, noong bata pa siya, naranasan niyang itulog na lamang ang kaniyang kumukulong sikmura. Ni hindi siya mabilhan ng bolang laruan ng kaniyang ama dahil kulang pa ang kinikita nito para sa kanilang pangkain.
Kaya naman noong nabigyan siya nang pagkakataong mag-aral dahil sa talinong pinakita niya sa isang amerikanong nakilala niya sa lansangan, hindi niya ito sinayang at nagpursiging makapagtapos ng pag-aaral.
Dahil doon, naging isa siyang ganap na piloto at nagawang maiangat sa hirap ang kaniyang buong pamilya.
Binili niya lahat ng mga pinapangarap niyang bagay noon, mapa-sapatos man ito o kahit ang pinakabagong labas na kotse, hindi siya nag-aalinlangang maglabas ng pera para rito.
Hanggang sa ikasal siya, hindi nawala sa kaniyang ugali ang pagiging materialistic. Pilit man siyang pinapangaralan ng asawa, inaakala niyang lagi na lamang siyang kinokontra nito’t kahit kaila’y hindi siya magawang suportahan.
Noong araw na ‘yon, matagumpay niyang nabili ang kwintas at relong nais niya. Pagkatapos noon, agad na siyang pumunta sa kaniyang sasakyan at tuluyan na nga siyang bumiyahe pauwi dahil sa pagkainis na nararamdaman sa asawa.
Ngunit hindi pa man siya nakalalayo sa naturang mall, bigla na lamang may sumalubong sa kaniyang trak ng semento dahilan upang ilihis niya ang sasakyan at tuluyan siyang mahulog sa isang bangin.
Nagising na lamang siya sa iyak ng kaniyang asawa. Minulat niya ang kaniyang mga mata at doon niya napagtanong nasa ospital na siya.
“Love, ang kotse ko? A-anong balita? Hindi naman nadurog, ‘di ba? Mahal ‘yon, diyos ko!” ngawa niya sa asawa.
“Ano ka ba naman, Jef? Alam mo bang isang buwan ka nang nakaratay d’yan sa higaan tapos ngayong nagising ka, kotse agad ang nasa isip mo?” ika ng kaniyang asawa ngunit hindi niya ito pinakinggan.
“Eh, yung bagong bili kong kwintas at relo, nakuha mo ba?” tanong niya pa dito saka pilit na tumayo.
“Hindi, Jef! Pakinggan mo ako!” sigaw ng kaniyang asawa saka siya muling inihiga,
“Muntik ka na mawala sa mundong ito at kahit isa sa mga alahas, sapatos, o kahit kotse mo, hindi mo madadala sa kabilang buhay! Kaya umayos ka! Hindi ka dapat mabuhay sa mga materyal na bagay! Alam mo bang sa isang buwan ka pa pwedeng makalabas ng ospital?” bigla na lamang siyang natulala sa sinabi ng kaniyang asawa, kitang-kita niya ang pag-aalala sa mga mata nitong mangiyakngiyak na.
Pilit niyang ginalaw ang kamay at hinawakan ang kaniyang asawa.
“Pa-pasensiya ka na,” sambit niya, tuluyan nang humagulgol sa kaniyang tabi ang asawa.
Doon niya biglang napagtanto ang sobra niyang pagkahumaling sa mga materyal na bagay.
“Muntik na pala akong sumakabilang buhay dahil lang sa mga materyal na bagay. Maraming salamat pa rin, Diyos ko, hinayaan mo akong matuto,” mataimtim niyang sabi.
Isang buwan nga ang lumipas at tuluyan na siyang gumaling. Agad siyang pumasok sa trabaho upang mabawi lahat ng kaniyang mga liban.
Ngunit simula noon, hindi na siya naging materyal na tao at natuto na siyang kontrolin ang sarili mula sa pagbili ng mga bagay na hindi naman niya kailangan.
Natuto na rin siyang magbahagi sa iba. Sa katunayan nga, tuwing wala siyang pasok sa trabaho, pumupunta sila ng kaniyang asawa sa lansangan at nagtuturo sa mga batang kalye katulad nang ginagawa noon ng Amerikanong tumulong sa kaniya.
Kumuha siya ng ilang mga batang pag-aaralin niya at doon niya na natagpuan ang tunay na kaligayahan.
Labis din ang kaniyang pasasalamat sa kaniyang asawang hindi siya sinukuan ni minsan na ngayo’y nagdadalang tao na.
Minsan talaga, nabubulag tayo ng mga materyal na bagay. Ngunit lagi nating tandaan, may mga bagay pang mas importante kaysa dito, subukan lamang nating magmasid at intindihin ang pangangailangan ng iba.