Inday TrendingInday Trending
Ginulat ng Isang Ina ang mga Anak sa Pag-amin sa Tunay Niyang Katauhan; Isang Desisyon ang Ipinaalam Niya sa mga Ito

Ginulat ng Isang Ina ang mga Anak sa Pag-amin sa Tunay Niyang Katauhan; Isang Desisyon ang Ipinaalam Niya sa mga Ito

Habang kumakain ang pamilya ni Ces, 47 taong gulang, masayang-masayang tinitingnan niya ang kaniyang tatlong anak na pare-pareho nang nakatapos ng pag-aaral at may mga sinasabi nasa buhay. Noong nakaraang linggo lamang ay nakapagtapos na sa kursong Architecture ang kaniyang bunso.

“Mga anak, masayang-masaya ako’t masaya kayo dahil nakatapos na kayo,” nakangiting saad ni Ces sa kaniyang mga anak.

“Kami ang dapat magpasalamat sa inyo, Ma, kasi kahit na mag-isa lamang kayo, naitaguyod ninyo kami. Maraming salamat po, mahal na mahal namin kayo,” tugon naman ng panganay na si Celine, 25 taong gulang.

“Mga anak… may gusto sana akong ipagtapat sa inyo. Tutal, alam ko namang mga nasa hustong gulang na kayo, at may sarili na kayong mga pag-iisip, alam kong mauunawaan ninyo ang sasabihin ko.”

Napatingin sina Celine, Vigo, at Lenny sa kanilang ina.

“I’m a les*bian mga anak. At sana, payagan ninyo akong mag-come out.”

Nabitiwan ni Vigo ang kutsarang tangan. Halos malaglag naman ang panga nina Celine at Lenny.

“Yes, mga anak. Hindi kayo nagkakamali ng dinig. Isa akong les*biana. Matagal na. Noon pa mang nakilala ko ang tatay ninyo. Siya ang nakapagpabago sa akin at nakapagkumbinsi na magkaroon ng pamilya. Tinanggap niya ako kahit alam niya ang tunay kong kasarian. Subalit wala na ang tatay ninyo… pinili kong manatili sa ganito. Pero mga anak, sana maunawaan ninyo na gusto ko namang piliin ang sarili ko ngayon,” paliwanag ni Ces sa mga anak.

Tumayo si Celine at nilapitan ang ina. Sumunod din sina Vigo at Lenny. Ginawa nila ang group hug.

“Tanggap ka namin Ma, kahit ano ka pa,” naiiyak na sabi ni Celine.

“Oo naman, Ma. Alam mo namang pinalaki mo kami ng independent at open-minded mag-isip kaya nauunawaan ka namin. Besides, matagal na naming ramdam na medyo parang lalaki kang gumalaw, pero siyempre hindi naman kami nagtanong bilang respeto na rin sa iyo,” paliwanag naman ni Vigo na isang propesor sa kolehiyo.

“Proud kami sa iyo, Mama!” sabi naman ni Lenny.

Simula noon, kapansin-pansin ang unti-unting pagbabago ni Ces na nagsimula sa kaniyang pananamit. Hindi na siya nagsusuot ng nakasanayang daster at inihinto na rin ang paglalagay ng kolorete sa kaniyang mukha. Nagsimula na siyang magsuot ng mga kasuotang panlalaki, at nagpagupit na rin ng buhok.

Kaya naman sa tuwing lumalabas si Ces ng bahay upang mamalengke, hindi maiwasan ng mga kapitbahay niya na magkumpulan at pag-usapan siya. Naging instant “talk of the town” si Ces sa kanilang barangay. Hindi sila makapaniwala na sa edad nito ay pinili pa nitong gawin ang gusto niyang gawin sa sarili. Mapa-lalaki at babae ay pinag-uusapan siya.

Minsan, isang kapitbahay ang naglakas-loob na kumustahin si Ces.

“Mareng Ces… kumusta ka na?” tanong ng ususerang kapitbahay. Huminto si Ces at nginitian ang kapitbahay.

“Hindi na mare ang itawag mo sa akin, pare na,” nakangiting pagtutuwid ni Ces. Nagkulumpunan ang mga magkakapitbahay na nagtsitsismisan at matagal na siyang pinag-uusapan.

“Tama pala ang bulong-bulungan noon na les*biana ka… at pinatunayan mo iyan ngayon. Bakit parang late ka na lumadlad…ma… pare?” usisa ng isa pa niyang kapitbahay na may malaking nunal sa labi.

Ngumiti lamang si Ces.

“Alam ninyo mga kumare, hindi ko naman kailangang ipaliwanag ang sarili ko sa inyo. Ang mahalaga kasi rito, tanggap ako ng mga anak ko na puro na propesyunal, at sinusuportahan nila ang mga desisyon ko sa buhay. Tingnan ninyo akong mabuti ngayon dahil sa mga susunod na araw, buwan, o taon, lalaki na ang hitsura ko. Magsawa kayo kaka-tsismis sa akin,” turan ni Ces at tuluyan na siyang lumayo.

Makalipas ang ilang buwan, muling kinausap ni Ces ang kaniyang mga anak.

“Mga anak, gusto kong ipaalam sa inyo, na gusto kong sumailalim sa sexual-reassignment. Naka-schedule na ako sa doktor. Gusto ko nang simulan ang pagsaksak ng hormones sa akin para mag-match ang hitsura ko sa tingin ko sa sarili ko,” sabi ni Ces sa mga anak.

Bagama’t nagulat, hindi naman nagpahayag ng pagtutol ang kaniyang mga anak. Subalit may isang tanong ang bunsong si Lenny.

“E, ano na pong itatawag namin sa inyo?” pabirong tanong ni Lenny.

Natawa naman si Ces.

“Tawagin pa rin ninyo akong Mama. Magbago man ang kasarian ko, ako pa rin Mama ninyo. Hindi ko tatanggalin iyon sa inyo. Kaya lang, ako rin ang Papa ninyo.”

Niyakap ng magkakapatid ang kanilang ina. Wala silang karapatan upang tutulan ang kagustuhan at kaligayahan ng kanilang ina, dahil naging mabuti itong magulang sa kanila.

Makalipas ang ilang taon at unti-unti na ngang nagbago ang hitsura ni Ces dahil sa hormones na isinasaksak sa kaniyang katawan. Unti-unti na rin itong nagmukhang lalaki, at lumalim na ang boses.

Hindi nila inintindi ang pag-aalimurang natatanggap nila sa ibang tao. Para sa magkakapatid, ipinagmamalaki nila ang kanilang Mama, na ngayon ay Papa na rin nila.

Advertisement