Inday TrendingInday Trending
Naging Baldado ang Mister na Sundalo na Naging Dahilan Upang Maging Bugnutin Ito; Dumating ang Puntong Hindi na Siya Natiis ng Butihing Misis

Naging Baldado ang Mister na Sundalo na Naging Dahilan Upang Maging Bugnutin Ito; Dumating ang Puntong Hindi na Siya Natiis ng Butihing Misis

“Agatha! Nasaan ka na namang babae ka?! Nasaan na ang mainit kong kape?!”

Nabitiwan ni Agatha ang hinuhugasang plato nang marinig ang dumadagundong na tinig ng kaniyang asawang si Rudy, isang sundalo, na baldado na ang katawan dahil sa huling engkuwentro nito laban sa mga bandido sa Basilan. Natamaan ng bala ang gulugod nito, na naging dahilan upang hindi na ito makalakad pa.

“H-Heto na Rudy… sandali lang naman, naghuhugas kasi ako ng mga pinagkainan natin,” natatarantang sabi ni Agatha.

“Ang sabihin mo napakabagal mo talagang kumilos! Bilisan mo!” asik ni Rudy.

Agad na iniwan ni Agatha ang paghuhugas ng mga pinagkainan upang ipagtimpla ng kapeng barako na walang asukal ang asawa. Mahilig ito sa matapang na kapeng barako. Hindi ito kailanman nagpapalagay ng asukal. Ayaw nito sa matamis na mga pagkain at inumin. Kagaya ng personalidad nito. Matapang… at mapait ang tingin sa buhay.

Nanginginig ang mga kamay na lumapit si Agatha sa asawa habang hawak ang malaking mug ng kapeng barako. Iniabot niya ito sa asawa.

“Anong ulam mamaya?” tanong ni Rudy sa asawa.

“M-May kaunting karne ng baboy pa tayo riyan. Naiisip kong magnilaga o sinigang…”

“Iyon na naman? Wala ka na bang ibang alam na lutuin? Agatha naman… tatlong taon na tayong mag-asawa iyan pa rin ang kaya mong lutuin? Mas inutil ka pa yata sa akin eh!” galit na sabi ni Rudy.

“A-ano bang gusto mo? S-sige subukan kong bumili na lang ng lutong-ulam sa karinderya kung gusto mo…”

“Ayoko ng lutong karinderya. Lumayas ka nga sa harapan ko at baka ibuhos ko sa mukha mo itong kape. Layas!” bulyaw ni Rudy sa asawa.

Pinigil ni Agatha ang mapaiyak sa masasakit na insultong inialay sa kaniya ng asawa. Pagkalabas ng silid, hindi na pinigil pa ni Agatha ang pag-agos ng luha sa kaniyang mga mata.

Tatlong buwan na ang nakalilipas simula nang mabaldado ang asawa. Hindi ganiyan ang ugali ni Rudy. Hindi sweet ang asawa at hindi palangiti, subalit hindi naman siya nito tinatrato na parang basahan, hindi gaya ngayon.

Masasabi niyang responsableng mister si Rudy dahil lahat ng mga kailangan niya sa buhay ay ibinibigay nito. Tatlong taon na silang mag-asawa. Sa unang taon, nagbuntis siya subalit sa hindi inaasahang pagkakataon, nalaglag ang kaniyang pinagbubuntis. Mahina raw ang kapit ng bata, ayon sa kaniyang doktor.

Subalit kahit na nangyari ang mga bagay na iyon, hindi pa rin siya pinagsasalitan ng masasama ni Rudy. Hanggang sa magkaroon nga ito ng operasyon sa Basilan. Suwerteng isa si Rudy sa mga nabuhay dahil halos napatay ng mga bandido ang mga kasamahan niya. Simula noon, nagbago na ang ugali ni Rudy.

Naging bugnutin na ito. Lagi itong galit, at napadadalas ang pag-inom ng kapeng barako, at pagkain ng ginisang ampalaya, na naging pagkain daw nila noon sa kanilang kuta sa Basilan.

Madalas, laging sinasabi ni Rudy na mas mainam na lamang daw na napasama siya sa mga nap*tay sa engkuwentrong iyon sa Basilan kaysa buhay nga subalit inutil naman. Hindi na nito magawa ang mga nakasanayan. Higit sa lahat, hindi na ito makapag-duty bilang sundalo dahil sa kaniyang kalagayan.

Ang kaawa-awang si Agatha ang sumasalo sa lahat ng mga hinanakit ni Rudy sa kaniyang buhay. Sadyang mabuti ang kalooban ni Agatha, bagay na bagay sa pangalan niya. Mabuti na lamang at malawak ang kaniyang pang-unawa sa mga bagay-bagay. Inisip niyang marahil ay hindi matanggap ni Rudy sa kaniyang sarili ang kaniyang kinahinatnan.

Upang mapagbigyan ang asawa, ipinasya ni Agatha na magluto ng papaitan, isa sa mga paboritong ulam ni Rudy. Hindi siya marunong magluto; ang totoo, si Rudy ang nagluluto sa kanila noong maayos pa ito. Si Rudy ang nagturo sa kaniya kung paano magluto ng nilaga at sinigang. At ngayon, susubukin niyang magluto ng papaitan.

Nanood si Agatha ng mga tutorial videos sa YouTube kung paano magluto ng papaitan. Makalipas ang halos dalawang oras, natapos na rin ang kaniyang pagluluto. Isinilbi na niya ang ulam at kanin sa asawa.

Subalit sa unang subo pa lamang ni Rudy, idinura na nito ang karne ng kambing sa kaniya.

“Walang kuwenta! Ang tigas ng karne! Nagsisisi ako kung bakit ikaw ang pinakasalan ko. Wala kang alam sa buhay! Lumayas ka nga rito at baka samain ka sa akin…”

“P-pasensiya ka na Rudy… alam mo namang hindi ako marunong magluto, hindi ba? Ikaw lang naman ang nagturo sa akin. Sabi mo kasi noon, ikaw na ang bahala sa akin,” naluluhang sabi ni Agatha.

“Dati iyon… noong hindi pa ako inutil. Ngayon, baldado na ako, wala na akong silbi! Kaya magkasilbi ka naman. May paa kang nakakalakad. May kukote ka. Paganahin mo naman. Huwag kang umasa sa akin dahil hindi na mababalik sa dati ang lahat! Hindi na!” galit na bulyaw ni Rudy.

Dali-daling lumabas ng silid si Agatha at hindi niya napigilan ang pagpalahaw ng iyak. Lungkot na lungkot siya sa kalagayan ng kaniyang mister, gayundin sa sinapit ng mga pagbabago rito. Hindi na ito ang kaniyang pinakasalan. Subalit mahal na mahal niya ang asawa kaya hindi niya ito susukuan.

Makalipas ang isang buwan, napag-alaman ni Agatha na siya ay nagdadalang-tao. Kung may hindi man nagmimintis na ginagawa nila ng mister simula nang mabaldado ito, ito ay ang pagniniig nila. Gabi-gabi silang nagsisiping ng asawa, at sa tuwing ginagawa nila iyon, parang normal na normal si Rudy; nararamdaman niya ang pagmamahal ng asawa.

“Buntis ako, Rudy… isang buwan. Magiging tatay ka na,” bagama’t naiilang, pagtatapat ni Agatha sa asawa. Tinitigan lamang siya ng asawa. Tila wala itong reaksyon sa kaniyang sinabi.

“Lumapit ka rito…” malamig na utos ni Rudy.

Bantulot na lumapit si Agatha sa asawa. Sa isip-isip niya, kung malalaman ni Rudy na nagbunga ang gabi-gabi nilang pagniniig, baka-sakaling bumalik na ito sa dati.

Subalit laking-gulat ni Agatha nang biglang hatakin ni Rudy ang kaniyang buhok at pinagsasampal ang kaniyang psingi.

“Malandi kang hayop ka! Kanino ka nagpatira habang ganito ang kalagayan ko? Kanino?! Haliparot!” sabunot ni Rudy ang kaniyang mahabang buhok. Ang isang palad nito ay nakahawak sa kaniyang bibig at pinipisil ito nang mariin. Makapal at malakas ang mga kamay ni Rudy kaya halos mapangiwi sa labis na sakit si Agatha.

“B-Bitiwan mo ako, Rudy… i-ikaw ang ama nito, hindi ako nagtaksil sa iyo, hindi ba’t gabi-gabi naman tayong nagsisi*ping, bakit nagtataka ka pa?” hindi makahinga si Agatha. Nararamdaman niyang sumasakit ang bandang tiyan niya.

“Sinungaling! Anong ginagawa mo kapag tulog ako? Kanino ka kumalantari? Sa nagdedeliver ng tubig? Sa nagbebenta ng tangke ng gaas? Baldado na ako… baldado na ako! Alin, humanap ka na ba ng ibang lalaking nakakatayo at nakakalakad, ha!” gigil na gigil si Rudy. Hinigpitan nito ang pagkakasabunot sa mahabang buhok ni Agatha.

“N-nasasaktan ako, Rudy! Maniwala ka naman sa akin, ikaw ang ama ng dinadala ko, hindi ko magagawang magtaksil sa iyo…” pagmamakaawa ni Agatha.

Kinuha ni Rudy ang nakatabing tungkod, at hahatawin sana ang misis subalit napigilan ito ni Agatha nang isang kamay. Kinuha niya ang tungkod at inihampas sa kamay ni Rudy na nakasabunot sa kaniyang buhok. Nabitiwan ni Rudy ang kaniyang buhok.

Nagdilim ang paningin ni Agatha. Sa isang iglap, pinaghahampas niya ng tungkod ang katawan ni Rudy. Isa… dalawa… tatlo… apat… limang hampas.

“T-tama na… tama na Agatha…” pagmamakaawa ni Rudy. Tumama pala ang hampas ng tungkod sa mga paa nitong baldado.

Humihingal na huminto si Agatha. Hindi siya makapaniwalang kaya niyang pagbuhatan ng kamay ang asawa. Hindi siya makapaniwalang kinaya niyang ipaglaban ang sarili laban sa asawa.

“Tama ka, Rudy. Tama na. Tama na. Kung hindi mo matiis na tanggapin ako bilang asawa mo, igalang mo naman ako bilang isang babae. Alam mo kung anong problema sa iyo? Kinain ka ng insecurity mo sa sarili mo! Wala kang karapatang saktan ako. Kung hindi mo ako matanggap at ang anak natin, aalis na lang ako. Bahala ka na sa buhay mo!” umiiyak at galit na sabi ni Agatha. Buo na ang kaniyang loob. Iiwan na niya si Rudy at mag-isa niyang bubuhayin ang anak.

“Agatha… patawarin mo ako. Huwag mo akong iwan! Agatha! Agathaaaaaaaa!!!”

At lumipas ang limang buwan. Malaki na ang tiyan ni Agatha. Nakitira siya sa isang malapit na pinsan. Wala siyang balita kung kumusta na ba si Rudy. Masaya siya sa pinili niyang buhay.

Hanggang sa isang araw, nagulat siya dahil may bisita sila. Si Rudy. May suot itong dalawang saklay, kasama ang isa nitong kasamahang sundalo.

“Anong ginagawa mo rito?” matigas na tanong ni Agatha kay Rudy. Subalit lumundag nang lihim ang puso niya nang masilayan ang asawa. Napagtanto niyang mahal pa rin niya ito sa kabila ng lahat.

Nagbago na rin ang hitsura ni Rudy. Kitang-kita sa mga mata nito ang lungkot, pagkapagod, at pagsisisi.

“A-Agatha… patawarin mo ako. Naging walang kuwentang asawa ako para sa iyo. Nilamon ako ng galit sa sarili ko, ng insekyuridad, ng kawalang pag-asa. Patawarin mo ako. Hindi na mauulit ang mga ginawa ko sa iyo. Bigyan mo pa ako ng isa pang pagkakataon. Mali ang mga nagawa ko sa iyo. Hindi ko dapat ibinunton sa iyo ang mga galit ko sa mundo. Mawala na ang lahat, huwag ka lamang. Huwag lamang kayo ng anak ko,” umiiyak na paghingi ng tawad ni Rudy kay Agatha.

Hindi na napigilan ni Agatha ang kaniyang sarili. Nilapitan niya ang asawa at niyakap. Nauunawaan naman niya ang pinagdaanan nito. Hindi biro ang sinapit nito. Subalit tao rin lamang siya; marunong magtampo, maghihinakit, at masaktan.

Muling bumalik si Agatha sa kanilang bahay at binigyan ng pangalawang pagkakataon si Rudy. Nagbago na rin si Rudy. Hindi na ito masungit at mapanakit kay Agatha. Hanggang sa nagsilang ng isang lalaking sanggol si Agatha na nagdulot ng panibagong kulay sa kanilang mag-asawa, na minsang nabalot ng karimlan.

Advertisement