Nag-viral sa Social Media ang Video ng Matandang Tindera ng Mani Dahil sa Matinis Niyang Tinig; Ito Pala ang Magiging Dahilan Upang Makapiling Niya ang Nawalay na Pamilya
“Mani! Mani! Bili na kayo ng mani! Mani kayo at huwag mapili!”
Napangiti si Leslie nang marinig na ang matinis na tinig ni Aling Mercy, ang matandang naglalako ng binusang mani sa mga lansangan ng kanilang barangay. Nakahihikayat ang kaniyang tinig na napakatinis kaya naman marami siyang mga suki.
Lumabas ng kaniyang bahay si Leslie upang bumili ng mani sa kaniyang suki.
“Nay Mercy! Dating gawi,” nakangiting sabi ni Leslie sa matanda.
Gumanti ng ngiti ang matanda. Kahit na bungi-bungi na ang mga ngipin nito, para kay Leslie, ang mga ngiti nito ang pinakamatamis na ngiting nasilayan niya. Kahit mahirap ang buhay ay nagagawa pa rin nitong ngumiti.
“Ang bilis mo namang maubos ang mani, anak…” nasabi sa kaniya ni Aling Mercy.
“Ginagawa ko kasing stock, Nay. Nakakabato kasi ang magtrabaho rito sa bahay,” tugon ni Leslie.
“Ah ganoon ba? Naku, napakasipag mo naman. Para kang anak ko na nasa Mindoro. Masipag ding gaya mo,” puri ni Aling Mercy sa kaniyang anak.
“Talaga ba Nay? Naku, siguro proud na proud sa iyo ang anak mo sa Mindoro. May masipag din siyang nanay na gaya ninyo. Sa kaniya kayo nagmana,” pagbabalik-papuri ni Leslie sa tindera.
Ngumiti lamang si Aling Mercy at iniabot kay Leslie ang isang balot ng mani.
“Pero Aling Mercy, bakit nga ba narito kayo sa Maynila? Wala po ba kayong balak bumalik sa Mindoro para makasama ang anak ninyo?” biglang pag-usisa ni Leslie.
Kitang-kita ni Leslie ang paglamlam ng mga mata ni Aling Mercy. Subalit bigla itong ngumiti at humarap sa kaniya.
“Nag-iipon pa ako para makabalik ako sa Mindoro, anak. Kaya lagi kang bibili sa akin ah para lagi akong may kita at upang mapabilis ang pagbalik ko sa Mindoro,” turan ni Aling Mercy.
Simula noon, lalo pang napadalas ang pagbili ni Leslie ng mani kay Aling Mercy. Gusto niyang matulungan ang matanda upang makauwi sa Mindoro at makasama na nito ang mga anak niya. Hinikayat niya ang mga kapitbahay na tangkilikin ang tindang mani ni Aling Mercy.
Minsan, napagkatuwaan ni Leslie na kunan ng video ang paglalako ni Aling Mercy dahil natutuwa talaga siya sa matinis nitong tinig, at sa paraan nito ng pagsasalita. Nagpaalam siya na ibabahagi niya ito sa kaniyang social media account. Pumayag naman ang matanda.
Ilang araw matapos ma-upload ang video ni Aling Mercy, laking-gulat niya nang mapag-alamang naging viral na pala ito. Marami ang natuwa sa video ni Aling Mercy habang nagtitinda. Marami ang nagbigay ng pribadong mensahe kay Leslie na nagpahayag na nais nilang tulungan ang matanda.
Isa sa mga nakapukaw ng atensyon ni Leslie ang mensahe ng isang babaeng taga-Mindoro.
“Hello po. Ako po si Dolores Magcanlas. Nanay ko po ang tindera ng mani sa video na ibinahagi ninyo. Puwede bang makipag-ugnayan sa inyo para mapuntahan namin siya at maiuwi rito sa amin? Matagal na namin siyang hinahanap,” saad ng babae.
Agad na nakipag-ugnayan si Leslie at ibinigay ang detalye ng kaniyang tirahan upang makapunta sa Maynila ang naturang babae na nagpakilalang anak ni Aling Mercy. Naisip ni Leslie, ito marahil ang anak na laging ibinibida ni Aling Mercy sa kaniya.
Matapos ang dalawang araw, dumating na nga sa Maynila si Dolores. Hindi sinabi ni Leslie kay Aling Mercy ang tungkol sa pakikipag-usap ng kaniyang anak. Gusto niya kasing sorpresahin ito.
Subalit nang araw na iyon, hindi nagtinda si Aling Mercy sa hindi malamang dahilan.
“Ano kayang nangyari sa kaniya?” nag-aalalang tanong ni Leslie. Wala pang mintis si Aling Mercy sa pagtitinda.
“May paraan kaya para mahanap natin siya?” tanong ni Dolores.
Nagtanong-tanong sina Leslie at Dolores sa kanilang mga kapitbahayan kung may nakakaalam sa kanila kung saan matatagpuan ang bahay ni Aling Mercy. Isang tricycle driver ang nakarinig sa kanilang paghahanap-hanap, at sinabi nitong alam nito kung saan makikita ang bahay ni Aling Mercy.
Agad na nagtungo roon ang dalawa. Isang maliit na barong-barong ang kanilang nakita. Agad na pumasok ang dalawa sa loob nito. Tumambad sa kanilang harapan si Aling Mercy na nakahiga sa kaniyang papag: may nakapulupot na malaking tuwalya sa kaniyang noo. Basa ang naturang kumot ng sukang paombong. Mukhang may sakit ito.
Agad na lumapit si Dolores sa kaniyang ina.
“Nay… nay… anong nangyari sa iyo?” umiiyak na tanong ni Dolores.
Nagdilat ng kaniyang mga mata si Aling Mercy. Nagulat ito nang makita ang anak. Hindi na nito napigilan ang pagbalong ng luha sa kaniyang mga mata.
“Dolores, anak ko… ikaw ba iyan?” hinang-hinang tanong ni Aling Mercy.
“Opo ‘Nay… patawarin po ninyo ako sa mga nasabi ko noon. Hindi ko po intensyon na masabi ang mga bagay na iyon. Patawarin mo ako Nay! Patawad!” paghingi ng paumanhin ni Dolores.
Itinakbo nila sa pinakamalapit na ospital si Aling Mercy, na tinatrangkaso lamang pala. Habang nagpapahinga, isinalaysay ni Dolores kay Leslie kung bakit sila nagkahiwalay ng kaniyang nanay.
Nagtampo pala si Aling Mercy kay Dolores dahil narinig nito minsan ang sinabi niyang tumatanda na ang ina, at baka magpasaway rin ito. Dahil doon, lumuwas umano ng Maynila si Aling Mercy. Dahil hindi marunong gumamit ng cellphone ang matanda, matagal na panahon silang nagkawalay.
“Napakalaking pagsisisi ko sa mga nasabi ko. Maraming salamat, Leslie. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyaring masama sa Nanay,” pasasalamat ni Dolores kay Leslie.
Matapos ang ilang araw, gumaling na rin si Aling Mercy. Dahil nagkaayos na ang mag-ina, pumayag na rin si Aling Mercy na sumama sa Mindoro upang makapiling ang kaniyang pamilya.