Inday TrendingInday Trending
Walang Takot ang mga Mamamayang Ito ng Isang Barangay; Laking Pagsisisi nila Nang Tamaan sila ng Epidemya

Walang Takot ang mga Mamamayang Ito ng Isang Barangay; Laking Pagsisisi nila Nang Tamaan sila ng Epidemya

Umarangkada na naman ang patrol ng barangay. Maririnig ang babala na ipinatutugtog ng operator sa malaking speaker na dala-dala ng naturang sa sakyan ang anunsyo tungkol sa isang nakahahawang sakit at pinag-iingat nito ang mga tao.

“Babala, isang nakahahawang sakit ang maaaring kumalat sa ating bayan kung hindi tayo mag-iingat. Binibilinan ang lahat na manatili sa kani-kaniya nilang mga tahanan upang maiwasan ang pagkalat nito! Mangyari po lamang na ipagbigay alam sa mga opisyal ng barangay ang sinumang makikitaan ng sintomas!”

Pangatlong araw nang nagpapatrol ang mga tanod upang ipaalam sa lahat ang tungkol sa naturang nakahahawang sakit, ngunit ganoon pa rin katitigas ang ulo ng kanilang mga nasasakupan. Kahit anong pagpapatupad ng curfew ay napakarami pa ring lumalabag.

Halos hindi na mawalan ng tanod na nagroronda sa kalsada dahil sa mga pasaway na kung minsan pa nga ay may gana pang magpahabol sa kanila. Lalo na ang ilang mga kabataang animo hindi pa nakaiintindi at wala pa ring ibang alam gawin kundi gumala at maglakwatsa.

Namomroblema na ang kapitan kung papaano niya pasusunurin ang kaniyang mga nasasakupan. Ginagawa niya ang lahat ngunit kahit anong gawin niya ay alam niya ring hindi pa rin nagiging sapat. Isa paʼy malaki rin ang pagkukulang ng kaniyang pamahalaan dahil ipinagsawalang bahala lamang din niya ito noong una at inakalang hindi naman lalala nang ganito ang pangyayari.

“Nag-a-announce na naman ang mga opisyales ng barangay, narinig nʼyo ba?” tanong ng isang tsismosa sa kapitbahay nito nang magkasalubong sila galing sa pagbili sa tindahan.

“Naku, tinatakot lamang naman tayo ng mga iyan. Simpleng trangkaso lang naman daw kasi ʼyong kumakalat,” sagot naman ng kausap nito.

“Pero wala namang mawawala kung tayoʼy susunod, hindi ba? Basta ako, pinagsasabihan ko ang anak ko na huwag na munang lalabas hanggaʼt wala pang lunas sa sakit na ʼyan para makaiwas. Abaʼy mahirap namang magkasakit ngayon,” bigla namang singit ni Aling Puring nang marinig ang usapang iyon ng dalawang tsismosa.

“Ay, naku, Aling Puring. Mahirap pagsabihan ʼyong mga anak ko, e. Naku! Sasagot pa sa akin ang mga ʼyon kaya pababayaan ko sila riyan. Baka mabwisit lang ako, e,” katuwiran ng isa.

“Oo nga. Saka huwag kayong nagpapaniwala sa mga ganiyang bali-balita. Ganiyan naman ʼyang mga pulitikong ʼyan. Malapit na kasi ang eleksyon kaya gagawa sila ng kuwento para kunwari, concern sila sa mga mamamayan dito. Alam na alam ko na ang karakas ng mga ʼyan!” pagsasaad naman ng isa pang tsismosa sa kaniyang opinyon. Napakibit-balikat na lamang si Aling Puring sa mga narinig at ipinagsawalang bahala na lamang din ang pag-iingat. Aniyaʼy may punto naman ang kausap niyang tsismosa.

Ngunit ganoon na lamang ang pagsisisi ng halos lahat ng mga tagaroon sa lugar nang mabilis pa sa alas kuwatrong kumalat na nga ang naturang karamdaman at naging isa iyong epidemiya!

Naisip nila, sana ay nakinig na lamang sila sa paulit-ulit nang paalala ng kanilang lokal na pamahalaan noong hindi pa lumalaganap ang sakit. Ngayon kasi ay mahirap na itong puksain at nakatatakot pa nga dahil wala pa ring nahahanap na lunas dito hanggang ngayon. Idagdag pa ang iba pang problemang kinahaharap ng kanilang lugar tulad ng kawalan ng pondo para sa aspetong medisina ng kanilang lugar. Nagsimula na rin ang taggutom nang mawalan ng trabaho ang karamihan sa mga mamamayan nang patigilin ang mga ito sa pagpasok sa ibang kompanya dahil sa napapabalitang epidemya.

“Sinasabi ko na kasi sa inyo, e! Paano na ngayon ʼyan? Ang mga anak natin, iuuwi na nating walang buhay galing sa pagamutan! Sana, nakinig na lamang ako sa aking sarili noong una pa lang at hindi na lamang sana ako nagpaimpluwensya sa inyo!” paninisi ni Aling Puring sa dalawang tsismosang kausap niya noong hindi pa lumalaganap ang sakit sa kanilang lugar.

Naghihinagpis siya ngayon dahil sinunod niya ang sinasabi lamang ng ibang tao kaysa sa sarili niyang pag-iisip bilang ina. Ngayon, tuloy ay pare-pareho silang nawalan ng anak dahil pinabayaan nila ang mga ito sa gusto nila.

Nagsilbing aral ang pangyayaring iyon upang umpisahan na ng mga tagaroon ang pagsunod sa mga alituntunin, patakaran at babala ng kanilang barangay. Hindi nagtagal ay unti-unting bumaba ang bilang ng mga nakukumpirmang kaso ng epidemya sa kanilang lugar, hanggang sa tuluyan nang makahanap ng lunas para dito.

Advertisement