Inday TrendingInday Trending
Isang Taong Grasa ang Pinandidirihan sa Lugar na Iyon; Naantig Sila Nang Malaman ang Kuwento ng Kaniyang Buhay

Isang Taong Grasa ang Pinandidirihan sa Lugar na Iyon; Naantig Sila Nang Malaman ang Kuwento ng Kaniyang Buhay

Pinandidirihan, kinatatakutan, at iniiwasan ng karamihan ng mga tagaroon ang isang taong grasa, dahil nga sa kakulangan nito sa pag-iisip. Bukod pa roon ay mabaho at marungis ito. Paanoʼy matagal na itong lalaboy sa kalye at madalas ay sa basurahan ito umiistambay kung saan ito nagkakalkal ng makakain galing sa mga tira-tira at itinapon na ng ibang tao.

Isang grupo ng mga kabataan ang naglakas ng loob upang kapanayamin ito bilang proyekto sa kanilang paaralan. Kailangan kasi nilang magsagawa ng isang survey tungkol sa buhay ng mga palaboy sa kalsada. Agad naman nilang nakumbinsi ang naturang taong grasa tungkol sa pakikipagpanayam kapalit ng pagkain nito para sa araw na iyon. Tamang-tama pa nga dahil mukhang wala itong sumpong ngayon.

“E, ano nga bang pangalan mo?” paunang tanong ng isa sa mga kasama sa grupo. Si Bart.

“Ako?” turo naman ng taong grasa sa kaniyang sarili sa pagitan ng pagnguya sa hawak nitong hamburger. “Ako si Lando,” dagdag pa nito.

“Anoʼng trabaho mo noon?” muling tanong ni Bart na siyang nakatoka sa pag-iinterview habang ang iba naman ay may hawak na camera, script at kung anu-ano pang gawain.

“Nagtatrabaho ako sa bahay ampunan dati. Nag-aalaga ako ng mga bata. Masaya nga ako noon, e, kasi kasama ko sila kaya lang isa-isa na silang inampon hanggang sa umalis na ako doon,” sagot naman nito na hanggang ngayon ay patuloy pa rin sa pagnguya.

Ngunit biglang nagkatinginan ang magkakagrupo nang makita nilang biglang tumulo ang mga butil ng luha mula sa mga mata ng taong grasang nagngangalan palang Lando. Masagana ang pag-agos ng mga iyon na animo nasasaktan ngunit hindi naman nagbabago ang ekspresyon sa kaniyang mukha at patuloy pa rin ito sa pagkain.

Doon ay nagkaroon lalo ng interes ang magkakagrupo sa kuwento ng buhay ni Lando bago ito maging taong grasa.

“Mahal mo ʼyong mga batang inaalagaan mo?” muli ay tanong ni Bart.

“Oo. Mahal ko sila. Si Andoy, si Bentong, si Pipay, Mike, at Sandra. Mahal ko nga sila, e. Ako pa nga ang nagpapakain sa kanila tapos ako ang katabi nila sa pagtulog kapag natatakot sila. Sabi nila, hindi raw nila ako iiwan pero isa-isa rin silang umalis, e. Tapos hindi na sila bumalik… hindi ko na ulit sila nakita.”

Sa pagkakataong ito ay mas naging hayagan na ang damdaming nararamdaman ni Lando sa kaniyang puso. Humikbi na ito at napahinto sa pagkain. Niyakap nito ang sarili at isa-isang binanggit nang paulit-ulit ang pangalan ng mga batang inalagaan daw nito noon.

Dahil doon ay hindi na natapos pa ng magkakagrupo ang kanilang panayam. Nagtatakbo kasi si Lando palayo habang patuloy na tinatawag ang mga pangalan ng naturang mga bata.

Magkaganoon pa man ay napilitang ipresinta ng kanilang grupo ang video kahit pa nga iyon ay putol, sa harapan ng mga magulang nila, bilang audience sa kanilang presentation.

Ngunit ang hindi inaasahan ng grupo ay nang magsimulang mag-iyakan na rin ang kanilang mga magulang at sinasabing kilala nila ang taong grasang si Lando!

“Kami ang mga batang binabanggit niya. Kami ang mga batang lumaki noon sa ampunan na kaniyang inalagaan, pero hindi namin siya kinalimutan… umalis siya noong isa-isa kaming mawala dahil iyon na rin ang pag-uumpisa ng pagkawala niya sa katinuan… hanggang sa tuluyan na namin siyang hindi nakita,” pagsisiwalat ng ina ni Bart na si Sandra na agad namang sinang-ayunan ng ama niyang si Andoy.

Ganoon din ang iba pang mga magulang ng kaniyang kagrupo na tila itinadhanang makapanood ng kanilang video. Si Bentong, Pipay at Mike.

Naging emosyonal ang pagtatapos ng documentary video ng grupo nina Bart, kaya naman sila rin ang nakakuha ng pinakamataas na marka. Dahil daw kasi sa kanila ay nagkaroon ng pagkakataong magkita-kitang muli sina Lando at ang mga batang kaniyang minahal noon.

Isiniwalat nina Sandra at ng iba pa na si Lando pala ay ulilang lubos na noon pa kaya sila ang itinuring nitong pamilya. Ngayon, sila naman ang babawi sa taong noon ay nagbigay ng pagmamahal sa kanila.

Pinuntahan nina Sandra, Andoy, Pipay, Bentong at Mike si Lando at muli ay isa na namang nakaaantig na tagpo ang nasaksihan ng mga tagaroon. Simula noon ay nakaramdam nang muli ng pagmamahal si Lando.

Pinatunayan ni Lando na gaano man makalimot ang isip ng isang tao, kailan man ay hinding-hindi mawawala sa puso nito ang pagmamahal para sa mga taong kaniyang pinahahalagahan.

Advertisement