Pinaghandaan ng Matanda ang Ireregalo sa Apo; Maaantig ang Kaniyang Puso sa Magiging Reaksyon nito
“Seven hundred fifty po itong pera ninyo, lolo,” pag-iimporma ng kahera sa isang gift shop kay Mang Aurelio, matapos nitong bilangin ang mga barya sa kaniyang kabubukas lang na alkansya.
“E, ano ba ang mabibili sa halagang ʼyan, ineng? May maganda na kayang maaaring iregalo sa halagang ʼyan? Birthday kasi ng apo ko sa linggo kaya gusto ko sanang regaluhan sa espesyal niyang araw,” nakangiti namang ani Mang Aurelio sa kahera. Hindi maikakaila ang saya sa mga mata ng matanda habang binabanggit ang mahal na apo.
Laking America kasi ang apo nitong si Lesly, sa puder ng mayamang ama nitong isang negosyante, kaya naman madalang pa sa minsan kung makasama niya sa mga ganitong okasyon ang kaniyang apo. Noon kasi ay nagkakasya na lamang sila sa pakikipagtawagan dito upang makabati. Laking tuwa nga ni Mang Aurelio nang banggitin sa kaniya ng anak na dito sa Pilipinas nagustuhang ipagdaos ni Lesly ang kaniyang ika-labing anim na kaarawan.
Napangiti ang kahera sa nakikitang galak sa mukha ni Mang Aurelio. “Naku, manong, itʼs the thought that counts. Sigurado po akong magugustuhan ng apo ninyo ang kahit anong ireregalo nʼyo, bastaʼt galing sa kaniyang lolo,” sabi pa nito bilang pampalubag loob sa nagagalak ngunit nag-aalinlangan ding matanda.
Hindi naman masabi ni Mang Aurelio na kinakabahan siya, dahil baka hindi magustuhan ng kaniyang apo ang ibibigay niya. Alam naman kasi niya na kayang-kaya itong ibili ng ama ng kahit anong bahay na gustuhin nito.
Kung tutuusin ay maaari naman niyang tanggapin ang mga perang iniaabot ng kaniyang anak para sana madali siyang makaipon ng ipangbibili niya ng regalo, kaya lang, ang gusto niya ay iyon talagang galing sa kaniyang pagod para mas makabuluhan. Kaya naman kahit sa kabila ng kaniyang edad ay nagtiyaga siyang ibiyaheng muli ang kaniyang lumang pedicab upang kumita kahit papaano.
Linggo. Dumating ang pinakahihintay na araw ni Mang Aurelio. Ang araw ng mismong kaarawan ng apo niyang si Lesly.
Noong unaʼy galak na galak ang matanda na ibigay ang kaniyang regalo sa apo, ngunit ganoon na lang ang kaniyang panlulumo nang isa-isang buksan ni Lesly sa harapan ng mga bisita ang mga regalo sa kaniya. Puro mga mamahaling regalo ang tinanggap nito mula sa kaniyang mga bisita kaya ganoon na lang ang hiya ni Mang Aurelio sa kaniyang sarili.
Akma na sanang tatalikod si Mang Aurelio upang itago na lamang ang regalo niyang nakabalot sa mumurahing gift wrapper nang marinig niyang tinawag siya ni Lesly. “Lolo Aurelio, is that mine?”
Nang lingunin ng matanda ang kaniyang apo ay malawak ang pagkakangiti nito sa kaniya kaya naman napilitan na lamang siyang tumango. Tila naman na-excite ang dalagita kaya ito na mismo ang lumapit sa kaniya upang yakapin siya at magpasalamat habang binubuksan nito ang kaniyang regalo.
“Oh-em-gee!” nanlalaki ang mga matang reaksyon ni Lesly nang tuluyan nang makita ang kaniyang regalo. Biglang kinabahan si Mang Aurelio nang makitang tumulo ang luha ng kaniyang apo!
“B-bakit umiiyak ka, apo ko? Hindi mo ba nagustuhan? Pasensiya ka na, ʼyan lang ang kinaya ni lolo.” Hindi na malaman ng matanda kung papaano aaluin si Lesly, nang bigla siya nitong yakapin…
“Lolo, ito po ang pinakamagandang regalong natanggap ko ngayong sixteenth birthday ko. Whenever Iʼm in America, lagi ko po kayong nami-miss ni lola, kaya thank you po sa magandang regalong!” ani Lesly na talagang ikinagulat naman ni Mang Aurelio.
Mga simpleng notebook lamang kasi ang kaniyang regalo na ang disenyo sa cover o pabalat ay pinagsama-samang mga litrato ni Lesly noong bata pa habang karga-karga ito ng kaniyang lolo at lola. Mga masasayang ala-ala nila kasama ang kanilang kaisa-isang apo.
Matinding galak ang naramdaman ng maglolong Mang Aurelio at Lesly habang magkayakap sila na pati ang karamihan sa mga bisita ay nadala na rin sa nangyayari. Naluha ang mga ito at naantig sa ipinapakitang pagmamahal ni Lesly sa kaniyang lolo at lola, kahit pa nga madalas ay hindi naman niya ito nakakasama. Bumilib din si Mang Aurelio sa tatas ni Lesly sa pananagalog. Bagay na ipinangamba niya pa noon dahil baka mahirapan siyang kausapin ang kaniyang apo. Mukhang ito na mismo ang gumawa ng paraan upang sila ay magkaintindihan palagi.
Napatunayan ng pangyayaring iyon na kahit magkakalayo ang magkakapamilya ay mananatili silang konektado sa isaʼt isa, sa pamamagitan ng pagmamahal.