Inday TrendingInday Trending
Niligawan ng Binata ang Dalaga Dahil sa Pustahan; Nakatakda Ring Mahulog ang Loob Niya Rito

Niligawan ng Binata ang Dalaga Dahil sa Pustahan; Nakatakda Ring Mahulog ang Loob Niya Rito

“Hoy, Angelie, may crush daw sa iyo si Robert!” kinikilig na sabi ni Loisa sa kaniyang pinsan.

“Kanino mo naman nalaman ‘yan?”

“Ipinagkakalat daw ni Robert na may crush siya sa iyo. Uy, namumula ang ga*ga!”

“Tse! Tigilan mo nga ako!” awat ng dalaga sa madaldal niyang pinsan.

Kunwari pa si Angelie na pat*y malisya siya, pero sa loob niya ay nagtatatalon na ang puso niya sa sobrang kilig. Matagal na rin siyang may lihim na paghanga sa binata.

Kinagabihan ay dinalaw siya ni Robert sa kanilang bahay para manligaw.

“Magandang gabi, Angelie. Narito ako para manligaw sa iyo,” diretsahang sabi ng binata saka iniabot sa kaniya ang dala nitong bulaklak.

“Tuloy ka, Robert. Ikaw naman, nag-abala ka pa,” tugon niya habang kinikilig at pinamulahan na naman ng pisngi.

“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Gusto kong malaman mo na mayroon akong pagtingin sa iyo, Angelie. Noon pa ma’y sobrang crush na kita. Nahihiya lang akong aminin sa iyo.”

Sa sandaling iyon ay para namang sinisilihan sa puw*et si Angelie. Hindi siya mapakali sa sobrang tuwa dahil may pagtingin din pala ito sa kaniya. Sa isip niya ay napakasuwerte niya at siya ang nagustuhan ng pinapangarap na binata.

“Hindi ba parang nabibigla ka lang, Robert? Bakit ako pa ang nagustuhan mo, eh, marami namang mas magagandang babae rito sa atin?”

Nagtataka rin si Angelie kung bakit siya ang napiling ligawan ni Robert gayong hindi naman siya kagandahan. No read, no write rin siya dahil hindi siya nakapag-aral sa sobrang hirap ng buhay. Masipag lang siya at madiskarte kaya nakakapagtinda siya ng mga gulay at prutas sa palengke kasama ang pinsang si Loisa. Ulila na rin siya sa mga magulang kaya nakikitira na lamang siya sa kaniyang tiyahin.

“Hindi ako nabibigla, Angelie. Noon pa ay hinahangaan na kita kaya heto’t gusto kong makuha ang matamis mong oo. May pag-asa ba ako sa puso mo, Angelie?”

Dahil may pagtingin din siya kay Robert ay agad niya itong sinagot.

“Oo na, Robert. Sinasagot na kita.”

Tuwang-tuwa naman si Robert sa pagbibigay sa kaniya ni Angelie ng matamis na oo. Parang tumama sa lotto ang binata. Kung bakit masayang-masaya siya? Iyon ay dahil panalo siya sa pustahan nilang magkakaibigan.

“Ibigay niyo na sa akin ang limang daan piso niyo! Panalo ako sa pustahan natin. Napasagot ko na si Angelie!” pagyayabang niya sa mga kasama.

“Uy, hindi ka pa panalo, pare. Wala pang nangyayari sa inyo ni Angelie kaya hindi pa tapos ang pustahan!” hirit ng isa sa mga kasama niya.

Kakamut-kamot sa ulo niya si Robert habang naglalakad pauwi. Pera na naging bato pa. Hindi pala tapos ang pustahan nila. Kailangan na may mangyari sa kanila ni Angelie para tuluyan siyang manalo. Malaki rin kasing halaga ang mapapanalunan niya na maaaring ipandagdag sa perang ipapadala niya sa mga magulang na sa Maynila. Maliit lang ang kinikita niya sa pinagtatrabahuhang koprahan.

Maya-maya ay napansin niya ang isang babae na nasa labas ng inuupahang bahay at umiiyak. Agad niyang nakilala ang babae.

“A-Angelie?”

Dali-dali niyang nilapitan ang dalaga at pinakalma.

“O, m-mahal, ano’ng nangyari? Bakit ka umiiyak?”

“Pinalayas ako ng aking tiyahin. Pinatira niya sa bahay ‘yung kinakasama niyang lalaki kaya ako ang pinaalis niya. Hindi naman ako puwedeng makitira sa pinsang kong si Loisa dahil siksikan na rin sila sa bahay nila. Wala na akong mapupuntahan kaya ikaw ang naisip kong puntahan. Maaari bang makitira muna ako rito?” humihikbing sabi ng dalaga.

“O-oo naman. M-mula ngayon ay dito ka na titira kasama ako,” sagot ni Robert sa napipilitang tono.

Wala nang nagawa si Robert. Dahil nakaramdam siya ng awa sa dalaga ay pinatuloy niya ito sa inuupahang bahay, pero mula nang makasama niya ito ay tila nagbuhay prinsipe siya dahil ang dalaga na ang halos gumagawa ng lahat ng gawaing bahay.

Si Angelie ang nagluluto, naglalaba, namamalantsa, naglilinis ng bahay at iba pa. Bukod doon ay lumalagare rin ito sa pagtitinda sa palengke at ang kinikita nito ay buong-buong ibinibigay sa kaniya. Bayad daw iyon sa pagtuloy nito sa bahay niya. Ang sabi ng dalaga, kahit magkasintahan na sila ay nahihiya pa rin itong tumira ng libre. Hindi naman niya tinatanggap ang mga ibinibigay nitong pera, ibinabalik rin niya iyon. Kapag dumarating naman siya galing sa trabaho ay asikasong-asikaso rin siya ni Angelie. Pinupunasan siya nito ng pawis at minamasahe ang kaniyang lingkod. Pakiramdam niya ay para silang totoong magkasintahan ng dalaga. Napagtanto niya na napakabait at napakamaalaga pala nito hanggang sa hindi niya namalayan na nahuhulog na pala ang loob niya sa babaeng pinagpustahan lang nila ng mga kaibigan niya.

Isang araw, kinantiyawan siya ng mga kaibigan.

“Pareng Robert, balita namin ay magkasama na kayo sa bahay ni Angelie? Pagkakataon mo na ‘yan para manalo sa pustahan!” wika ng isa sa mga kaibigan niya.

“Parang hindi ko ma-imagine na makakayang gawin iyon ni Robert. Eh, hindi naman si Angelie ang tipo niyang babae,” gatol ng isa niyang kasama.

“Kung gusto mong manalo sa pustahan, dapat na maka-iskor ka na sa kaniya, pare!” hirit pa ng isa pa.

Umiling si Robert. Tanda na hindi siya sang-ayon sa sinabi ng mga kaibigan. Lalong hindi nakapagsalita ang mga kasama niya sa itinugon niya.

“Nang magsama kami ni Angelie sa iisang bubong, nalaman ko kung gaano ako kasuwerte na makilala ang isang tulad niya. Totoo na hindi siya ang tipo kong babae dahil hindi siya kagandahan. Kung tutuusin ay ayoko rin sa mga babaeng walang alam at no read, no write na gaya niya, pero nang lubusan ko siyang makilala ay isa pala siyang natatanging babae. Ipinakita at ipinaramdam niya sa akin kung gaano ako kahalaga sa kaniya, kaya napagdesisyunan kong umatras na sa pustahan natin dahil napatunayan kong mahal ko na pala siya. Natutunan ko nang mahalin si Angelie,” pag-amin niya sa mga kasama.

Napanganga ang mga kaibigan ni Robert sa sinabi niya. Hindi sila makapaniwala na ang pinakababaero sa kanilang grupo ay napa-ibig ni Angelie na ‘di naman kagandahan at no read, no write pa.

Pinakasalan ni Robert si Angelie. Minahal niya ito ng totoo at hindi siya nagsisisi sa ginawa niyang pakikipag-isang dibdib sa dalaga. Tinuruan din niya itong bumasa at sumulat. Nagkaroon sila ng dalawang anak. Kahit mahirap ang buhay ay nagawa nilang itaguyod ang kanilang pamilya dahil pinagbuklod sila ng tunay na pag-ibig sa isa’t isa.

Advertisement