Inday TrendingInday Trending
Tinarayan ng Bagong Asawa ng Kaniyang Ama ang Dalagang Ito, Narinig Ito ng Ama’t Bumawi sa Kaniyang Kasal

Tinarayan ng Bagong Asawa ng Kaniyang Ama ang Dalagang Ito, Narinig Ito ng Ama’t Bumawi sa Kaniyang Kasal

“Maganda umaga po, and’yan po ba ang tatay ko?” tanong ni Ressie sa isang ginang habang ito’y abala sa pag-aayos ng mga panindang lutong ulam.

“At bakit mo na naman hinahanap si Romeo? Pipilitin mo na namang bumalik sa nanay mo at iwan ako?” mataray na sagot nito nang makilala siya.

“Naku, hindi po, tanggap na po namin ng nanay ko na may bagong pamilya na po ang tatay,” sambit niya dito saka bahagyang napatungo.

“Ganoon naman pala, eh, bakit andito ka pa? Umuwi ka na, sinasayang mo lang ang oras mo dito,” ika pa nito sa kaniya.

“Gusto ko lang naman po siya inbitahan sa nalalapit na kasal ko,” sagot niya dito saka iniabot sa ginang ang inbintasyon.

“Nahihibang ka na ba? Talagang iniisip mong dadalo ‘yon sa kasal mo? Eh, ni ayaw nga kayong makita no’n!” patawa-tawang sabi nito saka pinunit sa kaniyang harapan ang binigay niyang papel.

“Tatay ko pa rin naman po siya, kaya nagbabakasakali lang po ako,” mangiyakngiyak niyang sambit dahil sa galit na nararamdaman.

“Hay naku, kahit anong gawin mo, hindi pupunta ‘yon, sige na umalis ka na at baka malasin pa ang mga paninda ko,” taboy nito sa kaniya saka tinapon sa kaniyang dibdib ang gula-gulanit na piraso ng papel dahilan upang agad na siyang lumisan.

“Papa’s girl” kung tawagin ang dalagang si Ressie. Bata pa lamang siya, madalas na siyang nakabuntot kahit saan man magpunta ang kaniyang ama.

Sa kaniyang murang edad, nasaksihan niya kung paano lokohin ng ama ang kaniyang ina. Dahil nga lagi siyang kasama nito, ang babaeng pinakilala sa kaniyang kaibigan lang ay nakita niyang hinahalik-halikan ang kaniyang ama.

Noong una’y akala niya’y normal lang iyon. Ngunit nang siya’y magkaisip na, napagtanto niyang tila may mali sa kaniyang mga nasasaksihan dahilan upang isumbong niya ito sa kaniyang ina at doon na nga sila iniwan ng kaniyang ama.

Labis ang pagsisisi niya noong mga panahong iyon. Bukod sa gabi-gabi niyang nakikitang umiiyak ang ina, nawala pa ang kaniyang ama. Ika niya, “Sana pala hindi ko na sinumbong si papa, edi sana masaya pa rin kaming pamilya.”

Makailang ulit niyang kinulit ang ama na bumalik sa kanila at makailang ulit din siya nitong pinagtabuyan at sinisi sa nangyari sa kanilang pamilya.

Lumipas ang panahon, habang siyang nagkakawisyo, napagtanto niyang tama ang desisyong ginawa niya na isumbong ang ama dahilan upang unti-unti na silang makabangon ng kaniyang ina. Nagawa niya na ring patawarin ang ama at linggo-linggo itong dinadalaw kahit pa palagi siya nitong itinataboy.

Matagumpay siyang nakapagtapos at nakahanap ng magandang trabaho. Kung saan-saang bansa niya dinala ang ina upang makalimot, at sa kaniyang pangingibang-bansa, nakakilala siya ng isang lalaking nagpuno ng pagmamahal sa kaniyang puso.

Ilang taon pa ang lumipas, napagdesisyunan niya nang magpakasal. Agad na pumasok sa isip niya ang kaniyang ama, dahil noon pa man, nais na niyang ihatid siya nito sa altar.

Ngunit tila malupit talaga ang tadhana sa kaniya. Punong-puno ang puso niya ng galit noong pagkakataong iyon. Nais niyang itaob ang lamesang nasa harapan ng mataray na ginang na iyon. Sa loob-loob niya, “Kung hindi lang dahil kay papa, matagal na kitang sinaktan, mang-aagaw ka!”

Pinangako niya sa sariling hindi na muling tutungo doon. Labis na ang sakit na pinaramdam sa kaniya ng kaniyang ama pati na ng bagong asawa nito.

Lumipas ang mga buwan at dumating na nga ang araw ng kaniyang kasal. Maaga siyang nag-ayos dahil sa pagkasabik na nararamdaman. Kitang-kita niya ang saya sa mata ng kaniyang ina na halos maiyak na. Mariin siya nitong niyakap at labis na nagpasalamat sa tulong na ginawa niya upang makalimot sa lalaking nakasakit sa kanilang dalawa.

Pagkatapos mag-ayos, agad na siyang nagtungo sa simbahan kasama ng kaniyang ina. Ngunit laking gulat niya nang makita ang kaniyang ama sa harap ng simbahan. Narinig niyang napabuntong hininga ang kaniyang ina dahilan upang ganoon na lamang siya kabahan.

Agad siyang nilapitan nito pagkababa niya ng sasakyan. Niyakap siya nito’t umiyak sa kaniyang balikat.

“Patawarin mo ako, anak, patawarin mo ako, unica hija ko,” paulit-ulit nitong sambit dahilan upang ganoon na lamang siya lumuha. Napadasal na lamang siya ng pasasalamat dahil kahit ganoon, natupad ang pangarap niyang maihatid sa altar ng lalaking paborito niya noon pa man.

Nakita niyang nag-uusap ang kaniyang ama’t ina pagkatapos ng isang matagumpay na seremonya. Umiiyak ang mga ito at saka nagyakapan dahilan upang mapangiti siya. Nilapitan niya ang dalawa at agad siyang niyakap.

Doon niya nalamang narinig pala lahat ng kaniyang ama ang inasal ng bago nitong asawa dahilan upang labis siyang magalit dito. Ika nito, “Alam kong pangarap mong maihatid kita sa altar, kaya kahit dito na lang, makabawi ako sa pait ng buhay na ibinigay ko sa’yo,” hikbi nito.

Labis ang saya ni Ressie noong mga oras na iyon. Bumalik ang sayang kaniyang nararamdaman noong bata pa siya’t kumpleto pa sila. Hindi man niya magawang maibalik nang tuluyan ang ama sa kanilang pamilya, masaya na siyang nakadalo ito sa kaniyang kasal at napatawad na ito nang tuluyan ng kaniyang ina.

Mahirap talaga magpatawad lalo na’t kung malalim ang naidulot na sugat. Ngunit lagi nating tandaan, ano man ang dahilan, sino man ang nanakit, mangyaring matutong tayong tanggapin muli sila, dahil mas importante ang tao kaysa sa kasalanang nagawa nito.

Advertisement