Lumaking Duwag ang Lalaking Ito, Nawalan Siya ng Malay nang Makitang may Kamukha ang Kaniyang Ina sa Kanilang Bahay
“Anak, maaga kang umuwi mamaya, ha? Ipagluluto kita ng mga paborito mong pagkain!” ika ni Aling Jona sa kaniyang anak na abala sa pag-aayos ng sarili, isang araw bago ito pumasok.
“Ano pong mayroon, mama?” tanong ni Junie sa ina.
“Basta! Umuwi ka na lang ng maaga, tiyak masusupresa ka sa mga handa mamaya!” masiglang sambit nito saka bahagyang kumembot-kembot.
“Eh, mama, hindi po ba’t nagpaalam na ako sa inyo na gagabihin ako? Mamaya po yung selebrasyon sa opisina namin,” sabi niya sa ina dahilan upang bahagya itong mapatigil.
“Ay, basta, umuwi ka nang maaga! Sige ka, baka makakita ka na naman ng ligaw na espiritu d’yan sa labas,” takot nito sa kaniya dahilan upang mapailing siya.
“Mama, naman! Pinaalala mo na naman, eh! Matatakot na naman ako umuwi mamayang gabi,” iiling-iling niyang sagot, tuwang-tuwa naman ang ginang sa kaduwagang pinakita niya.
“Biro lang, sige na, lumakad ka na baka ika’y mahuli pa sa trabaho! Mamaya, ha? Hihintayin kita!” sambit pa nito saka na siya tinulak palabas ng kanilang bahay.
Bunso sa tatlong magkakapatid ang binatang si Junie. Bata pa lamang siya, palagi na siyang pinaglalaruan at tinatakot ng kaniyang mga nakakatandang kapatid dahilan upang madala niya ito hanggang sa kaniyang paglaki.
Kilala siya sa pagiging matatakutin dahilan upang lagi siyang tuksuhin ng mga kamag-aral noong siya’y nag-aaral pa. Ngunit kahit pa ganoon, isang beses pa lamang siya nakakakita ng multo sa tapat pa ng kanilang bahay, isang gabi nang pauwi siya galing sa kaniyang trabaho.
Kahit igiit man ng kaniyang ina na guni-guni niya lamang iyon, sa tuwing maaalala niya ang pagkakataong ‘yon, nangangatal na siya sa takot.
Kaya naman ganoon na lamang siya bahagyang nainis nang ipaalala ng kaniyang ina ang multong iyon. Buntong hininga niya, “Naku, sana huwag ko iyon maalala mamaya pag-uwi ko.”
Noong araw na iyon, bahagyang nawaglit ni Junie ang takot nang makasalamuha niya ang kaniyang mga katrabaho.
Masaya niyang nanamnam ang selebrasyong naganap sa kanilang opisina. Pasayaw-sayaw siyang nakipag-inuman mga katrabaho dahilan upang tuluyan niyang makalimutan ang takot sa isip pati na ang bilin ng ina na umuwi ng maaga.
Naalala niya na lamang ang bilin ng kaniyang ina nang magyaya nang umuwi ang isa sa kaniyang mga katrabaho.
“Ay, anong oras na ba?” tanong niya.
“Alas dos na, Junie, halika na’t umuwi na tayo!” sagot ng isa niyang katrabaho saka agad siyang hinila palabas ng opisina.
Habang naglalakad pauwi, sinubukan niyang tawagan ang ina upang sabihin ditong hintayin siya sa labas ng kanilang bahay. Naalala niya kasi ang pananakot nito habang siya’y nasa bus kanina. Sa kabutihang palad, sumagot naman ito.
“Oo, sige, nandito lang naman ako sa baba,” sagot nito dahilan upang bilisan niya ang paglalakad at kumbinsihin ang sariling kumalma.
Matagumpay nga siyang nakauwi, bumungad sa kaniya ang ina. Agad siya nitong hinila papunta sa kusina saka pinatikim sa kaniya ang mga niluto nito.
Maya-maya pa, nakaramdam na siya ng antok dahilan upang yayain na niya ang ina na umakyat upang makapagpahinga na. Ngunit ‘ika nito, “Mauna ka na, anak, huhugasan ko lang itong pinagkainan mo,” dahilan upang agad na siyang umakyat sa kaniyang silid.
Ngunit pag-akyat niya, nakita niya ang kaniyang ina na mahimbing nang natutulog. Agad siyang napatakbo pababa at tumakbo sa ginang na naghuhugas ng plato.
“Ma-mama! Nakita kitang natutulog doon sa kwarto!” sigaw niya, kitang-kita sa kaniyang mukha ang labis na pagkatakot.
“Ang galing ‘no? Kamukhang-kamukha ko ang nanay mo,” nakangising ‘ika ng ginang dahilan upang mapatakbo siya nang matulin pabalik sa inang natutulog.
Agad niya itong ginising at maiyak-iyak na ikinuwento ang nangyari. Niyakap niya nito upang siya’y kumalma saka inikang, “Ikaw talaga, labis na ang pagiging matatakutin mo, ang laki-laki mo na, eh! Maaari ka ngang magkapamilya, eh, ganyan ka pa! Malamang kamukha ko yung babae sa baba, si Tita Jena mo ‘yon, eh, kakambal ko!” saka ito humagalpak nang tawa.
Tila nakahinga naman siya nang maluwag nang marinig ito. Hinang-hina niyang binagsak ang sarili sa kama saka muling bumuntong hininga.
Doon niya napagtantong labis na ang kaniyang pagiging matatakutin. Tama ang kaniyang ina, nasa tamang edad na siya, ngunit hindi niya pa nalalabanan ang kaniyang trauma.
Maya-maya, umakyat na ang kaniyang tiya at agad siyang niyakap.
“Pasensiya ka na, tinakot pa kita,” sambit nito habang pigil-pigil ang tawa.
Dahil sa labis na kahihiyan, nagdesisyon ang binatang labanan ang kaniyang pagiging matatakutin na ilang taon lang ang nakalipas, tuluyan nga niyang nalagpasan.
Matagumpay nga siyang nakahanap ng mapapangasawa at nagkaroon na rin ng sariling anak.
Doon niya pinangako sa sarili na kahit anong mangyari, hindi niya hahayaang maging matatakutin din ang kaniyang anak. Dahil bukod sa mahirap kalabanin ang sariling pag-iisip, ayaw niyang paulanan ng katatawanan ang kaniyang anak katulad ng kaniyang naranasan.