Mabilis ang lakad ni Marcelo kahit makikita sa pa-ika-ika nitong lakad ang hirap na iniinda habang buhat-buhat ang mabigat na sako na naglalaman ng kaniyang napulot na kalakal sa araw na iyon.
Nagmamadali siyang makauwi sa bahay sa pag-aalala na mahirapan ang kaniyang anak sa bahay. Malakas ang ulan at tagpi-tagpi lamang ang bubungan nila. Baka nagbabaha na doon ngayon.
Napapalatak pa ang matanda habang mabilis na binabagtas ang makipot na eskinita papunta sa kanilang barong-barong.
“’Tay!” Bungad ng kaniyang anak na si Arnold. “Buti dumating ka na. Bakit naman gabing-gabi ka na dumating? Nag-alala ako dahil malakas pa naman ang ulan.” Wika nito habang inaabot ang kaniyang kamay upang magmano.
Nilibot niya ang tingin sa kanilang maliit na bahay. Sa maliit nilang mesa ay may nakasinding kandila. Sa sahig ay makikita ang dalawang balde, na pawang sumasalo sa patak ng tubig na nagmumula sa kanilang bubungan.
“Naku, anak, kaunti lang kasi ang nakalakal ko kaya naisip kong mag-overtime. Kaso ay bumuhos naman ang ulan,” paliwanag niya sa anak habang nagbubungkal ng kalderong mainit-init pa.
“Saktong-sakto ang dating mo ‘tay, kakaluto lang ng sinaing. Kumain na tayo!” Masiglang aya ng kaniyang anak bago nito pinagulong ang lumang wheelchair na kinauuupuan nito.
Sa isang panig ng mesa ay may kinuha itong kung ano na nakabalot sa puting plastik.
“Happy birthday, ‘tay! Nagpabili ako ng paborito mong lechong manok kay Aling Maring kanina.” May kislap sa mata ng kanyang anak ng lingunin siya nito.
Nagulat si Marcelo sa sinabi ng anak. “Oo nga pala, kaarawan ko nga pala ngayon,” naisip niya.
Hindi pinahalata ni Marcelo ang luha na nagbadyang tumulo mula sa kaniyang mata. Kaawa-awa ang sitwasyon nilang mag-ama, lalo na ng kaniyang anak, na magda-dalawang taon nang hindi nakakalakad, ngunit biniyayaan siya ng Panginoon ng isang napakabait na anak.
Magbebente anyos na ang kaniyang anak na si Arnold. Nasa kolehiyo ito nang masangkot ito sa isang aksidente. Dahil sa kawalan nila ng pera ay hindi niya na naipatingin ang anak sa isang espesyalista na makakagamot dito.
Mula noon ay hindi na ito nakalakad, at nakaupo na lamang sa luma nitong wheelchair na bahagya na lamang niyang nabili sa murang halaga mula sa isang ospital.
“’Tay, alam ko naman na kung kaya mo ay ipapagamot mo ako. Alam kong ginagawa mo ang lahat ng makakaya mo para maitaguyod ako. Sapat na po sa akin ‘yun. Pasasaan ba’t bibiyayaan din tayo ng Diyos at makakaraos din tayo sa hirap.”
‘Yun ang madalas niyang marinig mula sa anak sa tuwing humihingi siya dito ng paumanhin sa mga pagkukulang niya bilang isang ama.
Salat sila sa materyal na bagay, ngunit alam niyang sagana silang mag-ama sa pagmamahal, lalo na’t lumaking isang mabuti at mapagmahal na tao ang kaniyang nag-iisang anak.
Ang kanina’y nagbabadyang luha ay napalitan ng ngiti. Lumawak pa ang kaniyang ngiti nang pagmasdan ang anak na magana nang nilalantakan ang lechong manok.
Maya-maya pa ay masaya nang nagku-kwentuhan ang mag-ama habang maganang pinagsasaluhan ang kanilang simpleng hapunan.
“’Tay, hindi ka pa matutulog?” Untag ni Arnold sa ama.
Napalingon siya sa orasan na nakasabit sa dingding. Mag-aalas diyes na pala.
“Maya-maya na anak, kakalkalin ko muna yung mga nakalakal ko kanina para dadalhin ko na lang sa junk shop ni Pareng Atoy bukas. Matulog ka na.”
“Sige ‘tay, ‘wag ka na masyadong magpagabi at maghapon kang nagtrabaho.” Bilin ng anak. Maya-maya pa ay rinig niya na ang mahina nitong paghilik.
Simimulan niyang busisiin ang mga nakalakal. Pinaghiwalay niya ang mga bote, bakal, at plastik. Nasa kalagitnaan siya ng pagbubutingting nang maagaw ng isang brown na bag ang kaniyang atensiyon.
Naalala niyang sinuksok niya ito sa kanyang sako nang hindi nakikita ang laman nito dahil biglang bumuhos ang ulan. Sa pagkakaalala niya ang galing ito mula sa basurahan ng ospital na malapit sa kanila.
Kuryoso niyang binuksan ang bag. Nanlaki ang mata niya nang makita na ang bag ay punong-puno ng pera! Napakakapal na lilibuhin ang nasa loob ng bag. Noon lamang siya nakakita ng ganito karaming pera sa tanang buhay niya.
“Diyos ko! Ito na ba ang biyayang pinagdarasal ko?” Hiyaw ng kaniyang isip.
Nanginginig ang kamay na binusisi niya ang iba pang laman ng bag, at makita niya ang isang mahabang wallet. Sa loob ng wallet ay makikita ang iba’t ibang credit card at ang pagkakakilanlan ng taong sa palagay niya ay nagmamay-ari ng bag – si Emilio J. Rosario.
Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa napakalaking halaga na nakahain sa kaniyang harapan at sa anak niyang mahimbing na natutulog.
“Kung itatago ko ang pera, maipapa-konsulta ko na si Arnold sa isang espesyalista…” Bulong ng matanda na nagtatalo ang loob.
“Pero hindi sa akin ang pera’ng ito, at baka mas kailangan ito ng totoong may-ari ng pera.” Patuloy niyang pagmumuni-muni.
Maingat niyang itinabi ang bag sa kaniyang damitan bago siya pilit na pumikit ang mata at nagpagupo sa antok, magulo pa rin ang isipan.
“’Tay, bakit ho mukha kayong pagod? Hindi ho ba kayo nakatulog? Saka bakit ang niyo yatang nagising?” Pupungas-pungas na bungad ni Arnold sa amang nakaupo sa mesa, habang humihigop ng kape.
“Hindi, anak, maaga lang ako nagising dahil may pupuntahan tayo ngayon.” Seryosong wika niya sa anak.
“Saan ho?” Takang tanong ni Arnold sa ama, dahil wala siyang maisip na posibleng pupuntahan nila ng ama.
“Basta anak, gumayak ka na at aalis tayo nang maaga.”
Dumating ang mag-ama sa kanilang destinasyon – ang San Pedro Hospital.
‘’Tay, ano ho’ng ginagawa natin dito? Ipapa-konsulta niyo na ho ba ako sa doktor?” May pag-asam sa mata ng anak, bagay na nagpakirot sa puso ni Marcelo.
Hindi siya sumagot. Nang makarating sa nurses’ station ay nagtanong si Marcelo, “Maari ho bang makausap si Dr. Emilio Rosario?”
“Sino ho sila?” Tanong ng nurse.
“Ako ho si Marcelo Castellano. May gusto lamang akong ibalik sa doktor.”
Pinasadahan siya ng tingin ng nurse. Bahagya namang nanliit si Marcelo sa ginawa nito, lalo na’t napaka-simple lamang ng suot nilang mag-ama ngunit hindi siya kumibo.
Kahit tila nag-aalangan ay sinamahan sila ng nurse sa opisina ng nasabing doktor.
“Ano ho ang maipaglilingkod ko sa inyo? Ipapa-konsulta niyo ho ba siya?” Mwestra ng batang doktor kay Arnold.
“Naku, hindi ho, Dok Rosario. Ako ho si Marcelo. Nandito ho ako upang ibalik sa inyo ito.” Paliwanag ni Marcelo sa doktor habang inialalabas ang brown na bag na pagmamay-ari ng doktor mula sa kaniyang maruming bag.
Nanlaki ang mata ng doktor sa nakita. “Diyos ko! Ang nawawalang bag ko!” Bakas ay galak sa mukha ng doktor. “Maraming salamat ho! Hindi ko inakalang maibabalik pa ito sa akin!” Hindi matapos tapos ang pasasalamat ng doktor sa mag-ama.
“Paano ko ho kayo mapapasalamatan?” Hindi magkandaugagang tanong ng doktor sa matanda.
“Hindi na ho kailangan, dok. Ibinalik ko lang naman ho ‘yan sa inyo dahil ‘yan ang tamang gawin.” Nakangiti si Marcelo, bakas ang saya sa ginawa nitong kabutihan.
Nang lingunin ni Marcelo ang anak ay nakita niya ang malawak nitong ngiti, na tila ba nagsasabing proud ito sa ginawa niya. Noon niya nakumpirma na ginawa niya kung ano ang nararapat.
“‘Tay, bakit mo pa ako isinama e pwede mo namang kausapin yung doktor nang ikaw lang?” ‘Di napigilang usisa ni Arnold sa ama nang pauwi na sila.
“Ayokong magbago ang desisyon ko anak, kaya isinama kita. Alam kong gugustuhin mong gawin ko kung ano ang tama.”
“Tama ka diyan, ‘tay! Kagaya nga ng lagi niyong sinasabi ni nanay, ‘di bale nang mahirap basta marangal.”
Hindi maiwasan ni Marcelo na makadama ng paghanga sa pananaw ng anak.
Kinabukasan ay ginulantang ang mag-ama ng sunod sunod na katok sa kanilang pintuan.
Bumungad sa kanila ang isang ambulansiya. Mula sa ambulansiya ay lumabas ang isang pamilyar na mukha – walang iba kundi si Dr. Rosario.
“Dok? Ano hong ginagawa niyo rito?” Gulat na tanong ni Marcelo sa doktor. Sa likod niya ay ang gulantang din na si Arnold.
“Gusto ko hong suklian ang kabutihang ipinamalas ninyo, Mang Marcelo. Malaki ho ang utang na loob ko sa inyo.” Maaliwalas ang mukha ng doktor.
“May kakilala ho akong mga doktor na sa tingin ko ay makakatulong sa inyong anak.”
Hindi naman makapaniwala si Marcelo sa narinig. Tila dininig ng langit ang kaniyang pagsusumamo.
“Alam ko hong nangangailangan din kayo, pero hindi niyo pinili maging makasarili, kaya naman ho gusto kong bigyan ng gantimpala ang inyong kabutihang loob.” Pagpapatuloy ng doktor.
Tuluyan nang napahagulhol si Marcelo. Hindi pa din makapaniwala sa biyayang hatid ng butihing doktor.
“Sisiguraduhin ko hong gagaling ang anak niyo, at makakapamuhay siya ng normal.”
Hindi din inasahan ni Marcelo ang sumunod na sinabi ng doktor.
“Hinanapan ko din kayo ng trabaho sa ospital, maari na ho kayong magsimula sa lalong madaling panahon.”
Mahigpit na niyakap ni Marcelo ang doktor, ang puso ay puno ng pasasalamat dahil matutupad na ang kanyang pinakamimithi – ang maipagamot ang anak.
Lumapit siya sa anak at marahang itinulak ang wheelchair nito palapit sa nakabukas na ambulansiya.
“Anak, gagaling ka na. Dininig ng Diyos ang dasal natin.” Bulong niya dito.
Masayang-masaya si Marcelo. Bagamat pinalampas niya ang “swerte” na dumating sa buhay nilang mag-ama ay isang biyayang higit pa sa pera ang naging kapalit nito – tulong at malasakit.