Nakamamangha ang Sipag ng Matandang Nagpapadyak; Isang Grupo ng Kabataan ang Magbibigay ng Tulong na ‘Di Niya Inasahan
“Oh Lisa, apo, alagaan mo ang lolo mo ah. Kailangan na munang mamasada ni lola nang may makain tayong tatlo,” bilin ni Imelda habang inaayos ang kaniyang papasadahing pedicab.
“Opo lola,” pupungas-pungas na wika ni Lisa at mukhang inaantok pa.
“Nakapagsaing na ako, apo. Ang gawin mo na lang ay abangan ang pag-gising ng lolo mo at saka pakainin. Matiyaga mong subuan ha,” muling bilin niya na tanging tango lamang ang isinagot ng batang si Lisa.
Medyo may kalumaan na ang pedicab ni Aleng Imelda, ngunit maayos pa naman itong naipapasada. Hindi naman mahalaga ang itsura. Ang mahalaga ay maayos pa itong nagagamit at laking tulong pa rin ito sa kaniya.
“Ang aga mo namang mamasada Mareng Imelda,” nakangiting wika ni Sonya ang kaibigan niyang tindira ng almusalan sa palengke.
“Oo, mare. Para makarami ako. Matumal kasi kahapon,” aniya. “Isang champorado na nga mare,” dugtong pa niya.
Agad naman nitong ginawa ang order niya. “Sabagay, kailangan nating kumayod. Lalo na’t mahihirap lang naman tayo,” anito saka inabot ang order niya.
“Tama ka d’yan,” aniya saka nilantakan ang champorado.
Sino ba naman ang gugustuhing kumayod pa rin sa edad niyang syetenta’y singko? Siyempre, ginusto rin niyang magpahinga na kaso hindi nga pwede. Wala silang kakaining tatlo kung hindi siya magbabanat ng buto.
Tanghali na at katatapos nga lang ni Imelda mag-tanghalian. Pahinga saglit saka balik sa pila ng mga nag-aabang ng pasahero.
“Hala ka, lola!” Gulat na wika ng binata nang makitang siya ang drayber ng padyak. “Sigurado po kayong kaya ninyo kaming isakay na apat?” Dudang wika nito sabay lingon sa mga kasama.
Agad namang ngumiti si Imelda nang matamis. “Basta hindi bibigay ang padyak ko hijo ay kakayanin ko kayong ihatid sa paroroonan ninyo,” biro pa niya.
Alanganing sumakay ang apat na tila ba nagdududa sa kakayahin ng isang matandang babaeng pedicab drayber. Ngunit ang alinlangan ay agad ding napalitan ng pagkamangha nang walang kahirap-hirap padyakin ni Imelda ang kaniyang pedicab na tila kay gaan lamang ng kaniyang mga pasahero.
“Lola, ilang taon na po pala kayong nagpapadyak?” Takang tanong ng binata.
“Ilang dekada na rin mahigit hijo,” maiksing sagot niya.
“Kaya pala mukhang sanay na sanay na kayo.”
“Oo. Kasi mula pa noong nagkolehiyo ang dalawa kong anak ay ito na ang ginawa kong hanapbuhay. Ngayon ay may kaniya-kaniya na silang pamilya ay hindi pa rin ako tumitigil sa pagpe-pedicab,” paliwanag niya.
“Bakit po? Ang ibig kong sabihin ay wala na kayong pinag-aaral na mga anak. Bakit hanggang ngayon ay nagpapakahirap pa rin kayo?” Kursunadang tanong ng babae.
Sumilay naman sa labi ni Imelda ang malungkot na ngiti. “Matapos kasing grumaduate ng mga anak ko ay agad silang nag-asawa kaya hindi nila nagamit ang kursong pinaghirapan nila. Iyong bunso ko namang anak ay high school pa lang nabuntis na, kaya na sa’kin ang anak niya ngayon, habang hindi ko na alam kung nasaan na ang anak ko,” aniya. Mababakas ang lungkot sa kaniyang mga mata at gano’n rin ang mukha ng mga pasahero niya.
“Nagkasakit pa nang malala ang asawa ko kaya mas lalong kinailangan kong kumayod para may makain kaming tatlo. Kaya naisipan ko na lang na pumadyak. Mahirap kasi init at ulan ang sinusuong ko, pero ayos lang. Ayon nga sa karamihan; masarap kumain sa perang pinaghirapan mo.” Pagtatapos niya sa kwento saka ngumiti ng matamis.
“Lola, kung hindi niyo mamasamain. Maaari ba naming malaman kung nasaan ang tirahan ninyo?” wika ng isa pang babae.
“Oo naman, hija.” Walang pag-aalinlangang sambit ni Imelda at agad na ibinigay ang address ng kaniyang tirahan.
Ilang araw ang lumipas ay biglang may hindi inaasahang panauhin si Imelda.
“Hi lola, naaalala niyo pa po ba kami?” Nakangising tanong ng binatang kung hindi siya magkakamali ay isa ito sa mga naging pasahero niya.
“Nakikilala ko kayo sa mukha,” sagot naman ni Imelda. “Anong sadya ninyo at naparito kayo sa’ming mumunting tahanan?”
“Opo lola. Sinadya naming pumunta rito dahil mayroon kaming regalo sa inyo. Pero bago ang lahat, nais ko munang magpakilala. Ako nga po pala si Bryan, ang taong binigyan niyo ang inspirasyon dahil nakakaantig puso niyong kwento,” mangiyak-iyak na wika ni Bryan.
Agad naman nitong pinakilala ang tatlo pang kasama. “Narito kami lola dahil nais ka naming bigyan ng handog na alam naming makakatulong sa’yo ng malaki. Gamit ang sarili naming pera ay nag-ambag-ambag kami para bigyan kayo nang sariling negosyo. Sa paraang iyon ay hindi niyo na kinakailangang pumasada para lamang makakain,” paliwanag naman ng magandang dalaga na ang pangalan ay Daffy.
Walang pagsidlan ang saya ni Imelda sa nakitang sari-saring paninda. “Napakabuti ng puso niyo,” humihikbing wika niya.
“Hindi mo na kailangan pang sumuong sa init at ulan, lola. Matanda na po kayo at dapat niyo nang namnamin ang masarap na buhay. Ito lang po ang nakayanan namin,” wika ni Bryan.
“Maraming salamat, mga anak,” wika ni Imelda saka sabay-sabay na niyakap ang apat. “Hindi ko alam kung paano ko kayo masusuklian. Pero lagi kung hihilingin na sana ay pagpalain kayo sa ginawa niyong kabutihan sa’kin. Ang Panginoong Diyos na lang ang bahalang magbalik ng kabutihan ninyo mga anak,” umiiyak na wika ni Imelda.
Sinong mag-aakalang ang simpleng kabataan na pinagdudahan siyang sakyan noon ay siya pa ang tutulong sa kaniya upang hindi na kailangang magpakahirap sa lansangan gamit ang kaniyang pedicab?
Sadyang may mga taong may mabubuti pa ring puso at nagpapasalamat si Imelda, dahil bago pa man siya kunin ng Diyos Ama ay nakatagpo siya ng mga taong mababait gaya ng mga kabataang iyon.
Buwan-buwan ay dinadalaw siya ng apat na magbabarkada at kinukumusta. Tuluyan nang huminto sa pagpepedicab itong si Imelda matapos mapalago ang dati’y munti niyang sari-sari store.