Pagtitinda na Lamang ang Inaasahan ng Ale Ngunit Itinapon pa; Makatao Ba ang Ginawa sa Kaniya?
“Oy, suki, dito ka na sa’kin bumili. Sariwang-sariwa pa itong hipon na paninda ko at t’yak akong hinding-hindi ka magsisisi,” pangungumbinsing wika ni Aleng Jemma sa babaeng kanina pa nakatingin sa kaniyang paninda.
“Magkano po ba ang kilo ng hipon ninyo, nanay?”
“Murang-mura lang, ineng. May sukli ka pa,” biro niya. “One fifty lamang ang isang kilo. Ano bibili ka na ba?”
“Sige na nga. Mukhang masarap naman talaga iyang hipon ninyo. Isang kilo ang sa’kin,” nakangiting wika ng babae.
Agad namang dumakot si Aleng Jemma, nang ilang pirasong hipon upang kilohin. Salamat at may bumili na naman sa kaniyang paninda. Kapag naubos na ito ay magsasara na siya kaagad at bibili nang ulam nilang pamilya saka diretsong uuwi. Bibili rin siya ng paboritong pie para sa kaniyang dalawang cute na mga apo.
“Ito na ineng. Salamat ah,” aniya sabay abot ng isang kilong hipon rito.
Nang maiabot ng babae ang bayad nito ay agad ring umalis sa harapan niya ang babae. Kaya muli na naman siyang sumigaw upang ialok ang presko niyang paninda.
“Hipon kayo r’yan. Preskong-presko at murang-mura lang,” alok niya sa bawat taong dumadaan.
“Nay, may permit ba kayo para magtinda?” Anang baritonong boses na agad nagpabugso ng hindi maipaliwanag na kabang biglang bumalot sa dibdib ni Aleng Jemma.
“P-po? W-wala po s-sir e,” nauutal na wika ni Aleng Jemma.
“Nay, hindi po ba’t malinaw naman sa inyong lahat na vendors dito sa palengkeng ito na bawal ang magtinda hangga’t wala pa kayong nakukuhang permit?” galit na wika ng lalaking nagtatrabaho sa sangay ng gobiyerno.
“P-pero po kasi sir dahil sa lockdown kaya hindi ako nakalabas upang i-renew ulit ang permit ko. Pasensiya na po sir. Sana mapagbigyan niyo pa ako,” nakikiusap na wika ni Aleng Jemma.
“Ayon na nga e. Alam naman nating may pandemiya ngayon. At nasa new normal na ang kalakaran ng lahat. Sana saka na lang kayo nagtinda rito, kapag sigurado nang mayroon kayong permit. Pasensiya na nanay pero hindi po namin kayo mapagbibigyan, hangga’t wala kayong naipapakita sa’king permit,” Mahabang wika ng lalaki.
Maya-maya pa nang akmang tatalikod na ito ay may lumapit naman sa kaniyang dalawang lalaki upang baliktarin ang kaniyang mga paninda. Agad niyang narinig ang singhapan ng kapwa vendors at ang mga taong nakasaksi sa nangyari. Walang ano-anong binuhat ang kaniyang maliit na lamesa, at binitbit ang kaniyang timbangan, saka dinadala sa malaking truck na dala ng mga ito.
Walang nagawang napaupo na lamang si Aleng Jemma, habang tinititigan ang mga natapong hipon sa sahig. May ibang napisa dahil natapakan, may iba namang kailangan lang hugasan dahil nadumihan lang. Isa-isa na lamang niyang pinulot ang mga natapong paninda sa sahig at inilagay sa plangganang dala.
Hindi pa niya nababawi ang kaniyang pinangpuhunan roon dahil tatlo pa lang naman ang bumibili sa kaniya. Paano pa siya makakabili ng masarap na ulam at paano niya mabibigyan ng pasalubong ang kaniyang dalawang apo? Sa naisip ay naiyak na lamang si Aleng Jemma, sadyang hindi makatao ang ginagawa nang mga tauhan ng gobyerno sa mga kapwa niyang mahihirap.
Namalayan na lamang ni Aleng Jemma, na may mga iilang taong tinulungan siyang pulutin ang mga natapon niyang paninda.
“Naku! Sayang naman ito nanay. Ang dami pa nito,” wika ng isang lalaking nakikipulot na rin upang tulungan siya.
“Hayaan mo na hijo,” nanghihina niyang sambit.
Lumapit sa gawi niya ang lalaki saka inabot ang mga napulot na hipon. “Magkano ba ang punuhunan mo sa hipon na iyan, nanay?” Tanong nito.
“One thousand five hundred, anak.”
May kinapa ito sa dalang sling bag saka naglabas ng tatlong libong peso at inabot sa kaniya. “Tanggapin mo ‘to, nanay. Pinasobrahan ko na para may maiuwi kang pasalubong sa pamilya mo.”
“Naku! Nakakahiya naman sa’yo anak,” mangiyak-iyak na wika ni Aleng Jemma.
“Sadyang hindi makatao minsan ang mga ‘yan, pero hindi natin sila masisisi. Ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho. Kaya bago po kayo ulit magtinda nanay, siguraduhin ninyong may permit na kayong maipang-sasampal sa kanila, para hindi na maulit ang ganitong tagpo. Umuwi na po kayo at magpahinga. Isipin niyo na lang na naubos na ang lahat ng paninda ninyo,” mahabang wika ng lalaki saka kinabig si Aleng Jemma at niyakap.
“Maraming salamat hijo. Hindi kita kilala at hindi ko alam kung paano kita mababayaran.”
“Tulong ko na iyan, nay. Basta mag-iingat kayo at sa ngayon ay umuwi na’t magpahinga,” anito saka tinapik ang balikat niya at umalis.
Sinundan na lamang ni Aleng Jemma ng tingin ang papalayong lalaki at lihim na nagpasalamat. Kung sino man ito ay Diyos na ang bahalang magbalik sa biyayang ibinigay ng binata sa kaniya.
Tinandaan ni Aleng Jemma, ang naging payo nang binata. Kaya sa muli niyang pagpwesto sa palengke ay siniguro niyang mayroon na talaga siyang permit na maipapakita upang hindi na masayang ang kaniyang pinaghirapan. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay may tutulong sa’yo sa kagipitan, gaya no’ng binatang tumulong sa kaniya no’ng natapon ang kaniyang mga paninda. Kaya’t mabutihing sumunod sa mga patakaran upang maiwasang matulad kay Aling Jemma.