Siya ang Nakakaalam ng Buong Katotohanan sa Makasalanang Relasyon ng Kaibigan; Mananahimik na Lang Ba Siya o Isisiwalat Ito?
“Faye, hindi ba’t mas maiging layuan mo na lang si Cris? Kasi alam naman nating iyon ang mas makakabuti ‘di ba kasi may asawa’t anak na siya,” desperadang wika ni Mandie sa kaibigan.
“Hindi ko kaya, Mandie. Hindi ko kayang mawala si Cris sa buhay ko,” nahihirapang wika ni Faye.
“Pero Faye, hindi mo pag-aari ‘yong tao. Ano ka ba naman? Itigil mo na ang kahibangan mo, bago pa man malaman ng asawa niya ang ginagawa niyo,” naiinis nang wika ni Mandie.
“Hindi malalaman ni Ashley na may relasyon kami ng asawa niya kung walang magsasabi sa kaniya,” seryosong wika ni Faye. “Alam kong mapagkakatiwalaan kita Mandie.”
“P-pero…”
Hindi na alam ni Mandie kung ano pa nga ba ang dapat niyang gawin sa matalik na kaibigang si Faye. Matagal na niyang alam na may relasyon ito saka si Cris, na asawa rin ng kaibigan niya. Ngunit dahil sa ayaw niyang masaktan si Faye, kaya mas pinili niyang itago ang lihim ng dalawa. Ngunit kinakain na siya ng kaniyang konsensya. Lalo na kapag nakikita at nakakausap niya si Ashley, na walang kaalam-alam na niloloko na pala ito ng asawang si Cris.
“Mandie…” tawag ni Ashley sa kaniya.
“Oy, Ashley, kumusta?” Alanganing ngiting kausap ni Mandie sa kaibigan.
“Ayos lang naman,” sambit nito. “May itatanong lang sana ako, Mandie. Nagtataka kasi ako kay Faye, may galit ba siya sa’kin? Kasi no’ng nakaraang araw tinatawag ko siya pero hindi niya ako pinapansin. Alam ko naman na nakita niya ako. Nakakapagtaka lang,” anito na may tabinging ngiti sa labi.
“H-ha? Ahh… alam mo naman na topakin ang kaibigan nating iyon. Malay mo baka may topak lang,” pagdadahilan niya kahit alam naman niya ang dahilan kung bakit ayaw pansinin ni Faye si Ashley.
“Ahh, sabagay. Ikumusta mo na lang ako sa kaniya ah. Alam mo naman ang pamilyadong tao, medyo busy-busyhan na,” wika ni Ashley.
“Nauunawaan kita Ashley. Sige dito na ako,” paalam niya. “Ingat kayo ng inaanak ko ah,” dugtong pa niya sabay kurot sa pisngi ng anak nito.
Ngayon nga ay kaharap niya ang dalawa— sina Cris at si Faye. Nais niyang linawin ang isyu ng mga ito at patigilin na ang bawal na pag-ibig ng dalawa, hangga’t wala pang alam ang tunay na asawa.
“Alam niyo bang kinakain na ako ng konsensya ko. Lalo na kapag nakikita ko si Ashley, na walang ibang ginawa kung ‘di ang mahalin at alagaan ka Cris,” seryoso niyang wika. “Pare-pareho ko kayong kaibigan kaya sana maunawaan niyong pati ako nahihirapan sa sitwasyon niyo. Masaya ba kayong isipin na maaaring masaktan si Ashley sa ginagawa ninyo.”
“Pero Mandie, hindi naman namin sinasadya ni Cris na mahalin ang isa’t isa,” mangiyak-iyak na wika ni Faye.
“Pero kahit na Faye, mali kasi e. Mali ang lahat ng ito. Magkakaibigan tayo at naaapakan mo na ang sarili mong kaibigan. Kung ako ang nasa sitwasyon ni Ashely at malaman kong ginagag* pala ako ng mga kaibigan ko, talagang masasaktan ako ng sobra.”
“Mahal namin ni Cris, ang isa’t isa,” nanghihinang wika ni Faye.
“Iniisip ko Faye kung mananahimik na lamang ba ako at hayaan kayo ni Cris sa ginagawa niyo. Tutal, hindi ko naman kayo obligasyon. Bahala na si Ashley na masaktan kapag nalaman niya ang ginawa niyo. Bahala na kayong tatlo. Pero naisip ko, mula noong mga bata pa tayo ay matalik na tayong magkakaibigang tatlo. Paano kung ako ang nasa sitwasyon ngayon ni Ashley? Ang hirap mamili sa inyo, Faye, dahil pareho ko kayong mahal. Pero dahil ikaw ang nagkamali, naisip kong hindi kita dapat piliin.”
Nagsisimula nang umagos ang luhang kay tagal na niyang pinigilan. “Kung mawawasak rin naman ang pagkakaibigan nating tatlo. Naisip kong wawasakin ko ito sa pamamagitan nang pagsasabi ko ng totoo. Kalimutan mo na lang na naging kaibigan mo ako at gano’n rin ang gagawin ko. Si Ashley na rin ang magdedesisyon kung kaibigan pa rin ba ang ituturing niya sa’kin, matapos kong ilahad sa kaniya ang lahat. Tama na ang maling ginagawa ninyo. Hindi ko na kayang magsinungaling para sa inyo,” aniya saka tinalikuran ang dalawa.
“Mandie!” Tawag ni Faye sa kaniya.
Gaya nga nang sinabi niya sa dalawa ay pinuntahan niya kaagad si Ashley at sinabi ang buong katotohanan. Nagalit si Ashley sa kaniya pati na kay Cris at kay Faye. Umiyak ito nang umiyak sa ka-traydorang ginawa ng asawa at ng matalik na kaibigan. Umalis ito at iniwan si Cris para ipaubaya kay Faye, bitbit ang nag-iisa nitong anak.
Habang galit na galit naman sa kaniya si Faye dahil sa ginawa niya. Ang tagal niyang pinag-isipan ang gagawin at alam niyang mangyayari nga ang ganito sa kanilang tatlo. Pero nasasaktan pa rin siya sa nangyari.
Isang taon at anim na buwan na ang lumipas nang muli niyang nakita si Ashley at ang anak nitong namamalengke sa talipapa nila.
“Mandie,” nakangiting tawag ni Ashley sa kaniya. “Kumusta ka na? May asawa ka na ba?”
Alanganing ngumiti siya sa dating kaibigan. Totoo bang kinakausap siya nito?
“H-ha? Ah, ayos lang ako Ashley, at saka wala pa akong asawa.”
“Gano’n ba? Alam mo dapat mag-asawa ka na rin,” anito.
Hindi na ba galit sa kaniya si Ashley? Bakit parang normal na itong makipag-usap sa kaniya?
“Alam kong nagtataka ka. Kung iniisip mong galit ako sa’yo nagkakamali ka roon. Wala kang ginawang masama sa’kin. Alam kong nahirapan ka rin dahil kinargo mo ang lihim noon ng dalawa. Nagpapasalamat ako sa’yo Mandie, kasi mas pinanindigan mo talaga ang pagkakaibigan nating tatlo,” anito sabay yakap sa kaniya.
Agad namang nag-unahan ang mga luha niya sa mata nang yakapin siya ni Ashley.
“Okay na rin kami ni Cris, at pinatunayan niyang nagsisisi siya sa nangyari. Nanghingi na rin ng tawad sa’kin si Faye at aaminin kong matagal ko rin siyang napatawad, pero sino ba naman ako para hindi siya patawarin ‘di ba? Nasa Hong Kong na pala si bruha at doon na naman yata maghahasik ng lagim,” biro pa nito. “Iniisip ko na lamang na pagsubok lamang ang lahat nang iyon Mandie. Kaya sana ngayon ay magbati-bati na tayo at bumalik na sa dati,” dugtong ni Ashley.
“Wala akong ibang hinihiling kung ‘di ang magkapatawaran tayong tatlo Ashley.”
Tama! Pagsubok nga lamang iyon sa kanila ng Panginoon. Pero kahit gano’n ay nagpapasalamat pa rin siya dahil nanatili pa rin ang pagkakaibigan nilang tatlo, kahit nasa malayo na nga si Faye. Mahirap ang magpatawad, pero sino nga ba naman tayo upang hindi magpatawad sa kapwa natin?