Pilit Niyang Pinapalayas sa Kanilang Bahay ang Tiyahing Pakialamera Umano; Nagulantang Siya sa Tugon ng Kaniyang mga Magulang na nasa Ibang Bansa
“Christian, bumangon ka na riyan at tanghali na. Hindi ba may pasok ka?” wika ni Aling Celia sa kaniyang binatang pamangkin.
“Nakahain na ang almusal mo. Bumangon ka na riyan at mahuhuli ka sa eskwela,” dagdag pa ng tiyahin.
“Tiyang naman! Alas diyes pa lang! Ala-una pa ang pasok ko!” naiinis na sagot ni Christian.
“Kaya nga, alas-diyes na at hindi ka pa nag-aalmusal. Aabutan ka na ng tanghalian diyan. Mamaya mahuhuli ka na naman. Ikaw kasi puyat ka nang puyat sa paglalaro mo ng mobile games. Wala ka namang napapala diyan kung hindi puyat! Magkakasakit ka pa niyan, e!” wika muli ng tiyahin nito.
“Pinagdidiskitahan mo na naman, tiyang, ang paglalaro ko. Alam mo naming hindi talaga ako makatulog sa gabi at ito lang ang paraan ko para dalawain ng antok,” sagot ng binata.
“Subukan mong magbasa ng libro at tiyak kong makakatulog ka kaagad. O siya, bumangon ka na riyan,” sambit muli si Aling Selya.
“Hindi ko alam kung bakit kailangan ko pa kasing pumasok sa eskwela rito. E sabi naman ni mama malapit na daw nila akong kuhain ni papa papuntang New Zealand. E, doon uulit na naman ako ng pag-aaral!” naiinis na wika ni Christian.
“Kaya nga mas kailangan mong magsipag, Christian. Hindi madali ang buhay sa ibang bansa. Pagdating mo doon ay hindi puro sarap ng buhay ang mararanasan mo. Kailangan mong kumayod para sa inyo ng mama at papa mo,” pangaral ng tiyahin.
“E maganda naman ang trabaho nila mama at papa doon. Sila na ang bahala,’ tugon ng binata.
Maagang nagretiro ang mga magulang ni Christian sa kanilang trabaho dito sa Pilipinas upang makipagsapalaran sa ibang bansa. Nakakita kasi ng magandang oportunidad ang mag-asawa na mag-aral sa New Zealand nang sa gayon ay makapaghanap ng permanenteng trabaho at doon na tuluyang manirahan.
Malaki-laki rin ang nakuhang retirement pay ng mag-asawa kaya naisakatuparan ang kanilang plano. Hindi magtatagal ay nais nilang isama na rin si Christian sa New Zealand upang doon na magpatuloy ng pag-aaral.
Iniwanan ng mag-asawa si Christian sa pangangalaga ng kaniyang tiyahin na si Celia. Pinatira nila ito sa kanilang bahay. Tumigil rin ito sa kaniyang pagtatrabaho nang sa gayon ay matutukan ang pamangkin. Umeekstra na lamang itong tutor sa mga bata upang kahit paano ay may sarili siyang panggastos.
Dahil nag-iisang anak si Christian ay nasanay ito sa marangyang buhay. Nasanay siyang may palaging umaasikaso sa kaniya kaya wala itong alam sa mga gawaing bahay. Ni hindi siya makatulong man lang ng tiyahin sa pagpapaligo o pagpapakain ng kanilang mga alagang aso. Lubusan ang kaniyang katamaran at lahat ay iniasa na niya sa tiyahin.
“Christian, ilang beses kong sasabihin sa iyo na p*tayin mo ang ilaw kung hindi ginagamit? Pati ‘yang kompyuter mo, isara mo muna habang hindi mo pa naman gagamitin. Makakatipid tayo sa kuryente kapag ganoon,” pakiusap ni Celia sa binata.
“Gagamitin ko pa ‘yan, tiyang. ‘Wag nyo nang isara!” saad ng binata.
“Saka kapag hindi naman masyadong mainit ‘wag ka nang mag-aircon. Buksan mo na lang ang bentilador. O hindi naman kaya ay buksan mo sandali ang aircon tapos huwag mong hayaang nakabukas ang pinto mo upang hindi lumabas ang lamig. Tapos kung malamig na ay isara mo na at saka mo buhayin ang bentilador. Sayang ang kuryente, pamangkin,” paalala ng tiyahin.
“Oo na, sige na tiyang! Ako na bahala,” sagot muli ng binata na tila hindi nakikinig sa kaniyang tiyahin.
“Saka kasi nagpapa-tutor ‘yung anak ni Aling Dolor, ‘yung kapitbahay natin. E, tuturuan ko na muna. Dalawang oras lang naman iyon. Nakaluto na ako ng sinaing, pinapalambot ko na ‘yung baboy. Ginawan kita ng tocino. Bantayan mo at kapag natuyo na ang tubig ay iprito mo kasi kailangan ko na talagang umalis. Huwag mong kalimutan na may pinapakulo, Christian,” paalala ni Aling Celia.
Makalipas ang dalawang oras ay nakabalik na rin si Aling Celia at nakita niya ang malaking usok mula sa kanilang tahanan.
Tumatakbo siyang pumasok ng bahay.
“Diyos ko, Christian! Masusunog itong bahay! Bakit hindi mo pin*tay man lamang ang apoy. Mabuti na lamang ay mahina lamang ang apoy na ginamit ko!” galit na sigaw ni Aling Celia.
“Hala, pasensiya na. Nakalimutan ko, tiyang! E kasalanan nyo rin naman kasi dapat ay iniluto niyo na ng tuluyan ‘yang tocino na pinagmamalaki niyo! Hindi niyo pa inantay na matapos ang niluluto niyo bago kayo umalis,” paninisi pa ng binata.
“Napakatamad mo talaga, Christian. Hindi ako magtataka kung isang araw ay makikita kitang walang narating sa buhay! Kasi hindi mo kaya ang sarili mo!” inis na wika ng tiyahin habang abala sa pag-aayos sa kusina.
“Anong sinsabi n’yo tiyang? Kung wala kayo dito ay hindi ko na alam ang gagawin? P’wede namang hindi na kayo ang sumama sa akin dito sa bahay, e. Sa totoo lang naman ay hindi ko kailangan ang tulong niyo. Saka ‘di ba pabor din naman sa inyo ang pagtira dito sa bahay namin. May bahay kayo, nagpapadala ang mga magulang ko ng pangkain din ninyo. Lahat ay libre! Kung hindi dahil sa kanila ay malamang ko’y nagkukumahog pa rin kayo sa pagtatrabaho,” sumbat ng pamangkin.
Hindi na napigilan pa ni Aling Celia ang sarili sa pambabastos na ginagawa sa kaniya ni Christian kaya nasampal niya ito. Dahil sa pangyayari ay agad sinumbong ng binata ang tiyahin sa kaniyang mga magulang.
“Paalisin niyo na lang siya dito, ma. Kaya ko naman ang sarili ko! Kinukuha lang naman niya lahat ng pinapadala niyo, gusto niya siya pa masusunod dito sa bahay. Pati paggamit ko ng aircon pinapakialaman! Bahay naman natin ito at siya lang naman ang sampid. Kayo naman ang nagbabayad ng kuryente ang dami niyang pangaral!” pagsusumbong ni Christian sa mga magulang.
“Humingi ka ng tawad sa tiyahin mo. Hindi mo siya dapat ginaganyan,” saad ng mama ni Christian.
“Hindi mo siya dapat ginaganyan kasi matanda siya sa’yo. Hindi ka naming pinalaki na walang respeto. At higit sa lahat ay dapat tumanaw ka ng utang na loob sa kaniya,” sambit pa ng ina.
“Matagal na kaming hindi nakakapagpadala ng papa mo. Halos ubos na ang perang nakuha naming sa pagreretiro. Binebenta naming ang bahay na iyan at dahil ayaw ng Tiya Celia mo na lumipat kayo sa mas maliit na apartment ay ipinadala niya sa amin ang halos lahat ng ipon niya hindi lang mawala sa atin iyang bahay. Kaya kung iisipin mo ay siya na ang may-ari ng bahay na iyan at siya na rin ang gumagastos sa inyo,” paglalahad ng ina.
“Ayaw ipaalam ng tiyahin mo sa iyo sapagkat ayaw daw niyang panghinaan ka ng loob kung sakaling ano man ang mangyari. Naglilinis na lamang kami ng papa mo kasi ng bahay ng iba upang sa gayon ay may pumasok na pera kahit paano upang may ipangkain kami. Dahil sa renta pa lang ng bahay dito ay ubos na ubos na kami,” dagdag pa ng ina.
Lubusang kahihiyan ang naramdaman ni Christian sa kaniyang sarili. Nang malaman niya ang katotohanan ay lakas loob siyang humingi ng tawad sa tiyahin.
“Patawad, tiya, sa lahat ng pinakita kong masama. Hindi ko alam na para sa kabutihan ko po ang lahat ng nais niyo. Ngayon ay naiintindihan ko na po,” saad ni Christian.
Agad din siyang pinatawad ng kaniyang Tiya Celia. Mula noon ay naging masipag at nagsikap na ang binata. Naging kaagapay na din siya ng kaniyang Tiya Celia. Hindi man sinuwerte ang kaniyang mga magulang sa ibang bansa at tuluyan na ding umuwi sa Pilipinas ay sabay-sabay nilang hinarap ang pag-asa ng panibagong buhay ng magkakasama.