Inday TrendingInday Trending
Lubog na sa Utang ang Lalaki dahil sa Pagsusugal at ang Dalagang Anak ang Pinagbabayad Niya; Hindi Inaasahan ng Ama ang Magiging Kabayaran

Lubog na sa Utang ang Lalaki dahil sa Pagsusugal at ang Dalagang Anak ang Pinagbabayad Niya; Hindi Inaasahan ng Ama ang Magiging Kabayaran

“Hoy, Jodie!” pasigaw na tawag ni Aling Metring sa dalaga. “Dalawang linggo na kitang inaabangan, ah! Mukhang magaling ka naman na at galing pa sa opisina,” saad ng ginang.

“Opo, galing nga po akong trabaho. A-anong ibig sabihin niyo pong magaling na ako?” pagtataka ni Jodie sa sinasabi ni Aling Metring.

“E, hindi ba, naospital ka? Umutang dito ang Tatay Berto mo ng sampung libo at sabi’y na-dengue Nagmamadali pa nga at sabi’y malubha ang kalagayan mo. Ibabalik daw niya aagad ang inutang, hangang ngayon ay wala! Tutal may trabaho ka naman, ikaw na ang magbayad!” sita ng ginang.

“A-anong nagka-dengue? Umutang ng sampung libo?” gulong-gulo na si Jodie. “Aling Metring, babalikan ko kayo, a! Kailangan ko lang kausapin ang tatay ko,” sambit ni Jodie habang nagmamadaling umuwi ng bahay.

Pagkauwi niya sa kanilang bahay ay agad niyang hinanap ang ama. Ngunit wala ito sa bahay. Agad siyang nagtungo sa sugalan at doon nga ay nakita niyang nakaupo ang ama at nagsusugal.

“’Tay, nagsusugal ka na naman!” sigaw ni Jodie sa ama. Napalingon lamang sa kaniya ang ama.

“Umuwi ka na, tatapusin ko lang ‘tong laban at uuwi na rin ako!” saad ni Mang Berto.

“’Tay, ano ang sinasabi ni Aling Metring? Sinisingil ako ng sampung libo dahil umutang daw kayo pampayad ng pang-ospital ko! Hindi naman ako naospital!” bulalas ni Jodie sa ama.

“Mamaya na natin pag-usapan ‘yan at baka malasin ako! Umuwi ka na, doon na naton pag-usapan sa bahay ‘yan!” tanging tugon ni Mang Berto sa anak.

“Grabe talaga kayo, ‘tay!” naiinis na wika ni Jodie sabay talikod sa ama.

Dalawang oras din ang hinintay ni Jodie bago nakauwi ang ama. Agad niya itong kinompronta.

“’Tay, bakit naman kayo umutang ng ganong kalaking pera. Saan ninyo dinala ang sampung libo na ‘yon? Sa pagsusugal niyo na naman?! Hindi na kayo naawa sa akin, ‘tay. Halos hindi ko na nga alam kung paano hahatiin ang sarili ko para makapabayad ng upa dito sa bahay, kuryente pati panggastos natin at iba pang bayarin!” mangiyakngiyak na wika ni Jodie.

“Hindi pa nga ako nakakatapos sa utang ninyo kay Mang Fredo, eto na naman at gumawa na naman kayo ng istorya para makautang lang kay Aling Metring! Binabaon niyo talaga ako sa utang, ‘tay! Nagsasawa na ako!” sigaw ni Jodie sa ama.

“Huwag kang makasumbat-sumbat sa mga ginagastos mo sa pamamahay na ito, ha! Tandaan mo na ako pa rin ang tatay mo at kung hindi dahil sa akin ay hindi ka buhay sa mundong ‘to. Kahit gaanong kalaking pera pa ang ilabas mo ay hindi magiging sapat sa pagbabayad mo ng utang na loob mo at binuhay pa kita. Ang galing mong magmalaki. Akala mo naman ay malaki ang inuuwi mong salapi dito sa pamamahay!” sumbat ng ama.

Hindi na nakaimik pa si Jodie.

“O ano ang gagawin mo, bes? Babayaran mo pa rin ang utang ng tatay mo? Kung ako kasi sa’yo umalis ka na sa puder ng tatay mo, hayaan mo na siya sa sarili niya!” saad ni Mika sa kaniyang matalik na kaibigan.

“Bes, alam mo naming nangako ako sa nanay na hindi ko iiwan ang tatay. Mahal na mahal kasi ni nanay ‘yang si tatay. Tingnan mo nga imbes na ipanggamot ‘yung naipon ko mas gusto na lang niyang ipambayad sa mga nalustay ng tatay sa pagsusugal niya!” paglalabas ni Jodie ng sama ng loob.

“Hay, ang hirap talagang magpalaki ng magulang. Kailan kaya magbabago ‘yang tatay mo?” wika ni Mika “Pero siya nga pala, saan ka kukuha ng sampung libong piso?” tanong pa ng dalaga.

“Bahala na. Baka bumale na lang ako ulit sa opisina. Hayaan mo, bes, huli na talaga ito. Kahit anong dasal ko, hindi talaga nagbabago ang tatay, nawawalan na rin ako ng pag-asa,” sambit ni Jodie.

Ganoon na nga ang nangyari. Halos walang suswelduhin itong si Jodie kakabale niya sa kaniyang opisina. Wala na rin siyang naiipon dahil ang lahat ay nauuwi na lamang sa pagbabayad ang utang ng kaniyang ama. Kahit ano man ang gawin niya ay hindi na niya mapigilan ang pagkalulong ni Mang Berto sa kaniyang bisyo.

Isang gabi ay laking pagtataka ni Jodie sapagkat sa unang pagkakataon ata ay ngayon lamang niya nadatnan ang ama sa bahay.

“Anong nakain niyo at wala kayo sa sugalan ngayon?” pagtataka ni Jodie.

“Wala lang. Wala akong gana ngayong magsugal. Walang matinding kalaro,” tugon ni Mang Berto. “Kumain ka na riyan at nagluto ako,” dagdag pa ng ama.

Biglang ginanahan si Jodie sapagkat baka ito na ang matagal na niyang hinihiling na pagbabago ng ama.

Maya-maya ay may kumatok sa kanilang pinto. Pagbukas ni Jodie ay nagulat siya nang makita ang kilalang si Bilog na kanang kamay ni Attorney Kidlat, isang matinding nagpapautang sa kanilang lugar.

“Asan ang tatay mo, Jodie?” maangas nitong tanong. “Sabihin mo sa kaniya ilang araw na akong pabalik-balik sa sugalan at wala pa rin siyang naiaabot sa akin! Galit na ang boss ko!” sambit ni Bilog.

“A-anong ibig niyong sabihin?” tanong ng dalaga.

“Malaki ang utang ng tatay mo sa boss ko. Kung susumahin ay nasa dalawang daan libong piso hindi pa kasama ang tubo! Matagal nang pinagbibigyan ni Boss Kidlat ‘yang tatay mo pero walang ginawa kung hindi takasan kami!” saad ng lalaki. “Kapag hindi pa siya nakapagbigay, alam na niya ang mangyayari sa kaniya!” dagdag pa nito.

Hindi makapaniwala si Jodie sa kaniyang narinig. Lubusan ang pagkasuklam niya sa ama dahil sa mga ginagawa nito.

“Dalawang daang libong piso, ‘tay? Isinugal niyong lahat ng ‘yan?” halos mapatid ang litid ni Jodie sa pagsigaw.

“Hirap na hirap na ako sa pagtatrabaho at sa pagbabayad lang ng utang nyo. Wala kayong malasakit sa akin! ‘Ni hindi niyo iniisip ang hirap ko! Wala na akong ginawa sa buhay na ‘to kung hindi magbayad ng mga ipinangsugal niyo! Kailan ba kayo magpapakaama sa akin?! Sawang-sawa na ako sa inyo!” bulalas ng dalaga.

“Sinabi ko bang bayaran mo?” sigaw din ni Mang Berto. “Hayaan mo hindi ako manghihingi sa’yo kahit singkong duling. Babayaran ko lahat ng utang ko!” saad pa ng ama.

“Paano kayo magbabayad, wala naman kayong trabaho! Wala kayong alam gawin kung hindi magsugal!” tugon ni Jodie sa ama.

“Akala mo kung sino kang magaling, a! Akala mo kung sino ka na porket ikaw ang gumagastos dito. Hoy, Jodie kahit wala ka kaya kong mabuhay!” sumbat ng ama. “Hindi kita kailangan sa pamamahay ko, lumayas ka tutal matigas naman na ang buto mo ‘di ba?! Sige! Kunin mo lahat ng gamit mo at lumayas ka na!” pagkaladkad ni Mang Berto sa anak.

Agad na kinuha ni Jodie ang kaniyang mga damit at lumuluhang umalis. Hindi niya kasi matangap ang pagtrato sa kaniya ng kaniyang ama. Na kahit anong gawin niya ay hindi pa rin ito magbago.

“Hindi ko alam kung anong puso mayroon kayo, pero kahit kailan ay hindi kayo naging ama sa akin!” wika ni Jodie sa ama sabay takbo palabas ng bahay.

Gulong-gulo ang isipan ni Jodie na tumakbo palabas ng kanilang eskinita habang patuloy ang kaniyang pag-iyak sa sama ng loob. Sa tindi ng kaniyang nararamdaman ay hindi na niya nakita ang isang sasakyan na parating. Sa bilis ng sasakyan say hindi na ito nakapreno agad at nasagasaan ang dalaga.

Sa tindi ng pagsalpok ng sasakyan sa katawan ng dalaga ay agad siyang binawian ng buhay.

“Mang Berto! Mang Berto!” humahangos na tawag ng isang kapitbahay. “Si Jodie, nasagasaan po!” sambit pa nito.

Natatarantang tumakbo si Mang Berto palabas ng kanilang eskinita at doon nga nakita niya ang walang buhay na katawan ng anak. Hindi siya makapaniwala na ilang saglit lamang mula sa kanilang pagtatalo ay ngayo’y nasa harapan niya ang anak sa ganoong kalagayan.

Hinagkan ni Mang Berto ang anak at doon niya naalala ang lahat ng sakripisyo ni Jodie para sa kaniya. Doon niya napagtanto na sa hirap na binibigay niya sa anak ay hindi pa rin nito nagawang sukuan ang ama sa pag-asang isang araw ay magbabago rin si Mang Berto.

Gulantang na gulantang si Mang Berto. Wala na siyang nagawa pa kung hindi hagkan nang mahigpit ang anak at sumigaw sa pag-iyak habang humihingi ng kapatawaran sa anak. Ngunit kahit anong lakas ng pagsigaw niya ay hindi na siya muli pang maririnig ni Jodie. Hindi na makikita ng anak ang pagsusumamo ng ama.

Huli na ang lahat nang naisin ni Mang Berto na magbago dahil wala na rin ang tanging taong naniniwala sa kaniya.

Ngunit nang dahil sa pangyayaring iyon, kahit alam ni Mang Berto na huli na ay ginawa niya ang lahat upang magbago. Nagtriple kayod siya upang mabayaran ang lahat ng kaniyang pinagkakautangan at tuluyan nang hinintuan ang pagsusugal. Iyon na lamang ang tangi niyang magagawa upang makabawi sa kaniyang anak na ngayo’y nasa langit na.

“Sa muli nating pagkikita, mahal kong anak, babawi ang tatay sa lahat ng pagkukulang ko. Pangako, anak… Pangako,” tumatangis niyang wika habang nag-aalay ng bulaklak sa puntod ng pinakamamahal niyang anak.

Advertisement