
Mga Bahid ng Pula sa Tela
Dahil sa pagiging biyuda ni Marina, hindi malayong magkaroon ulit siya ng bagong asawa. Bata pa siya nang sumakabilang buhay ang dating asawa, naiwan sa pangangalaga niya ang anak na si Gary.
“Carlo, mamaya ka na tumawag. May gagawin pa ako. Maghahapunan na at darating na ang mga anak ko,” pabulong na sabi ni Marina.
Pagdating ng bahay, naulinigan ni Gary na may kausap sa telepono ang kaniyang ina. Masayang-masaya pa ito habang nakikipag-usap.
“Oo, mamaya ay pupunta ako riyan. Bakit wala na si JJ sa bahay niyo?”
“Nako! Napaka-pasaway talaga niyang pamangkin mo, kahit kailan!”
“Okay sige na, ibababa ko na ha? I love you! Bye!”
Agad-agad na bumungad si Gary sa mama niya. Sa gulat ni Marina ay halos matapon nito ang hinihiwang luya.
“Anak! Nakakagulat ka naman! Bakit hindi ka nagsasalita? Kanina ka pa ba riyan?”
“Ma, sino ba yang kausap mo? Umamin ka nga, mama?! Mag-aasawa ka na ba ulit?!” galit na sigaw ni Gary sa ina.
“Paano kong sabihin ko sayong oo?! Oo! Mag-aasawa na ako! Mali ba ‘yon ha?! Mali bang piliin ko naman ang magpapasaya sa akin, anak?!”
“Ma! Hindi ka pa ba kuntento sa akin?! Hindi ka pa kuntento na magkasama tayo?!”
“Anak, may mga pangangailangan din ako na hindi mo maibibigay!” bwelta ng ina.
“At ang lalaking ‘yan ang makapagbibigay ng mga pangagailangan mo ha?!” palabang sigaw naman ng anak.
“Oo! Hirap na hirap na ako, anak! Gusto ko na ng karamay sa buhay!” iyak nang iyak si Aling Marina.
Wala nang nagawa si Gary sa desisyon ng ina. Desidido na ito na mag-asawang muli. Halos isang linggo lang ang nagdaan, nakitira na sa bahay nina Gary ang kanyang bagong ama-amahan na si Carlo.
“Carlo, siya ang anak kong si Gary. Gary siya ang Tiyo Carlo mo,” pagpapakilala ni Marina sa dalawa.
“Magandang araw sa iyo Gary, madalas kang ikwento sa akin ng mama mo,” masayang bati ni Carlo sa bagong anak-anakan.
Pero taliwas sa iniisip ni Carlo ang totoong nakikita sa kanya ng bata. Nakatatak na sa isipan nito na masamang tao ang bagong asawa ng mama niya.
Sa halos araw-araw na pagsasama-sama ng tatlo sa bahay, laging sumusubok si Carlo na mapalapit ang loob sa binata. Pero sadyang nagmamatigas ito.
“Gary, wala ngayon ang mama mo. Kaya ako na muna ang nagluto ng hapunan natin. Halika na, sumabay ka na sa akin,” alok nito sa binata.
“Ayoko nga! Baka mamaya nilagyan mo pa ‘yan ng lason!” pagmamatigas nito sa amain.
Wala nang nagawa si Carlo sa katigasan ng ulo ng anak-anakan niya. Kinalaunan, nalaman ni Marina ang kabastusang ginagawa ni Gary sa kanyang bagong kinakasama. Kaya’t dali-dali niyang kinompronta ang anak.
“Gary! Bakit ganyan ka sa Tito Carlo mo?! Wala namang ginagawang masama sa’yo ‘yong tao! Gumagawa nga siya ng paraan upang mapalapit sa’yo!” galit na sigaw ng ina sa anak.
“Ma, malayo ang loob ko sa lalaking ‘yan! Siguradong nasa loob ang kulo niyan!”
“Gary anak ano pa bang gusto mo?! Napakabait ng Tito Carlo mo!”
“Papatunayan ko sayo, mama, na masamang lalaki yang kinakasama mo! Papatunayan ko sa’yo!” bwelta ng binata at saka nagmadaling magkulong sa kaniyang silid.
Sa mga sumunod na araw tuluyan pang lumayo ang loob ni Gary sa ina at sa amain. Wala siyang ibang inisip kundi ang humanap ng butas para siraan ang Tito Carlo niya sa ina.
Isang araw, napansin ni Carlo na may mga patak ng dugo sa tela nakalatag sa sala nila!
Lalong lumakas ang suspetsa niya na sinasaktan ng Tiyo Carlo niya ang mama niya. Pero taliwas sa suspetsa niya, masaya at maayos ang pagsasama ng mag-asawa.
Araw-araw, patuloy pa ring nakikita ni Gary ang mga iilang patak ng dugo sa kahit saang sulok ng bahay nila. Kaya hindi na niya natiis na hindi komprontahin ang mama niya.
“Ma, magsabi ka nga ng totoo. Sinasaktan ka ba ni Tito Carlo?” mapagbintang na tanong ng binata.
“Anak, ano bang sinasasabi mo? Hindi kita maintindihan,” naguguluhang sagot ni Marina.
“Ma, huwag na kayong magsinungaling! Araw-araw ang dami kong nakikitang patak ng dugo sa bahay na ito! Paano mo maipapaliwanag ‘yon?!”
Hindi makapagsalita si Marina. Nakatingin lang siya sa anak niya.
“Ma, ano ba?! Hindi ka makapagsalita kasi totoo?! Tama ba ang hinala ko?!”
“Anak!” umalingawngaw sa buong bahay ang malakas na sigaw ni Marina.
Huli na nang mapagtanto ni Gary na may dugong tumutulo sa ilong niya! Agad-agad siyang dinala sa ospital ng kanyang Mama at Tito Carlo. At doon napag-alaman nila ang malalang kondisyon niya.
“Misis, may Sphenoid Sinus Disease ang anak niyo. Ito ay ang irregulator na blood flow mula sa utak ng pasyente. Kaya nagkakaroon siya ng pagdurugo sa ilong. Pero huwag kayong mag-alala dahil maagapan pa ito. Kailangan niya lng magpahinga at uminom ng mga gamot na ibibigay namin sa kanya,” paliwanag ng doktor sa mag-asawa.
Ilang linggo pang namalagi si Gary sa ospital dahil sa kondisyon niya. Ang pagkakasakit niya ang nagbigay pagkakataon upang makita niya ang pag-aalaga ng Tito niya sa Mama niya sa kanya.
“Anak, ‘pag may kailangan ka tawagan mo lang ako ha? Si Tito Carlo mo muna ang magbabantay sa’yo ngayon, kailangan ko kasing pumunta sa opisina. Pero kung may kailangan ka, tawagan mo ako. Pupuntahan kita agad,” bilin ni Aling Marina sa anak.
“Huwag na, Mama. Huwag na po kayong mag-alala sa akin, nandito naman po si Tito Carlo. Siya nalang po ang magbabantay sa akin.”
Nagkatinginan ang mag-asawa sa biglaang sinabi ni Gary. Hindi nila alam kung mali ba ang pagkakarinig nila o ‘yon talaga ang sinabi ng anak.
“Sige na hon, ako na ang bahala kay Gary,” masayang singit ni Carlo sa usapan.
Doon nagsimula ang magandang samahan nina Gary at Carlo. Natuto nang magtiwala si Gary sa bagong kinakasama ng Mama niya. Inalis na niya ang galit at sama ng loob sa amain, at unti-unting kinilala ang lalaki bilang panibagong haligi ng kanilang tahanan na masugid na sumusuporta sa kanilang mag-ina.