
Ang Mga Paalala ni Manong Ramon
Huwebes. Sumulyap si Liza sa kanyang relong pambisig. Napailing na lang siya nang makitang mag-aala una na nang madaling araw.
Nagsimula na siyang magligpit ng kanyang lamesa. Napagdesiyunan niya nang umuwi at ituloy na lang ang pagtatrabaho kinabukasan.
Anong kinabukasan? Baka mamaya. Ala una na kaya. Natatawa niyang pagtatama sa sarili.
Isang taon na ding nagtatrabaho sa kompanyang ito si Liza. Halos lahat ng kanyang kasabayan ay nagsitaasan na ang posisyon ngunit siya ay nasa parehong posisyon pa rin.
Kaya naman ganun na lang katindi ang pagsisipag niya sa trabaho nang sa ganun ay ma-promote na din siya.
Hindi lang naman inggit ang dahilan. Syempre gusto din niya na magkaroon ng mas malaking sweldo nang sa ganoon ay maari na ding tumigil sa pagtatrabaho ang kanyang ama.
Anak, kaya pa naman ng Papa mo magtrabaho. Ayaw naman naming abusuhin mo ang sarili mo, laging paalala sa kanya ng ina.
Nasa ika-labindalawang palapag ang kanyang opisina. Sumakay na siya ng elevator. Pagkababa ng elevator ay dumaan siya sa isang vending machine, kagaya ng kanyang nakagawian, at bumili ng kape.
Hindi para sa kanya ang kape. Para kay Manong Ramon.
Si Manong Ramon, sabi ng kanyang mga ka-opisina, ay lagpas labinlimang taon na nagtatrabaho bilang sekyu sa kanilang building. Sa exit ng unang palapag ito naka-destino kaya naman lagi niya itong nadadaanan kapag pauwi na siya.
“Naku, ikaw talagang bata ka! Binigyan mo na naman ako ng kape! Nahihiya na ako sa totoo lang,” nahihiyang pag-abot ni Manong Ramon sa kape na binibigay niya.
“Si Manong talaga, sabi ko naman sayo di ba, pagpapasalamat ko yan dahil ramdam na ramdam kong safe ako pag ikaw ang nagbabantay ng ganitong oras,” pambobola niya pa sa matanda.
Totoo naman iyon. Alam niyang mahal na mahal ng matanda ang trabaho nito kaya naman alam niyang ginagawa nito ng maayos ang trabaho. Sa katunayan, madalas niya itong nakikitang nagdo-double shift.
Kagaya niya, mahal nito ang trabaho, pero may ibang dahilan din ito kaya ganun na lang ang pagsisipag nito. Gusto daw nito tumulong sa pagpapaaral sa mga apo nito kaya naman hindi pa ito nagreretiro sa kabila ng edad nito.
Kaya siguro gustong-gusto niya ang matanda. Una, parehas sila ng pananaw pagdating sa trabaho. Ikalawa, para itong ama niya. Handang gawin lahat para sa pamilya.
“Ikaw, napakatigas ng ulo mo, araw araw kitang pinapaalalahanan na umuwi ka ng mas maaga para nakakasama mo ng mas matagal ang pamilya mo,” napapailing na lang na sabi ng mabait na sekyu kay Liza.
Kagaya ng dati, saglit pa itong nakipagkwentuhan bago siya inudyukang umuwi na, para daw makapagpahinga na siya.
Hanggang bahay ay nakangiti siya dahil kay Manong Ramon.
Napalis lang ang ngiti niya ng salubungin siya ng kanyang ina na nakasimangot na naman. Pagtingin niya sa relong nasa sala ay mag aalas dos na.
Hindi ito nagsalita at umakyat na lamang. Tila inantay lang nito na makauwi siya bago ito matulog.
“Sorry, Ma!” Pahabol niya na lang sa ina bago niya narinig ang pagbagsak ng pinto ng kwarto nito.
Biyernes. Pasado alas dose na nang sumakay si Liza si elevator. Lumabas talaga siya nang mas maaga para makipagkwentuhan kay Manong Ramon.
Ngunit hindi kagaya ng dati, wala ang nakahahawang ngiti ni Manong Ramon nang iabot niya dito ang kape. Mukhang wala din ito sa mood makipagkwentuhan kaya naman saglit lang ay nagpaalam na siya na uuwi.
Palabas na siya ng marinig niyang tawagin siya nito.
“Liza…”
“Po?” Lumakad siya pabalik dito.
“Maraming salamat sa kape, hija,” may malungkot itong ngiti.
Sasagot sana siya ng “walang anuman ho” nang magsalita ulit ito.
“Hija, ipapaalala ko lang ulit sayo na wag mong abusuhin ang sarili mo. Traydor ang panahon, Liza. Ayokong magsisi ka din sa huli. Sinasabi ko ito sa iyo dahil parang anak na din ang turing ko sayo,” seryoso nitong paalala sa kanya.
Kadalasan ay biro ang sinasagot niya sa mga paalala ng matanda kagaya ng “Nagpapayaman ho ako, manong,” pero nang mga sandaling iyon ay tila may bikig sa kanyang lalamunan – dala ng malungkot na mga mata ni Manong Ramon – kaya napatango na lang siya at sinabing “Salamat po, Manong.”
Nang pauwi na siya ay hindi maalis alis sa isip niya ang mga sinabi ni Manong Ramon. Kaya naman kinabukasan ay niyaya niya ang ina at ama na lumabas para maglibang na pinaunlakan naman ng mga ito.
Tama nga si Manong Ramon, wala nang mas hahalaga pa sa pamilya, nasabi niya sa sarili habang nakangiting pinagmamasdan ang kanyang ama at ina na masayang nagtatawanan habang kumakain sila.
Masaya ang naging weekend ni Liza, kaya naman hindi siya makapaniwala sa malungkot na balitang gumimbal sa kanya nang pumasok siya nang Lunes ng umaga. Wala na daw si Manong Ramon.
“Ano? Paano? Anong nangyari sa kanya?” Naiiyak na tanong ni Liza sa katrabahong si Ariana.
“Inatake daw sa puso, dahil sa overfatigue, nung Biyernes…” Umiiyak na sabi ni Ariana.
Kagaya niya, ka-close din nito ang matanda.
Pero teka… Biyernes? Nakausap ko pa siya nung umuwi ako nung Sabado nang madaling araw ah?
Sinabi niya sa iyon sa katrabaho.
“Liza, imposible, hindi na nga siya nakapasok nung Friday shift niya kasi nasa ICU na siya nang Friday nang hapon,” naguguluhang sabi ni Ariana.
Dahil hindi pa rin makapaniwala, pumunta si Ariana sa opisina ng mga taga-Security Department para i-check ang CCTV nung madaling araw ng Sabado na sigurado siyang nakausap niya ang matanda.
Kita sa CCTV ang pagsasalita niya ngunit wala siyang kausap.
Imbes na matakot, mas lalo lamang napahagulhol ng iyak si Liza.
Tila kahit sa kabilang buhay, nais pa din siyang paalalahanan ni Mang Ramon.
Salamat sa mga paalala mo, Manong Ramon. Hinding hindi iyon mapupunta sa wala, pagkausap niya sa matanda habang tinitignan ang unti-unting pagtabon ng lupa sa ataul na kinalalagakan ng katawan nito.
Simula noon ay natutunan ni Liza na i-balanse ang kanyang oras para sa pamilya, sarili, at trabaho. Ilang buwan lamang ay nakamit niya na ang pinaka-aasam na promosyon.