Inday TrendingInday Trending
Ikakasal na Tayo

Ikakasal na Tayo

Anim na taon nang magkasintahan sina Apple at Kevin. Hayskul pa lamang ang dalawa ay matalik na silang magkaibigan hanggang sa nagtapat ng nararamdaman si Apple kay Kevin. Hindi naman makapaniwala si Kevin dahil inunahan siya nito na magtapat ng damdamin. Naging masaya ang takbo ng kanilang relasyon hanggang sa isang araw ay bigla na lamang nanlamig si Kevin kay Apple, dahil hindi niya napigilan na mahulog sa kasahaman niya sa trabaho. Lubusang nasaktan si Apple sa ginawa ng binata sa kaniya.

Matagal rin bago tuluyang naka-move on si Apple sa relasyon nila ni Kevin. Sa tulong na rin ni John ay nakalimutan na ng dalaga ang sakit mula sa dating pag-ibig. Binuksan muli niya ang kaniyang puso upang magmahal muli. Pagkalipas ng tatlong taon ay niyaya na ni John ang dalaga na magpakasal at agad naman itong pumayag. Ngunit hindi pa rin niya maiwasan na isipin ang dating nobyo.

“Bes, mahal mo pa ba siya? Bakit mo pa siya naiisip?” pagtataka ni Michelle, matalik na kaibigan ni Apple.

“Hindi ko nga alam, bes, siguro dahil sa wala kaming maayos na closure,” tugon naman ng dalaga. “May asawa na ba siya, bes?” tanong niya.

“Sa pagkakaalam ko, bes, wala pa. Wala na rin naman akong balita sa kaniya. Syempre kung sino ang iniiwasan mong tao ay iniiwasan ko rin,” natatawang sambit ni Michelle.

Abala ang dalawa sa pagsasaayos ng kasal ng dalaga. Si Michelle lamang ang tanging taong nakakaalam ng nararamdamang ito ni Apple. Sapagkat maging si Apple ay naguguluhan rin.

Isang araw ay mayroong meeting ang coordinator at suppliers na magsasaayos ng kasal ni Apple at ng kaniyang kasintahan. Nabigla siya nang makita niyang ang dating nobyong si Kevin ang magiging litratista ng gaganaping kasalan. Maging si Kevin ay nagulantang din. Napabuntong hininga na lamang si Apple.

“Bes, hindi ko alam, peksman!” sambit ni Michelle.

Hindi naging kumportable ang dalawa sa pagpupulong. At nahalata ito agad ni Michelle.

“Bes, gusto mo ba ay ibahin na lang natin ‘yung gagawa ng litrato at bidyo sa kasal ninyo? Baka kasi malaman din ito ni Kevin at hindi din maganda ang isipin niya,” pahayag ng kaibigan.

Ngunit sa loob ni Apple ay nais niyang kausapin na ang binata upang matapos na ang lahat sa kanila ng tuluyan.

“Bes, tutal ikakasal naman na ako, puwede mo ba akong pagbigyan? Kung makakapag-usap kami ni Kevin ng kami lang ay nais ko sanang gawin. Kasi marami akong bagay na gustong linawin sa kaniya,” saad ni Apple.

“Kung sa tingin mo, bes, iyon ang nararapat ay sige,” pagpabor naman ni Michelle sa tinuran ng kaibigan.

Pagkatapos ng meeting ay agad lumapit si Kevin kay Apple.

“Long time no see, Apple,” sambit ng binata. “Ang liit ng mundo talaga, ano? Akalain mo at ako pa pala ang magiging photographer sa kasal mo,” wika niya.

Bigla namang sumingit si Michelle sa usapan. “Akala namin talaga noon, Kevin, sayo siya ikakasal. Pero nandon ka pa rin pala sa kasal niya, hindi nga lang ikaw ‘yung groom kundi photographer,” natatawang kantiyaw ni Michelle sa binata.

“Puro ka kalokohan diyan, bes,” saad ni Apple. “Kevin, baka puwede sana kitang makausap. Kung hindi ka abala,” tanong ng dalaga. Dahil wala namang gagawin si Kevin ay agad niyang pinaunlakan ang dating kasintahan. Alam ni Apple na ikabibigla ni Kevin ang kaniyang mga itatanong sa binata ngunit nang magsalita si Kevin ay mas nagulat siya.

“Hindi sinasadya na ako ang photographer mo, Apple. Nang mabalitaan ko na sa kumpanya ko kayo naghahanap ng photographer para sa kasal ninyo ay ako mismo ang nagprisinta,” pag-amin niya. “Hanggang ngayon ay hindi pa rin kita nakakalimutan. Alam ko marami akong pagkakamali sa iyo noon. Niloko kita at iniwan. Pero ilang taon kong pinagsisihan ‘yon, Apple. Maraming panahon na inisip ko na sana tayo na lang ulit. Lagi ko naiisip kung sana hindi kita nagawang saktan,” sambit niya.

Bigla na lamang nanumbalik ang lahat kay Apple.

“Ngunit bakit hindi mo ako nagawang kausapin noon, bakit ngayon lang, Kevin? Ang daming umaandar sa isip ko. Bakit hindi mo nagawang maging tapat sa akin? Totoo bang minahal mo ako?” dere-deretsong tanong ng dalaga.

“T*nga ako noon, Apple. Hindi ko naisip ang kahalagahan mo,” tugon ng binata. “Apple, may nararamdaman ka pa ba para sa akin?” tanong ni Kevin.

“Hindi ko alam, Kevin. Hindi ko maintindihan kung bakit masaya ako na makita ka ngayon. Sapagkat sa kabila ng nagawa mo sa akin ay bakit tila binura na ng lahat ng iyon ng makita kitang muli,” wika ni Apple. “Parang mali ata itong nararamdaman ko, Kevin. Mahal ko si John. Nariyan siya nung mga panahon na sobrang warak ang puso ko dahil sa panloloko mo sa akin. Naging matiyaga siya sa akin. Minahal niya ako kahit na alam niyang may ibang laman pa ang puso ko noon. Inalis niya ang lahat ng sakit na dala sa akin ng relasyon natin dati,” dagdag pa niya.

“Patawad. Apple. Sa totoo lang ay hindi ko rin alam kung ano ang pumasok sa isip ko noon. Ngunit hindi kita makalimutan. Pero hindi ko rin magawang lumapit sa’yo at humingi ng tawad sapagkat alam kong hindi mo na ako kailangan pa,” saad ni Kevin. “Masaya din ako na makita ka. Noong masilayan kita naging malinaw sa akin ang lahat. Hindi pa rin nawawala ang damdamin ko para sa’yo,” wika ng binata. “Ngunit hindi tama ito, Apple,” paalala niya.

“Dahil ba ikakasal na ako?” tanong ni Apple.

“Dahil ikakasal na rin ako, Apple,” malungkot na sambit ni Kevin.

Hindi makapaniwala si Apple sa tinuran ng binata. Napakalungkot na malaman mong huli na pala ang lahat para sa inyo ng tunay na tinitibok ng iyong puso. Dahil ayaw na nilang maging kumplikado ang lahat, nag desisyon sila na tuluyan ng wakasan ang namamagitan sa kanilang dalawa. Maraming taon ang nasayang sapagkat hindi sila nakapag-usap. Hinayaan lamang ng dalawa na lumipas ang mga araw. Dadalhin nila sa kanilang puso ang panghihinayang. Ngunit masaya na rin sila sapagkat sa wakas ay natuldukan na ang matagal nilang dinadala sa kanilang kalooban.

Ikinasal si Apple sa kaniyang kasintahang si John. Umamin siya sa binata na nakipag-usap siya kay Kevin tungkol sa kanilang nakaraan. Hindi naman naging kaso ito kay John. Dahil sa pagmamahal niya sa dalaga ay nauunawan niya ag nangyari. Pinili ni Apple ang tama at di kalaunan ay natutunan na rin niyang mahalin ng lubusan si John.

Bilang isang prospesyunal naman ay tinanggap pa rin ng kumpanya ni Kevin ang maging photographer sa kasal ni Apple ngunit hindi na siya ang gagawa nito. Ikinasal na rin si Kevin sa kaniyang nobya at nagbunga ito agad ng kambal na supling.

Mas naging maluwag na sa kanilang dalawa ang kanilang paghihiwalay at sa kanilang piniling landas. Bandang huli ay ikinasal nga ang dalawa ngunit sa ibang mga tao.

Advertisement