Inday TrendingInday Trending
Ang Lalaking May Bingot

Ang Lalaking May Bingot

May isang sikat na gym sa Maynila. Napakaraming parokyano nito. Malaki, malawak at may magagandang kagamitan.

Dalawa sa mga receptionist sina April at Sandra. Dahil sikat ang naturang gym, karamihan sa kanilang mga parokyano ay mga gwapo at magaganda.

Kaya araw-araw feeling jackpot ang dalawa sa mga kliyente nila.

“Sandra! Ano?! Dumating na ba ‘yong crush natin?” nakangising bungad ni April sa kaibigan.

“Nako, wala pa nga eh! Kanina ko pa nga hinihintay e,” dismayadong pahayag ni April.

“Nakakainis naman! Wala tuloy akong inspirasyon ngayon!” inis na sambit ng dalaga.

Noong araw ding iyon ang unang araw sa trabaho ni Nikka. Siya ang bagong receptionist ng naturang gym.

“Sandra, April, siya ang bagong makakasama niyo ngayon. Siya si Nikka. Turuan niyo siyang mabuti, para matutunan niya ang mga dapat gawin dito,” mahigpit na bilin ng amo nila.

“Walang problema, boss. Kami na pong bahala!”

Agad-agad namang tinuruan ng dalawa ang bagong kasama.

“Simple lang naman ang gagawin natin. Lahat sila mag ta-type ng pangalan. Tapos lalabas na ang record nila dito sa kompyuter,” panimula ni Sandra.

“At! Huwag na huwag mong kakalimutan! Kapag gwapo, kunin mo agad ang numero pagkatapos ay ibigay mo sa amin,” dagdag pa ni April.

Tumango-tango na lang si Nikka sa bilin ng dalawa. Nasusunod naman niya ang utos nila, kaya lang ang problema ay kinukuhanan niya ang lahat ng numero.

“Nikka! Ano ka ba?! Seryoso! Lahat na lang ng lalaki kukuhanan mo ng numero?! Lahat ha?!” inis na inis na si Sandra sa dalaga.

“Kasi sabi niyo po sa akin, lahat ng gwapo kukuhanan ko ng numero,” paliwanag ng dalaga.

“So feeling mo gwapo ‘yang mga ‘yan?!” bulyaw pa ni April sa dalaga.

Isang araw, isang ‘di pamilyar na kustomer ang dumating. Isang lalaking may bingot sa kaniyang labi.

“‘Magandang umaga po, sir!” masayang bati ni Nikka.

“M-magandang u-umaga rin naman,” sagot nito sa dalaga.

“Sir, paki-type po ng pangalan niyo,” alok ni Nikka sa kliyente.

“Hep! Hep! Hep! Hindi ka pwede rito sa amin,” sarkastikong singit ni Sandra.

“T-teka, b-bakit ba? M-mag b-buhat din ako,” paliwanag ng lalaki.

“Kuya, nasaan ba naman ang hiya mo? Kita mo ang mga nasa loob? Lahat sila ay gwapo! Tapos ikaw, ang lakas ng loob para pumasok. Aba’y mistulan kang langaw sa isang basong puno ng gatas!” singit ni April sa usapan.

“Isa pa, mamaya makahawa ka pa rito! Tingnan mo nga sarili mo! Naglalaway ka pa. Hindi ka naman bata! O baka naman aso ka?” tatawa-tawang panlalait nito.

“Aso nga!” pagsang-ayon ni April sa sinabi ni Sandra.

Hindi makapagsalita si Nikka. Hiyang hiya siya sa ginawa ng mga kasama niya. Hindi siya halos makatingin sa lalaking may bingot sa labi.

“Ano pang hinihintay mo? Umalis ka na rito!” sita ulit ni Sandra sa lalaki.

Ngunit hindi pa rin nagpatinag ang lalaki.

“Kuya, sige na layas na! Bago mo ayusin ang katawan mo, ayusin mo muna ‘yang mukha mo!” humagalpak pa sa tawa si April dahil sa sinabi niya.

Makalipas ang ilang Linggo, hindi na nagpakitang muli ang lalaki. Matiyaga siyang hinihintay ni Nikka. Kung minsan nag o-overtime pa ang dalaga sa pagbabaka-sakaling bumalik ito. Kaso ni anino noon, walang nagpapakita.

Gustong humingi ng tawad ni Nikka sa lalaki. Dahil wala siyang nagawa sa ginawang pambabastos at pang-aalispusta sa kanya ng mga kasamahan niya.

Isang araw, nagdatingan ang apat na matitikas na lalaki sa gym. Mistulang jackpot sina April at Sandra dahil nagsabay-sabay ang kanilang mga pinagpapantasyahan!

“Magandang umaga sa inyo!” ngiting – ngiting bati ni Sandra sa lima.

“Anong maipaglilingkod namin sa inyo?” singit ni April.

Samantalang si Nikka, tahimik lang.

Halos tumulo ang laway ni April dahil sa nakikita. Ang hindi nila alam, may hindi magandang balita sa kanila ang apat.

“Gusto naming i-refund ang lahat ng perang binayad namin dito.”

“Hindi na kami kailanman babalik dito sa inyo!”

“Babawiin na namin ang membership fee na binayaran namin!”

“Mga mapanghusga kayo!”

Natameme ang dalawa sa sunod-sunod na bwelta ng lima. Hindi maintindihan ng mga babae kung ano ang ipinupunto nila.

“Teka sandali, hindi namin maintindihan! Ano bang ginawa namin at galit na galit kayo sa amin?” tanong ni Sandra sa apat.

Bago pa sila sinagot ng mga kalalakihan, pumasok sa gym ang isang taong pamilyar ang mukha. Ang taong bingot na pinagtatawanan nila noong nakaraan!

Labis na ikinagulat ng dalawang malditang dalaga ang kanilang nakita! Ang lalaking bingot pala ang bagong coach ng apat na lalaking pinagpapantasyahan nila.

Hindi na sila nagsalita. Natameme sila sa hiya. Paalis na sana ang limang lalaki pero biglang dumating ang may-ari ng gym.

“Anong nangyayari rito?” tanong ng intsik na amo.

“Hindi na kami dito sa inyo mag-gi-gym. Mga bastos at mapagmataas ang mga receptionist niyo!” inis na sambit ng isa.

“Ano?! Bakit? Anong ginawa ng mga receptionist ko?” umaapoy na sa galit ang instsek.

“Binastos nila at pinagtawanan ang bago naming coach! Porke’t bingot si coach, pagtatawanan na nila!” reklamo pa ng isa.

“Hindi ko kailangan ng mga empleyadong mapagmataas! Simula ngayon, tanggal na kayo rito!” sigaw ng amo sa tatlo.

“T-teka l-lang po! Hindi kasama ‘yang isa. Itong dalawa lang ang nambastos sa akin. Wala pong ginawa ang isa niyong receptionist sa akin,” pagtatanggol ng lalaking bingot kay Nikka.

“O sige! Hindi na kita tatanggalin, Nikka. Pero kayong dalawa, April at Sandra? Tanggal na kayo sa trabaho!” ma-awtoridad na utos ng amo.

Dahil sa nangyari ay nawalan ng trabaho ang dalawa. Samantalang si Nikka ay nanatili bilang receptionist ng gym nang dahil sa mabuti niyang pag-uugali.

Naging kaibigan niya na rin ang apat na lalaki, pati na rin ang lalaking bingot na pinagtatawanan noon ng dalawa. Ang pangalan pala nito ay Albert.

Malaki man ang pagsisisi ng dalawang mapanlait na babae, wala na silang magagawa upang mabawi pang muli ang tiwala ng kanilang amo. Tanging leksyon na natutunan nila sa kanilang naranasan ay ang pag-iwas sa panlalait sa kaanyuan ng kahit na sinong kapwa-tao.

Advertisement