Ginagapang ng Lalaking Ito ang Kapatid ng Kaniyang Kinakasama Hangga’t Hindi na Nakatiis ang Babae at Nagsumbong sa Kaniyang Ate
Simula noong bata pa lang ang makakapatid na sina Barbie, Barbara at Becca ay malapit na sila sa isat-isa dahil ganoon sila pinalaki ng kanilang mga magulang na si Mang Jing at Aling Bella.
Maagang pumanaw ang kanilang ama nang mabagok ang ulo nito sa banyo kaya simula noon ay binuhay silang mag-isa ng kanilang ina.
Lahat sila ay high school graduate at hindi na nakatungtong ng kolehiyo dahil sa hirap ng buhay.
“Ma, buntis ako,” wika ni Barbara. Ang pangalawa sa magkakapatid. Siya rin ang unang nag-asawa at nagka-anak sa edad na 22. Sa magkakapatid ay si Barbara ang pinakamaganda at habulin ng lalaki ngunit siya rin ang pinakamahina ang loob at may sakit ito sa puso.
“Wala na tayong magagawa diyan, blessing ‘yan. Wag kang umiyak. Kaya mong magpaka-ina,” saad ni ale sa kanyang anak.
Simula noon ay si Barbie na ang naging katuwang ni Aling Berta sa paghahanapbuhay. Si Barbie ay manager sa isang salon sa mall sa edad na 24. Sa tatlong magkakapatid ay si Barbie ang pinakamadiskarte sa buhay. Napagtapos niya ang sarili ng high school dahil sa mga raket nito, magaling din kasing kumanta ang dalaga.
“Ma, paano na yan? Saan titira yang sina Barbara at yung jowa niya at magiging anak? E wala namang pamilya ‘yong lalaki,” tanong ni Barbie sa kaniyang ina.
“Eh di dito sa ‘tin, alangan namang isuka natin yang kapatid mo sa ganitong sitwasyon,” sagot ng kanilang ina.
“E t*nga kasi e! Pwede namang mag-jowa, pwedeng makipagtalik pero ba’t pa nagpabuntis? Dun pa sa walang mahihita! Ang hirap hirap na nga ng buhay natin e lalo pa niyang papahirapan. Hindi na talaga tayo aahon sa lusak nang dahil sa katangahan sa pag-ibig,” saad ni Becca, ang bunso at ang pinakamatigas ang puso sa tatlo.
Si Becca ay nasa 20 anyos lamang ngayon at nagtratrabaho bilang service crew sa isang fast food chain. Kahit pa siya ang nagkamali, kayang tiisin ni Becca ang mga kapatid maging ang nanay niya. Siya lang rin ang hindi nagpapakita ng luha o kahinaan sa pamilya. Sa tuwing may problema ang dalaga o ang kanilang pamilya ay palihim siyang gumagawa ng paraan para makatulong.
Hanggang sa nanganak na si Barbara. Isang babae muli at pinangalanan nila itong Elizabeth. Lumaki ang bata ng maayos at naninirahan sa iisang bubong ang buong mag-anak. Maliit lang ang bahay nila. Tanging kama lamang ang naghihiwalay sa mag-aswa at sa magkakapatid. Sa itaas ng double deck si Becca at Barbie, sa baba naman ang mag-asawang si Barbara at Joshua at sa isa pang kama na hinahatak, doon pwepwesto ang kanilang ina.
Noong una ay maayos pa ang pagsasama nila Barbara at Joshua ngunit lumipas lamang ang tatlong taon ay naghiwalay din ito dahil sa hindi pagkakaintindihan at madalas na pag-aaway. Ngayon si Barbara ang tanging bumubuhay sa bata at namasukan siyang tindera sa bakery shop sa kanilang kanto. Malapit lamang sa kanilang bahay para mabilis na mapupuntahan ng babae ang kaniyang anak.
Hanggang sa ang kapatid nilang si Barbie ang nabuntis. Nagulat sila dahil wala naman itong pinapakilalang nobyo pero kahit na ganoon ay malaki ang respeto nila sa kanilang ate kaya hindi na sila nagsalita pa. Lalo na’t doon din tumira ang lalaking si Danny.
“Mahal, ayaw mo ba sa amin? Tignan mo dito wala tayong privacy sama sama tayong lahat,” saad ng lalaki sa unang punta nito sa bahay ng dalaga.
“Hindi pwede mahal e. Ako lang ang inaasahan ng pamilyang ito, ‘pag umalis ako dito tapos titira ako sa inyo ay magiging dalawa pa ang obligasyon ko. Hindi naman pwedeng tumira ako sa inyo na hindi ako gumastos o mag-ambag man lang, kaya dito na lang tayo para masuportahan ko pa rin ang pamilya ko, panganay ako at hindi ko sila pwedeng pabayaan,” saad ng dalaga sa kanyang asawa.
Nanganak na rin si Barbie at kinakailangan nila ng kasambahay kaya naman inalok na lamang niya ang kapatid na si Barbara na tumigil na lamang sa pagtitindera at siya na lang ang magbantay sa anak nitong si Danilo.
“Kapatid, ako na lang magpapa-aral kay Elizabeth at ikaw na lang mag-alaga kay Danilo para mas tiwala tayong hindi sasaktan ang anak natin,” saad ni Barbie kay Barbara.
“Sige ate, at saka alam mo naman na mahal na mahal kita at ang laki ng utang na loob ko sayo dahil kung tutuusin e ikaw naman talaga ang bumubuhay sa ‘tin,” baling ni Barbara sabay yakap dito.
Hindi man nila kilala si Danny ngunit pinakisamahan nila ito ng maayos alang-alang sa kanilang ate. Hindi naman maasahang magbantay ng bata ang kanilang ina dahil nagtitinda ito ng mga lutong ulam at nilalako kaya halos wala ito lagi sa bahay.
Ilang taon ang lumipas, naging maayos naman ang pagsasama ng lahat. Si Becca ngayon ay ikakasal na sa foreigner nitong nobyo. Pauwi na rin ito ng Pilipinas kaya naman pinaghahanda na niya ang kaniyang mga kapatid dahil siya lamang sa tatlo ang unang ikakasal pag nagkataon.
Isang Sabado na day off ni Becca ay nagising siya sa sipa sa kanya ni Barbara habang umiiyak ito. Tinignan niya kung anong nangyayari, nakaluhod at nagmamaka-awa naman sa isang sulok ang kanilang bayaw na si Danny. Dali-dali siyang bumangon.
“Becca si Danny–” umiiyak at nanginginig na tinig ni Barbara.
“T**gina bakit ano ginawa sa ‘yo? Anong nangyayari?” matapang na sagot ni Becca.
“Si Danny, niyayaya ako makipagtalik sa kanya. Becca, si Danny matagal na akong minomolestya,” at bumagsak na ang mga luha nito sabay tago sa likod ng kanyang kapatid.
Tumayo si Becca sa harapan ng lalaki kahit pa alam ng dalaga na isang suntok lang sa kaniya nito ay tutumba siya. “T***ina mo, Danny! Totoo ba yun? P***ina ka! Sumagot ka totoo ba yun?!” matigas ngunit mahinang tanong ni Becca sa lalaki.
“Oo totoo, Becca. Wag mo akong isusumbong sa ate mo. Hindi naman natuloy e. Magka-away lang kami ng Ate Barbie mo kaya’t tigang na tigang na ako. Matagal ko ng gusto si Barbara pero pinipigilan ko naman. Kaya nga gusto ko nang umalis na lang dito kasi baka kung ano pa ang magawa ko. Sampalin mo na lang ako, saktan mo ako wag mo lang iparating ito sa kapatid mo! Hindi ko na ito uulitin!” paliwanag ni Danny habang nakaluhod kay Becca at umiiyak ito.
“Lumayas ka sa pamamahay namin bago kita mabura sa lupa, Danny.! Hindi kita sasaktan, hindi ko dudumihan ang malinis kong palad ng kababuyan mo! Mamili ka. Ikaw ang magsasabi sa ate ko? O ako ang magpapahuli sayo sa pulis?! T***ina mo mamili ka!” galit na galit si Becca nang bitiwan niya ang mga katagang iyon.
“Ako na lang ang magsasabi, Becca. Ako na, aalis na ako ngayon pupuntahan ko ang ate mo sa trabaho, sasabihin ko lahat, payakap lang muna ako sa anak kong si Danilo,” nagmamaka-awang saad ng lalaki sa kanya.
“Subukan mo lang hawakan ang mga pamangkin ko, hindi ako magdadalawang isip na saktan ka ngayon! Kahit makulong ako! May kalalagyan ka sa akin! Lumayas ka na habang kaya ko pang magpigil! Pag hindi ito nakarating sa kapatid ko ngayong araw, bukas asahan mo nasa selda ka na!” pahayag ni Becca sa lalaki habang nakaharang ang kaniyang mga braso sa kapatid at sa mga pamangkin.
Dali-daling lumayas si Danny at nalaman na nga ng kapatid niyang si Barbara ang lahat ng kababuyan ng lalaki kaya’t umuwi ito kaagad.
“Bakit hindi mo sinabi sa akin kaagad na ganon na pala ang ginagawa sa yo ni Danny ha, Barbara?! bakit!” umiiyak na tanong ni Barbie sa kanya.
“Ate, kasi alam ko na masisira ang pamilya niyo. Ayokong maranasan mo na walang ama yung anak mo. Kaya umiiwas ako, kahit na takot na takot ako sa tuwing dalawa lang kami dito parati ko na lang niyayakap ang mga bata at parati kaming nasa labas. Ate patawarin mo ako, malas ako sa pamilya na’to,” saad ni Barbara.
“Hindi ka malas at mas gugustuhin kong walang ama ang anak ko kaysa sa masira tayo. Kayo ang pamilya ko, mas mahalaga kayo sa akin kaysa sa l*tcheng manyak na lalaking iyon!” baling ni Barbie. Nag-iyakan ang magkapatid at nagyakap-yakap.
Sinugod ni Aling Bella ang lalaki at pinagsasampal ito sa galit ngunit mas pinili nilang hindi magsampa ng kaso. Nabuhay ang mag-anak na sila sila lang. Kinasal si Becca sa kanyang nobyo at nasa ibang bansa na ngayon. Nagpapadala ito ng suportang pinansyal para sa pamilya. Nag-iipon na rin ito upang makuha ang kanyang buong pamilya at doon na manirahan sa Canada.
Sabi nga nila, mas mahalaga at matimbang ang sarili nating kadugo kaysa sa mga nakakabihag ng ating puso.