
Sariling Kamag-anak ang Naninira sa Paslit Sapagkat Napakasinungaling Daw Nito; Nagsisi Sila nang Yumaman ang Estrangherong Tanging Nagtiwala sa Bata
“Tita Baby, pahiram ako ng 1k. Wala na kasi kaming pambili ng ulam at nangangayayat na si Junior dahil madalas kaming magtiis ng gutom,” pakiusap ni Myra sa tiyahin.
“Ano ba naman ‘yan Myra. May kanya-kanya tayong problema dito. Sa iba ka na lang umutang,” galit na tanggi ng tiyahin habang pinakatatago nito ang bente mil na kasalukuyang binibilang nang biglang dumating ang pobreng pamangkin.
Sa murang edad na 11 ay walang ginawa si Myra kundi mag-isip ng paraan upang magkapera. Alam niyang ayaw lang magpautang ng kaniyang tiyahin maski na kumita naman ito ng limpak-limpak sa pagbebenta ng mga gamit ng kaniyang yumaong ama nang walang paalam. Mabuti na lamang ay naitago niyang maigi ang isang kahong pinakaiingatan ng kaniyang tatay.
Akala ng tiyahin niya’y hindi niya alam na ang mga tinatagong antigong mga relo at kasangkapan ng kaniyang ama’y malaki ang katumbas na halaga kapag ibinenta. Wala nga lamang nagtitiwala sa kaniya dahil ilang beses na siyang gumawa ng kuwento upang may maipakain lamang sa mga kapatid at inang mahina na.
Naroong binenta niya ang mumurahing relong nabili sa palengke sa kaniyang pinsan sa halagang 500. Binida niya kasi na nasa 10,000 ang tunay na halaga noon. Dahil doon ay tumubo sya ng 450 sapagkat 50 pesos lamang talaga ang bili niya sa relong iyon. Galit na galit naman ang tiyuhin niyang si Mang Raul nang malaman ito at pilit na binabalik ang relo at pinasasauli ang 500 ngunit nangatwiran si Myra na ubos na ang perang iyon at pinambili niya na ng pagkain.
Tuwing pumupunta siya sa bahay ng mayamang kolektor ng antigo sa kanilang lugar upang ibenta ang mga pinakaiingatang gamit ng ama ay pinagbabawalan siyang pumasok nito sapagkat pinamalita na ng kaniyang mga tiyuhin at tiyahin na siya ay isang manloloko.
Bata pa lamang si Myra ay mahilig na siya sa mga antigong bagay. Namana niya ito sa kaniyang ama. Kung ang ibang bata ay naglalaro ng bahay-bahayan at mga manyika, ang libangan ni Myra ay pagbabasa ng mga libro tungkol sa mga sinaunang gamit at antigo.
Sa murang edad ay pinag-aralan niyang maigi kung ano ang mga bagay na maaari niyang kolektahin at ibenta nang mahal gaya ng mga lumang pera, lumang libro, at mga lumang NBA cards.
Sa makatuwid, si Myra ay isang batang biktima ng kahirapan. Gaya ng ibang mga bata ay nakakagawa ito ng kalokohan ngunit wala na ang kaniyang ama upang tulungan siyang tahakin ang tamang landas at ang ina naman niya’y unti-unti nang nawawala sa katinuan. Dahil sa kumakalam na sikmura’y nawili siyang dumiskarte upang maibsan ang gutom ng pobreng ina at kapatid.
“Hoy, manloloko! Bakit ka nandito sa kompyuter shop namin?” paninita ng batang si Julius.
“Boss, pagbigyan mo na ako. Birthday ko naman ngayon,” pagmamakaawa ni Myra.
“Akin na yong kinse pesos mo, pakita mong may pambayad ka! Kilala kita, manloloko ka!” sagot ni Julius.
“Ano ba naman ‘yan nak, huwag kang ganyan. Pasalamat ka nga at may tatay ka pa, hindi kagaya nitong si Myra. Nakakapanghinayang talaga itong batang ito. Matalino, maganda… Panginoon ko, gabayan po Ninyo itong batang ito pati ang nanay at kapatid niya,” sabad ng mabait na ina ni Julius na si Aling Matet.
Ito na nga lamang ang natatanging taong nagpapakita ng kabaitan kay Myra sa kanilang lugar.
“Sige, gift ko na sa iyo ‘yan. Mag-tatlong oras ka sa kompyuter o kaya kahit ilang oras mo gusto! Teka, kukuha ako ng kanin at ulam at sigurado akong hindi ka pa kumakain. Ipagbabalot ko na rin ang nanay mo at si Junior ng pagkain,” wika ni Aling Matet habang hinihimas ang ulo ng paslit na tila naluluha pa at halatang sabik makatikim ng malasakit at pagmamahal mula sa kapwa.
Napapailing na lamang si Aling Matet sa awa sa bata habang tinititigan nang masama ang anak na hindi natutuwa sa pakikitungo niya sa tinaguriang batang iskamer sa kanilang lugar.
Nagulat si Myra nang makita ang kaniyang Tita Baby na papasok ng kompyuter shop. May hawak pa itong ispageti, manok, at keyk.
“Magugunaw na ba ang mundo o sadyang nag-iba lang ang ihip ng hangin?” bulong ni Myra sa sarili.
“Happy birthday sa makulit kong pamangkin! Naku, pahalik nga! Maligo ka rin minsan, ang asim asim mo. Dalagita ka na nga, pinuputok ka na!” wika ng kaniyang Tita Baby habang tila nilalambing siya at kinikiliti sa tagiliran.
Hindi pa nakakasagot si Myra ngunit nanlaki ang mga mata niya sa sumunod na pahayag ng tiyahin.
“Beh, sabi ni Junior nasa iyo raw ang mga iba pang antigong gamit ng tatay mo. Akin na beh, ibenta natin. Wala namang bibili sa iyo niyan dahil nga talamak kang manloloko sa lugar natin. Bibilhan kita ng tawas at ipamimili ko kayo sa grocery para may pangkain kayo ng ilang araw. Tara na. Kunin natin sa bahay ninyo,” malapad ang ngiting hirit ng tiyahing mukhang pera.
Rumolyo naman ang mata ni Aling Matet sa narinig ngunit ayaw naman nitong makialam sapagkat bagong salta lamang sila sa lugar na iyon at kabubukas lamang ng kanilang kompyuter shop. Alam niyang tanod ang asawa ni Baby at mahirap itong kalabanin.
“‘Pag inggit, pikit…” parinig ni Baby sa pag-rolyo ng mga mata ng mabait na kapitbahay.
Agad namang tumakbo si Myra pauwi ng bahay at pagdating ay may bitbit itong malaking plastic bag.
Inabot kaagad ng bata ang supot sa tiyahin at nagtatatalon pa sa tuwa.
“Kailan po tayo magggrocery, Tita Baby? Excited na ako!”
“Ako na lang. Bawal kasi ang may putok doon e. Ipapadala ko na lang sa bahay ninyo. O s’ya sige, akin na tong cake ha. Dinala ko lang para may mahipan ka naman ngayong birthday mo. Kumuha ka na ng isang manok at sumandok ka na ng ispageti, iuuwi ko yong iba,” nakangising saad ni Baby habang yakap-yakap ang malaking supot.
Hindi na nakatiis si Aling Matet at napasigaw sa awa kay Myra.
“Ikaw ang tunay na manloloko at hindi itong bata! Wala kang puso, naturingan kang kapatid ng tatay niya!”
“Okay lang po. Sabi naman po ng tatay ko, ibigay ko ‘yan kay Tita Baby ‘pag nawala siya. Mga lumang litrato lang po nila iyan nong bata pa sila,” nakangiting wika ni Myra.
“Ito po para sa inyo, Aling Matet. Napakabait niyo po kasi sa akin.”
Pagbukas ng butihing ginang ng maliit at lumang kahon ay nanlaki ang mga mata nito.
Nagwawala naman sa galit ang Tita Baby niya kaya’t napilitang lumabas ang asawa ni Aling Matet kasabay ng humahagulgol na si Julius. Isa pala itong pulis.
“Gusto mo bang maging kagaya niyang si Aling Baby na matapobre at mukhang pera?! Sige manghamak ka pa ng kapwa mo! Hindi ka namin pinalaki para maging ganyan kawalanghiya!” wika ni Mang Fred na tila sinadya pang lalong lakasan ang boses. Ngayon lamang nila ito nakitang nakasuot ng uniporme kaya’t nagmamadaling umalis na si Aling Baby at ibinato na lamang ang tangang supot na wala palang halaga ang laman.
Mga lumang alahas na may bato at mga lumang baryang gawa sa ginto at pilak pala ang laman ng kahong pinakaiingatan ni Myra.
Dahil hindi mapanlamang ang mag-asawang Matet at Fred ay tinulungan nila ang pobreng si Myra na ibenta ang mga iyon. Muntik nang masamid sa sarili nilang laway ang mag-asawa nang malaman ang halaga ng mga laman ng pinakaiingatang kahon ng bata. Milyones pala iyon!
Simula noon ay nagbago ang buhay ni Myra, Junior at ng kaniyang ina. Sa gabay ng butihing mag-asawa ay nailagak niya ang nakuhang pera sa bangko at ginamit iyon sa kaniyang pag-aaral.
Hindi man magkasundo noong umpisa’y naging matalik na kaibigan at parang kapatid na niya si Julius.
Ngayon ay nakapagtapos na si Myra ng kolehiyo at may iba’t-ibang negosyo gaya ng alahasan, sanglaan, at computer shops na pinapatakbo naman ng mag-asawang Matet at Fred. Naipagamot na rin niya ang kaniyang ina na tumutulong na rin sa kaniyang mga alahasan at sanglaan. Si Junior naman ay sunod ang layaw sa kaniyang ate.
Sa kabilang banda’y inatake naman sa puso at paralisado na ang kaniyang Tita Baby at napag-alamang matagal na pala itong niloloko ng asawa niyang babaero. Ang tindi talagang humagupit ng karma, ano?