
Tinalikdan ng OFW ang Pagpapadala ng Pera sa Matatandang Magulang para Makisosyo sa Isang Negosyo; Mauuwi Ito sa Pagsisisi
Halos hindi akalain na isang domestic helper ang OFW na si Therese sa kaniyang porma noong gabing iyon. Papunta kasi siya sa party ng isang kaibigan na dadaluhan din ng ibang kapwa nila Pilipino. Dahil ayaw magpahuli nitong si Therese ay isinuot niya ang pinakamaganda at pinakamagara niyang damit.
Bago makarating sa party ay nag-ring ang kaniyang telepono. Tiningnan niya agad kung sino ang tumatawag. Walang iba kung hindi ang kaniyang ina sa Pilipinas.
“Anak, kumusta ka? Ano’ng ginagawa mo ngayon? Tumawag lang ako dahil gusto kong magpasalamat sa ipinadala mo sa amin ng tatay mo. Nakuha na namin kanina,” wika ng inang si Maricel.
“Sige po, ‘nay! Pagkasyahin n’yo na po ‘yan, ha! Sa susunod na buwan na lang po ako magpapadala. Wala nang tatawag sa akin na may kulang pa,” tugon naman ni Therese.
“Naku, awa ng Diyos, anak, sakto naman sa amin ng tatay mo ang pinapadala mo. Ang gusto kasi namin ng tatay mo ay makaipon ka. Kaya huwag mo kaming masyadong alalahanin. O sige na, anak. Lagi kang mag-iingat diyan, a. Tumawag ka palagi sa amin ng tatay mo at miss na miss ka na namin. Samahan ka lagi ng Panginoon sa mga gagawin mo,” saad muli ni Aling Maricel.
Nag-iisang anak itong si Therese ng kaniyang mga magulang. Dahil sa hirap ng buhay ay hindi na siya nakatungtong pa ng kolehiyo. Kung anu-anong trabaho na ang pinasok ni Therese hanggang sa nakapagdesisyon siyang umalis ng bansa para maging isang domestic helper.
Sampung libo ang kaniyang pinapadala sa kaniyang mga magulang sa loob ng isang buwan. At ang natitira sa kaniyang sahod ay ginagamit ni Therese sa kaniyang pang araw-araw na gastusin. O hindi naman kaya ay kung mayroon siyang nais na bilhin sa kaniyang sarili. Kahit mariing na bilin ng kaniyang ina na mag-impok siya ay hindi niya ito magawa.
Pagdating ni Therese sa nasabing party ay sinalubong agad siya ng kaniyang mga kaibigan.
“Aba’y napakaganda talaga nitong si Therese! Wala talaga sa itsura mo ang maging isang domestic helper. Para ka kasing isang modelo!” saad ng kaibigang si Lilia.
“Ikaw naman nambola ka pa! Humahanap lang talaga ako ng mas magandang trabaho tapos at iiwan ko na ang pagiging domestic helper ko. Gusto ko nga sa isang salon. Mas malaki raw ang kita do’n tapos palagi ka pang maganda!” sambit ni Therese.
“Alam mo kung kailangan mo ng iba pang pagkakakitaan, ipapakilala kita sa kaibigan ko. Tiyak akong magkakasundo kayo kasi magugustuhan mo ang negosyo niya! Nagtitinda siya ng mga mamahaling bag. ‘Yung mga bag na ginagamit ng mga sikat na artista at modelo. Malaki ang tutubuin mo ro’n! Lalo na at napakaganda mo, babagay sa iyo ang mga bag,” pahayag pa ni Lilia.
Agad na ipinakilala ni Lilia si Therese sa kaibigang si Samantha.
“Ito nga pala si Samantha. Siya ‘yung sinasabi ko sa’yong nagnenegosyo ng mga mamahaling bag. Malaki ang kinikita niya lalo na sa Pilipinas. Hindi ba, Samantha?” saad pa ni Lilia.
“Kung interesado ka talaga ay p’wede mong tingnan ang mga bag na ibinebenta ko saka ang mga transaksyon ko. Hinding hindi ka mabibigo dahil orihinal ang lahat ng binebenta ko. Pero hindi kasing mahal tulad sa iba. Tiyak na kikita ka! Isa itong bag na ito sa mga binebenta ko. Ang ganda ‘di ba? Sinong mag-aakala na magkakaroon ako nito!” pangungumbinsi ni Samantha.
Dahil matagal nang nais ni Therese na makaramdam ng ginhawa sa buhay ay pinatulan niya kaagad ang alok ng bagong kaibigan. Kahit na wala siyang alam sa mga orihinal na bag ay sinunggaban niya agad ang oportunidad. Tiwala kasi siyang hindi naman siya lolokohin ng kaniyang kaibigang si Lilia.
Sa una ay bumili muna si Therese ng bag kay Samantha sa halagang tatlumpung libong piso.
“Kumusta ang pakiramdam ng may mamahaling bag, Therese? Hindi ba nakakagaan sa pakiramdam? Parang nawawala ang lahat ng hirap mo dito sa ibang bansa. Tataas pa ang tingin sa iyo ng mga tao. Hindi kasi lahat ay kayang bumili ng mamahaling bag tulad niyan,” saad ni Samantha sa dalaga.
“Kaya nga hindi na ako nagdalawang-isip pa. Matagal ko na ring inaasam na maranasan ‘yung ganito. Regalo ko na rin sa sarili ko,” wika naman ni Therese.
Hindi maintindihan ni Therese ang kaniyang gagawin dahil sa sobrang kaligayahan. Sa tuwing may lakad sila ng mga kaibigan ay ginagamit niya ang bag at marami ang napapatingin sa kaniya. Napatunayan niyang tumataas talaga ang tingin ng iba dahil sa panlabas na kasuotan ng mga tao.
Dahil dito ay bumili siyang muli ng bag kay Therese. Sa pagkakataong ito ay mas mahal na.
“Bakit hindi ka magbenta ng bag para mas marami kang pambili? Mag-invest ka sa akin ng pera at ako na ang bahala. Ibibigay ko rin sa’yo ng mas mura ang ilang bag para kumita ka,” alok ni Samantha.
Nasilaw muli si Therese sa alok ni Samantha. Dahil alam niyang mapagkakatiwalaan naman ito ay agad siyang sumugal. Ibinigay ni Therese kay Samantha ang lahat ng kaniyang ipon para pagulungin sa negosyo.
Dahilan ito para hindi muna makapagpadala si Therese sa kaniyang ina.
“Ayos lang naman sa akin, anak, na hindi ka makapagpadala. Nangangamba lang ako kung ayos ka lang ba diyan. Baka nagkakaroon ka ng problema, anak, magsabi ka lang sa amin ng tatay mo,” saad ni Aling Maricel.
“Wala naman, ‘nay! Basta sa ngayon ay unawain n’yo muna ako. Gumagawa po ako ng paraan nang sa gayon ay hindi na tayo maghirap pa. Huwag n’yo muna po akong kulitin dahil kayo rin naman ang makikinabang kapag umunlad na ang buhay ko,” sambit ni Therese.
“Nag-aalala lang kami sa iyo ng tatay mo, anak. Basta lagi kang mag-iingat at pag-isipan mo ang bawat desisyon mo sa buhay,” muling saad ng ina.“Matanda na po ako, ‘nay. Kaya ko na po ang sarili ko,” saad pa ng dalaga.
Dahil malaking pera ang inilabas ni Therese ay nagpursige rin siyang mag-alok ng mga bag upang dumami ang kanilang kliyente ni Samantha. Nakakabenta naman siya at may bumabalik din sa kaniyang pera. Pero ini-invest niya itong muli kay Samantha upang mapalago. Inggit na inggit kasi siya sa buhay ng bagong kaibigan.
Ngunit isang araw ay biglang hindi na lamang nagparamdam itong si Samantha. Nag-aalala na itong si Therese. Kabang kaba siya dahil hindi na niya ito mahagilap pa. Naapektuhan na ang trabaho ni Therese dahil palagi niyang iniisip ang pera niya na naka-invest kay Samantha.
Hinanap ni Therese si Samantha kay Lilia. Nagbabakasakali siyang nakita ito ng kaniyang kaibigan. Ngunit nabigla siya sa sinagot nito.
“Hindi mo ba nabalitaan, Lilia? Nagtatago na si Samantha. May nakapagsumbong kasi sa mga awtoridad na hindi pala orihinal ang mga binebenta nitong bag. Nagsisisi nga ako at ipinakilala ko siya sa iyo. Buti na lang at isang bag lang ang binili mo sa kaniya,” sambit ni Lilia.
Halos gumuho ang mundo ni Therese nang sabihin ito ng kaibigan.
“Sa totoo lang ay hindi lang isang bag ang binili ko, Lilia. Tinangay niya rin ang lahat ng ipon ko dahil nakisosyo ako sa kaniya sa negosyo! Nagtiwala ako sa kaniya masyado!” umiiyak na sambit ni Therese.
Maging si Lilia ay nagulat sa bilis ng pagtitiwala ni Therese kay Samantha. Wala naman kasing nag-akala na manloloko pala si Samantha.
Hindi pa dito natapos ang kamalasan ni Therese dahil palaging hindi na siya makapagtrabaho ng maayos ay pinalayas na rin siya ng kaniyang amo. Walang ibang magawa si Therese kung hindi bumalik ng bansa na wala man lang ni singko sa bulsa.
Ngunit masaya pa siyang sinalubong ng kaniyang mga magulang sa airport. Napaluha siya nang yakapin siya ng kaniyang nanay at tatay.
“Kung ano man ang nangyari sa iyo, anak, ay kalimutan mo na. Narito ka na sa amin ng tatay mo. Maaari ka namang magsimula muli,” pahayag ni Aling Maricel.
Pag-uwi ng mag-anak sa kanilang bahay ay labis ang pagtataka ni Therese nang makita ang ibang bahay na nakatirik sa lupang dati nilang tinitirhan.
“Naibenta n’yo na po ba ang lupa natin, ‘nay? Saan na po ba tayo nakatira? Pasensya na kayo kung hindi po ako nakapagpadala ng pera. Dapat po ay nakinig na lang ako sa inyo,” umiiyak na sambit ni Therese.
“Anak, hindi. Bahay natin ‘yan! Unti-unti kaming nakaipon ng tatay mo dahil sa mga ipinadala mo. Namuhunan kasi kami ng tatay mo sa manukan at babuyan. Sa awa ng Diyos ay lumago kaya nakapagpundar ng bahay. Tapos ay nagbukas pa kami ng isang sari-sari store. Kaya ‘yung mga pinapadala mo ay itinabi na lang namin para na rin sa iyo,” paliwanag ng ina.
Napayakap na lang si Therese dahil sa ginawang ito ng kaniyang mga magulang. Hindi niya akalain na ganito pala ang ginawa ng mga ito. Dahil sa labis na pagmamahal ng mag-asawa sa kanilang anak ay sinigurado na nila na anu’t ano man ang mangyari ay may magandang buhay na naghihintay kay Therese sa pag-uwi nito sa Pilipinas.
Muling bumangon si Therese. Patuloy pa rin ang paghahanap niya kay Samantha upang maibalik ang perang kaniyang inipon at masampahan ito ng kaso. Ngunit habang hinihintay niya ang pagkakataong ito ay tinulungan na lamang niya ang kaniyang mga magulang na lalo pang palaguin ang mga negosyong nasimulan ng mga ito.