
Ipinagkatiwala ng Ginoo ang mga Dyamanteng Natagpuan sa Isang Kapitbahay; Hindi Niya Akalaing Lolokohin Siya Nito
Patang-pata na ang katawan ni Mario mula sa pagsisid sa dagat ngunit wala pa rin siyang naiuwing kita para sa panggastos ng kaniyang asawa at tatlong mga anak. Habang pauwi ng kanilang bahay ay iniisip na agad ng ginoo kung kanino na naman siya mangungutang ng pambili ng bigas.
Pag-uwi ni Mario ay sinalubong agad siya ng kaniyang asawa.
“Kumusta ang pagsisid mo ngayon, mahal? Nakakita ka ba ng mga perlas?” tanong ng asawang si Salve.
“Pasensya ka na, mahal. Inalat na naman ako ngayong araw. Pero may uwi naman akong isda para may ulam tayo ngayon. Hindi lang ako pinautang sa tindahan ng bigas. Mahaba na raw ang listahan natin, e,” tugon naman ni Mario.
“Ayos lang dahil nakapagsaing na ako. May ipinatahi kasi sa akin kanina si Manang Biray. Kumita ako ng singkwenta pesos kaya binili ko na agad ng bigas. Akin na ang mga isda. Iluluto ko na nang makakain na tayo,” saad muli ng ginang.
Habang tinitingnan ni Mario ang kaniyang pamilya ay hindi niya maiwasan na makaramdam ng awa sa mga ito.
“Mahal, sa tingin ko ay hindi talaga sapat ang pagiging maninisid ko. Baka kailangan ko na talagang maghanap ng ibang trabaho,” saad ni Mario sa asawa.
“Saan ka naman hahanap ng trabaho, Mario? Mahirap kung malalayo ka sa amin ng mga anak mo,” tugon naman ni Salve.
“Iniisip kong lumuwas ng Maynila at makipagsapalaran. Kaso naisip ko rin na maraming tao nga roon na wala ring trabaho kahit may pinag-aralan na. Ako pa kayang ikalawang baitang lang sa elementarya ang natapos. Nag-aalala kasi ako dahil sa susunod na taon ay mag-aaral na ang mga bata. Hindi ako makakapayag na hindi makapag-aral ang mga anak natin,” sambit muli ng ginoo.
“Hayaan mo at may-awa ang Diyos, mahal ko. Nakikita naman niya ang pagsisikap mo. Kung ako naman ang tatanungin ay gusto ko na rin na humanap ka ng ibang trabaho dahil delikado ang ginagawa mong pagsisid. Mabuti na lang at hindi tayo pinapabayaan ng Panginoon,” dagdag pa ng ginang.
Bilang haligi ng tahanan ay labis ang lungkot na nararamdaman ni Mario dahil hindi man lamang niya mabigyan ng maayos na buhay ang kaniyang pamilya. Nang gabing iyon ay hindi siya makatulog sa pag-iisip ng paraan para makapag-uwi siya ng malaking kita sa pamilya.
Hindi pa pumuputok ang araw ay nagtungo na sa dagat itong si Mario. Sa pampang ay nakita niya ang kapitbahay na si Pilo. May-ari ito ng isa sa kaunting bangkang de motor sa kanilang isla.
“Mario, magsasagwan ka pa rin papunta sa gitna ng dagat? Aba’y baka wala ka nang abutang liwanag. Tara na at sumakay na lang dito sa bangka ko,” paanyaya ng ginoo.
“Hindi na bale, Pilo. Kaya ko na ito. Maraming salamat sa alok mo,” wika naman ni Mario.
“Ikaw ang bahala. Aalis na ako nang makarami ng huli!” muling sambit ni Pilo.
Habang nagsasagwan patungo sa gitna ng dagat ay patuloy na iniisip ni Mario kung paano niya mabibigyan ng magandang buhay ang kaniyang pamilya.
Nang makarating sa nais na pwesto ay agad siyang naghanda para sa kaniyang pagsisid. Sa gitna ng bawat pagsisid ay nangunguha rin ng isda itong si Mario para siguraduhin na may makakain ang kaniyang pamilya.
Maghahapon na at huling sisid na ni Mario sa araw na iyon. Ni isang perlas ay wala siyang makita. Nawawalan na siya ng pag-asa hanggang sa nakakita siya ng isang maliit na tila lalagyanan na nakaipit sa mga korales.
Umahon si Mario papunta sa kaniyang bangka upang tingnan ang laman nito. Nagulat siya nang makita ang ilang piraso ng nagkikinangang mga dyamante!
“Diyos ko, tunay kaya ang mga ito? Kung tunay man ay ito na ang sagot sa lahat ng dalangin ko!” saad ni Mario.
Agad siyang nagsagwan pauwi ng bahay. Sa pampang ay muli niyang nakita ang kaibigang si Pilo.
“Pilo, may alam ka ba sa mga alahas at bato? May nakita kasi ako sa dagat. Hindi ko alam kung tunay ang mga ito,” pabulong na wika ni Mario.
Nagulat din si Pilo nang makita niya ang mga dyamante.
“Ano naman ang ginagawa ng mga dyamanteng iyan sa ilalim ng dagat? Kung gusto mong malaman na totoo yan ay kailangan nating dalhin sa alahero,” saad naman ng kapitbahay.
“Sige, ipapakita ko lang muna ito kay Salve. Sana ay huwag munang makalabas ito, Pilo. Sa ating dalawa lang,” paalala ni Mario.
Pag-uwi ni Mario ay agad nitong pinakita kay Salve ang mga dyamenteng kaniyang nakita. Maging si Salve ay hindi makapaniwala na nakatagpo ng mga dyamante si Mario sa ilalim ng dagat.
“Kung tunay man ang mga ‘yan ay sigurado akong malaki ang halaga niyan. May iba ka na bang pinagsabihan ng tungkol dito, Mario?” tanong ni Salve.
“Kay Pareng Pilo lang. Siya lang naman kasi ang maalam dito sa isla. Ang sabi niya ay ipasuri raw natin. Magtatanong nga ako sa kaniya kung may kilala siyang alahero,” wika ng mister.
“Sa tingin ko ay kailangan nating lumapit na lang sa mga kamag-anak natin, Mario. Hindi naman sa wala akong tiwala kay Pilo. Mabuti na ‘yong sigurado,” saad muli ni Salve.
Ngunit hindi pinakinggan ni Mario ang asawa. Patuloy pa rin ang pakikipag-usap ni Mario sa kapitbahay tungkol sa mga nakuhang dyamante.
“Alam mo, pupunta ako sa Maynila sa susunod na Linggo. Baka gusto mong ipapadala na sa akin ang mga dyamante para maipasuri ko. Bilangin mo muna nang maigi. Baka kasi isipin mo na lolokohin kita. Wala akong ibang hangad kung hindi makatulong sa pamilya mo, Mario. Kung tunay man ang mga ‘yan ay maiaahon talaga kayo niyan sa hirap,” saad ni Pilo sa ginoo.
“Alam ko namang hindi mo kami lolokohin, pare. Sige, sa isang Linggo ay kunin mo ang mga dyamante. Kapag totoo ang mga dyamante ay ibenta mo na. Pinapangako ko sa iyo na hindi ka mawawalan,” sambit naman ni Mario.
Nang malaman ni Salve ang planong ito ng asawa ay labis ang pagtutol nito.
“Dapat ay sumama ka sa Maynila, Mario! Bakit basta mo na lang ipagkakatiwala ang mga dyamante kay Pilo? Baka mamaya ay pag-interesan pa niya ‘yan!” saad ni Salve sa asawa.
“Hindi gano’ng tao si Pilo. Saka huwag ka ngang nag-iisip ng masama sa kapwa mo. Gusto lang makatulong ng tao sa atin. Saka ano naman ang malay ko sa pagpunta sa Maynila at sa pakikipag-usap sa mga tao roon? Baka mamaya ay makagulo lang ako. Hayaan mo na si Pilo at alam niya ang gagawin niya,” paliwanag naman ni Mario.
Batid ni Salve na buo na ang pasya ng kaniyang asawa.
Makalipas ang isang linggo ay muling nakipagkita si Mario kay Pilo upang ibigay sa ginoo ang dyamante.
“Tulad ng pinag-usapan natin, Pilo. Ikaw na ang bahala. Ibenta mo na kung tunay ang mga ‘yan. Pangako na babahagian kita,” sambit ni Mario.
At nagtungo na nga si Pilo sa Maynila dala ang mga dyamante ni Mario.
Buong araw na hindi mapakali si Mario. Gusto na kasi siyang malaman kung tunay ang mga dyamante. Hindi na siya makapaghintay na umuwi si Pilo na may dalang malaking halaga.
Kinabukasan ng madaling araw ay matiyagang naghintay si Mario sa pag-uwi ng kapitbahay. Ngunit umabot na ng tanghali ay wala pa ito. Hanggang sa tuluyan nang mag-hatinggabi ay hindi pa rin umuuwi si Pilo.
Pinuntahan ni Mario si Pilo sa kaniyang bahay ngunit sarado ito. Maging ang pamilya nito ay wala sa bahay.
Isang kapitbahay ang nakapansin kay Mario.
“H-hinahanap mo ba si Pilo? Aba’y hindi na siya nakatira riyan. Ang balita namin ay sa Maynila na raw maninirahan kasama ang pamilya niya. Umalis na nga sila at dala na ang lahat ng gamit. Ipinagbili na rin kasi nila ang bahay at lupang iyan!” saad ng ginang.
Nanlamig ang buong katawan ni Mario sa kaniyang narinig. Halos hindi na niya maihakbang ang kaniyang mga tuhod papalayo sa bahay ni Pilo. Nanlulumo siyang umuwi sa kanilang bahay.
Nang makita ni Salve ang nag-aalalang mukha ni Mario ay agad niya itong nilapitan.
“Kumusta? Nagkita na ba kayo ni Pilo? Ano raw ang nangyari?” sunud-sunod na tanong ni Salve sa asawa.
“W-wala. Wala na raw sina Pilo at ang pamilya niya. Pinagbili na ang bahay at lupa nila at saka lumipat na sa Maynila. Tinangay ng walang hiyang iyon ang mga dyamante ko!” naghihinagpis na saad ni Mario.
“Bakit kasi hindi pa ako nakinig sa’yo? Bakit nagtiwala pa rin ako sa kaniya?! Bakit kasi ang bobo ko at hindi man lang ako naghinala sa kaniya kahit kaunti? Sayang at iyon na sana ang paraan para mabigyan ko kayo ng magandang buhay,” pagtangis muli ng ginoo.
Niyakap ni Salve ang kaniyang asawa.
“Mario, tumahan ka na sa pag-iyak at may ipapakita ako sa’yo,” saad ni Salve.
Pumasok sa kanilang silid itong si Salve. Paglabas ay may dala itong isang maliit na kahon.
Nang buksan ni Mario ang maliit na kahon ay nagulat siya nang makita niya ang mga dyamante.
“Nagpunta ako sa bayan para palitan ang mga dyamante sa sisidlan nito. Malakas kasi ang kutob ko na lolokohin ka lang ni Pilo. Pero alam ko rin na hindi ka makikinig sa akin. Kaya nagawa kong pagpalitin ang mga dyamante,” paliwanag ni Salve.
Napayakap nang mahigpit si Mario sa kaniyang asawa. Labis ang pasalamat niya sa ginang dahil sa ginawa nito. Isang kamag-anak din ang nagbigay sa kanila ng suhestiyon sa kung saan maipapasuri ang mga dyamante.
Kinabukasan ay dinala na ng mag-asawa ang dyamante sa isang alahero. Doon nga ay napatunayan na tunay ang mga ito at nagkakahalaga ng limpak-limpak na salapi.
Nang maibenta ng mag-asawa ang mga dyamante ay agad silang bumili ng malaking lupain at nagpatayo ng isang magandang bahay at resort.
“Mabuti na lamang at pinakinggan mo ang kutob mo, mahal. Kung hindi ay tulad pa rin tayo ng dati. Marahil hanggang ngayon ay hindi natin alam kung saan tayo kukuha man lang ng pambili natin ng bigas. Kaya maraming salamat sa iyo, Salve,” saad ni Mario sa asawa.
“Huwag ka sa akin magpasalamat. Ipagpasalamat natin sa Diyos ang lahat ng pagbabagong ito sa ating buhay dahil Siya naman talaga ang dahilan ng lahat ng ito. Gamitin na lang natin sa maganda ang biyayang binigay Niya sa atin,” saad naman ng ginang.
Doon na nagsimula ang magandang buhay ng pamilya ni Mario.
Samantalang si Pilo naman ay labis na napahiya noong ipinasuri ang mga dyamante. Lubos siyang napahiya sa kaniyang desisyon na iwan na ang isla upang manirahan sa Maynila at isinama pang agad ang kaniyang buong pamilya. Ngayon ay labis silang naghihirap ng kaniyang pamilya dahil pareho silang walang hanapbuhay ng kaniyang asawa roon sa Maynila. Higit sa lahat ay wala nang babalikan ang kaniyang pamilya sa isla dahil sa panlolokong ginawa niya sa kaawa-awang kapitbahay.