Inday TrendingInday Trending
Nalulong sa Sugal sa Online ang Isang OFW; Nais Niyang Tuldukan na Sana ang Kaniyang Buhay

Nalulong sa Sugal sa Online ang Isang OFW; Nais Niyang Tuldukan na Sana ang Kaniyang Buhay

“Ronnie, tumawag sa tatay mo ang bangko. Naaprubahan na raw ang application natin para makapag-loan ng pera. Mabibili mo na ang bahay na inaasam mo!” masayang bungad ng inang si Edith sa kaniyang anak na OFW.

“‘Nay, bahay na inaasam natin. Bibilhin ko po ang bahay na iyan dahil alam kong matagal ninyo na pong pinapangarap na magkaroon ng sariling bahay. Tutal maganda naman po ang sahod ko rito sa ibang bansa bilang isang inhinyero ay tutuparin ko na po ang pangarap na ‘yan! Ako na po ang bahala na makipag-usap sa bangko, ‘nay. Ilang araw na lang po ang hihintayin niyo at makakalipat na rin po kayo sa wakas sa bago nating bahay!” galak na tugon naman ni Ronnie.

Labis kasi ang pasasalamat ni Ronnie sa kaniyang mga magulang. Kahit matatanda na ang mga ito ay ginawa ng mag-asawa ang lahat para mapagtapos ang tatlong mga anak ng pag-aaral. Pagtitinda sa palengke ang ikinabubuhay ng mag-asawa. Ngayong may trabaho na ang kanilang mga anak ay bumabawi ang mga ito sa pagmamahal na kanilang ibinigay.

Dahil si Ronnie ang may pinakamalaking kinikita bilang isang inhinyero sa ibang bansa ay siya ang nais magregalo sa kaniyang mga magulang ng bahay at lupa. Ipinangako kasi niya ito sa mga magulang noong nag-aaral pa lang siya. Masaya siyang matutupad niya ang pangarap na ito habang nabubuhay pa ang kaniyang nanay at tatay.

Tulad ng ipinangako ni Ronnie ay nakalipat na agad ng bagong bahay ang kaniyang mga magulang.

“Anak, ang laki naman nitong bahay na kinuha mo. Baka mahirapan kang bayaran ito,” pag-aalala ni Aling Edith.

“Huwag n’yo na pong isipin ‘yan, ‘nay. Sinabi ko na pong ako na ang bahala sa lahat. Saka diyan din naman ako titira habang wala pa akong pamilya. Isa pa, kailangan niyo talaga ng malaking bahay dahil ‘pag nagsama-sama kaming mga anak niyo at apo ay komportable ang lahat at hindi tayo nagsisiksikan,” paliwanag pa ni Ronnie.

Labis ang pasasalamat ng mag-asawa sa kanilang anak. Samantalang, si Ronnie naman ay lalong pinag-igihan ang kaniyang trabaho para lalo siyang makaipon.

“Ronnie, balita ko ay nakabili ka na raw ng bahay sa ‘Pinas, a. Ibang klase ka talaga!” saad ng kasamahang si Oliver.

“Naku, hinuhulugan ko pa ang bahay na iyon! Kaya nga ito, doble-kayod ako. Ayoko kasing madismaya ang mga magulang ko,” tugon naman ni Ronnie.

“Kaya nga! Puro ka na lang trabaho, minsan naman ay sumama ka sa amin ng tropa. Mamaya ay may inuman sa bahay nila Richard. Tara at sumama ka sa amin kahit sandali lang,” paanyaya ng kasamahan.

“Hindi na, Oliver. Hindi na rin kasi ako umiinom. Saka marami pa akong dapat tapusin na trabaho. Saka na lang!” pagtanggi naman ng ginoo.

“Lagi mo na lang kaming tinatanggihan, pare. Sa susunod ay baka mapahiya na naman ako sa’yo!” saad muli ni Oliver.

“Pangako, pare, sa susunod ay sasama na ako,” nakangiting tugon ni Ronnie.

Nang sumunod na araw ay inanyayahan muli ni Oliver itong si Ronnie dahil nga nakapangako na ay hindi na siya makatanggi pa.

“Sasaglit lang ako, pare, a. Nahihiya ako at hindi naman ako umiinom talaga,” wika ni Ronnie.

“Ayos lang, pare. Mainam na rin ‘yung may dibersyon ka. Kasi kapag puro trabaho ang iniisip mo dito sa ibang bansa ay baka makulta ang utak mo,” sambit naman ni Oliver.

Habang nag-iinuman ay nagtataka si Ronnie sa pinapanood ng mga kasamahan sa kanilang selpon.

“Ano ba ‘yan at parang tuwang-tuwa kayo?” pagtataka ng ginoo.

Nang makita niya ay magkahalong gulat at pagkamangha ang naramdaman niya na nagsasabong ang mga kaibigan.

“Totoo bang sugal ‘yan? May taya kayo ngayon?” pagtataka ni Ronnie.

“Oo, pare. Tumama nga itong si Richard nang malaki. Kung gusto mo ay subukan mo lang kahit paunti-unti. Basta huwag kang malululong, a. Pampalipas oras lang!” sambit ni Oliver.

Upang pagbigyan ang mga kasamahan ay sinubukan din ni Ronnie ang pagtaya sa online na sugal. Tuwang tuwa si Ronnie dahil hindi niya akalain na magti-triple ang kaniyang pera sa ilang minuto lang.

Umuwi si Ronnie nang gabing iyon na malaki ang panalo.

“Kung tuloy-tuloy pala ang pagkapanalo ko ay mabilis kong mababayaran ang bahay. Bukas nga ay makataya ulit. Paiikutin ko na lang ang perang napanalunan ko nang hindi mabawasan ang ipon ko,” saad ni Ronnie sa sarili.

Dahil kumpyansa naman si Ronnie sa kaniyang sarili na hindi siya malululong sa naturang sugal ay tumaya siyang muli kinabukasan.

Natalo ng unang round ngunit nakabawi rin ng sumunod. Natapos ang gabi niya nang malaki muli ang kaniyang panalo. Kaya kinabukasan ay muli niya itong sinubukan.

Tila unti-unti nang nahuhumaling si Ronnie sa pagsusugal dahil sa sunud-sunod na panalo.

Hanggang isang araw ay nakaranas siya ng pagkatalo. Halos kalahati ng lahat ng kaniyang naipanalo ay nawala na lang nang bigla.

“Ayos lang, hindi ko naman pera ‘yun!” saad ni Ronnie.

Ngunit nang sumunod na araw ay sinubukan muli niya ang kaniyang swerte sa pag-asang makakabawi siya ngunit lalong natalo ang lahat ng kaniyang panalo simula noong una.

Dahil dito ay nais niyang makabawi. Kumuha siya ng kaunti sa kaniyang ipon. Tulad ng normal na nangyayari sa sugal ay minsan nananalo at natatalo itong si Ronnie. Hanggang sa hindi na niya namalayan na sa kakahangad niyang makabawi ay naubos na niya ang lahat ng kaniyang ipon.

Doon na siya nagsimulang mangutang para may maipadala sa Pilipinas pambayad ng bahay.

Nagkapatung-patong na mga utang ni Ronnie at hindi na siya makabayad pa sa ilang kasamahang inutangan niya. Maging ang perang inutang niya para ipambayad ng bahay na kaniyang nakuha ay naitaya na rin sa sugal sa pag-aasam na lumago ito.

Dahil nahihiya sa nangyari sa kaniya ay mas pinili na lang ni Ronnie na huwag nang pumasok sa trabaho at magkulong na lang sa tinutuluyan niyang bahay. Nalugmok sa depresyon itong si Ronnie dahil alam niyang malaking pagkabigo ito para sa kaniyang mga magulang.

Nang hindi na matawagan itong si Ronnie ng kaniyang mga magulang at kapatid ay labis ang kanilang pag-aalala. Nais na sanang tuldukan ni Ronnie ang kaniyang buhay ng mga sandaling iyon nang makatanggap siya ng sunud-sunod na mensahe mula sa kaniyang mga magulang.

Kaya naman nagpasya si Ronnie na tawagan ang mga ito. At doon na nga bumaha ang kaniyang mga luha. Inilahad niya sa kaniyang mga magulang ang tunay na nangyari sa kaniya.

“Anak, aanhin namin ang bahay kung mawawalan naman kami ng isang anak? Kaya naming tumira sa maliit na bahay basta alam naming uuwi ka. Huwag mo na kaming isipin ng tatay mo. Ayos lang kami kahit saan mo kami ilagay. Basta masigurado lang namin na ayos kayong magkakapatid,” umiiyak na sambi ni Aling Edith sa anak.

Nang malaman ng mga kapatid ni Ronnie ang nangyari ay nagtulong-tulong ang mga ito upang makabayad ang kapatid sa kaniyang pagkakautang. Sa madilim na bahaging iyon ng buhay ni Ronnie ay sinigurado ng kaniyang pamilya na mayroon siyang masasandalan. Hindi na kailangan pang ibenta ang bahay na kanilang tinitirhan.

Dahil sa pagmamahal at pang-unawa ng kaniyang pamilya ay pilit na bumangon si Ronnie. Hindi na siya muli pang bumalik sa pagsusugal. Napagtanto niyang walang magandang maidudulot talaga ang pagsusugal. Lalo lamang nitong palalalain ang iyong mga problema.

Muling bumalik si Ronnie sa kaniyang trabaho. Nagdesisyon siya na simula sa araw na iyon ay aayusin na niya ang kaniyang buhay para sa kaniyang sarili at sa pamilyang nagmamahal sa kaniya.

Advertisement