Sa Loob ng Walong Taon ay sa Anak na OFW Umaasa ang Buong Pamilya; Sino na ang Susuporta sa Kanila Ngayong Nagkasakit Ito?

Sa Loob ng Walong Taon ay sa Anak na OFW Umaasa ang Buong Pamilya; Sino na ang Susuporta sa Kanila Ngayong Nagkasakit Ito?

InspiringStoriesSuccess

Walong taon ding nagtrabaho si Ernie sa ibang bansa bilang isang OFW. Mula nang mabiyuda ang kaniyang ina ay siya na ang pumalit sa obligasyon ng kaniyang namayapang ama. Iyon din ang dahilan kaya nakapagdesisyon siyang magtrabaho sa ibang bansa.

Walang trabaho ang nanay niya. Mayroon siyang limang kapatid na siya na rin ang nagpaaral. Ang isa nang nakapagtapos ay agad na nag-asawa, ang isa naman ay mas piniling tumambay sa bahay at paraket-raket lang ang ginagawa. Ang tatlo naman ay patuloy pa rin na nag-aaral. Halos walang matira sa sahod niya dahil pinapadala niya agad iyon sa ‘Pinas, ‘di baleng siya ang mawalan, basta mayroon ang kaniyang pamliya.

“Ernie, siguro’y kailangan mo munang umuwi sa ‘Pinas upang doon magpagaling d’yan sa sakit mo,” ani Joseph, ang manager ng restawrant na kaniyang pinagtatrabahuan.

“P-pero paano naman po ang pamilya ko, sir?” mangiyak-ngiyak na sambit ni Ernie.

Tatlong buwan na rin ang nakakalipas mula noong hindi na nakakapasok nang maayos si Ernie dahil sa sakit niyang diabetes. Dahan-dahang nanlabo ang paningin niya, hanggang nitong nakaraang linggo lamang ay tuluyan na siyang walang makita.

“Siguro naman sa ngayon, Ernie, sila naman ang dapat na pumalit sa pwesto mo,” malungkot na saad ni Joseph. “May malaking pera kang babaunin sa iyong pag-uwi bilang bayad ng kumpanya sa tagal nang ibinigay mong serbisyo at iyong cash fund na naiwan ay ibibigay rin namin sa’yo, Ernie,” dugtong nito.

Sapat na ang babauning pera upang maipagamot siya. Kaso ay alam ni Ernie na makukuhanan niya ang perang iyon kapag nanghingi ang kaniyang pamilya.

“Sa ngayon ay sarili mo muna ang isipin mo, Ernie,” ani Joseph. “Sa loob ng walong taon, wala ka nang ibang inisip kung ‘di ang pamilya mo, ang mga kailangan nila. Kinalimutan mo na ang sarili mo. Kung maaari lang naman kaibigan, sa ngayon ikaw naman ang magpahinga at sila naman ang kumayod,” mahabang wika nito sabay tapik sa kaniyang balikat.

Bilang usapan ay hindi pinaalam ni Ernie na may baon siyang malaking pera. Pinalabas ni Joesph na ang tanging pera ni Ernie ay ang naipon lamang nitong pera sa loob ng walong taon na pagta-trabaho at hindi iyon sapat upang maipagamot ang lalaki. Dahil halos lahat naman ng sahod nito ay sa ‘Pinas napupunta— sa pamilya nito.

Iyak nang iyak ang mama niya nang malaman ang kalagayan ni Ernie. Ang mga kapatid naman niya’y nag-alala, kung saan sila kukuha ng perang maipanggagamot sa panganay na kapatid. Si Ernie ang inaasahan ng lahat kaya hindi sila sanay na ngayon ay si Ernie ang nangangailangan ng tulong nila.

Makalipas ang tatlong Linggo ay nasa Manila International Airport na si Ernie, may kasama itong kasamahan sa trabaho na magbabakasyon dito sa ‘Pinas, dahil hindi na talaga nakakakita si Ernie, hindi na pwede rito ang walang umaalalay.

Nahirapan ang lahat na alagaan si Ernie. Hindi nila alam kung ano ang kahihinatnan bukas, gayong nandito na sa bahay nila ang breadwinner nilang lahat noon. Wala na silang aasahan ngayon kung ‘di ang mga sarili nila.

“Erwan, bukas magsimula ka nang maghanap ng trabaho!” singhal ni Bebe, ang ina ng tahanan. “Hindi mo ba nakikita ang kalagayan ngayon ng kuya mo? Ano pang aasahan natin gayong may sakit na siya? Kaya tama na ang pagiging tambay, simulan mo nang kumayod sa buhay!” anito.

Halata sa boses ng ina ang labis na pag-aalala— hindi para sa kalusugan niya kung ‘di sa mga bayarin na mahihirapan na silang mabayaran ngayong wala na siyang trabaho.

“Ikaw naman Elise, wala na tayong maipangbabayad d’yan sa pag-aaral mo. Kaya mas maigi pa na huminto ka muna sa pag-aaral at magsimula na ring magtabaho para makatulong ka sa gastusin rito sa bahay,” anang ina. “Kung ayaw mo namang tumigil sa pag-aaral ay mag-working student ka. May mga sarili na kayong isip, alam niyo kung gaano kahirap ang buhay lalo na ngayong wala nang trabaho ang Kuya Ernie niyo at may sakit pa,” humihikbing wika nito.

Totoong napilay ang pamilya nila mula noong nagkasakit siya at nawalan ng trabaho. Natutukso na rin siyang sabihin sa pamilya na may malaki siyang pera na nakatago sa banko, ngunit palagi niyang naaalala ang payo noon ni Joseph. Kailangan niyang titiisin ang kaniyang pamilya nang matuto na ang mga ito na tumayo sa sarili nilang mga paa.

Tumigil si Elise sa pag-aaral upang magtrabaho na lang, habang si Emma naman ay nag-working student para lang hindi mahinto sa pag-aaral. Ang bunso na lang na si Elsa ang nagpatuloy sa pag-aaral dahil nasa hayskul pa lang naman ito. Ang tamad niyang kapatid na si Erwan ay may trabaho na rin. Ang kaniyang ina na noon ay naghihintay lamang ng kaniyang ipapadalang pera, ngayon ay nagtitinda na ng kakanin at pangmeryenda.

Sa palagay ni Ernie ay may mabuti ring naidulot ang nangyari sa kaniya. Ang noong mga umaasa lang sa kaniya, ngayon ay nagsi-trabaho na upang mabuhay at makatulong sa pamilya.

Nakasanayan ng lahat na bilang isang panganay, dapat pasan mo ang lahat ng obligasyon. Natural na sa isang panganay ang magbigay nang hindi naghahangad ng kapalit. Para sa isang panganay, hindi na bago ang salitang “breadwinner” dahil alam nila na ipinanganak sila sa mundo upang pasanin ang obligasyon na iyon.

Pero mali pala ang gano’ng klaseng kaisipan. Dapat sa isang pamilya’y walang tinatawag na breadwinner, dahil lahat kayo ay dapat kumayod at magtulong-tulong at hindi iyong nakaasa lamang sa isang tao.

Malaking leksyon ang napagtanto ni Ernie sa nangyaring ito. Nalulungkot man siya dahil kinailangan ng mga kapatid niyang kumayod at magtrabaho, sa kabilang banda ay masaya siya sa nangyari. Kung hindi siya nagkasakit ay baka hanggang ngayon, wala pa ring balak si Erwan na magbanat ng buto, at baka hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ng padala mula sa kaniya ang kaniyang ina. Ang mga kapatid naman niya’y hindi pinapahalagahan ang importansya ng pag-aaral noon dahil nandiyan naman siyang taga-bayad ng matrikula, ngunit ngayon ay tutok na tutok na ang mga ito sa pag-aaral dahil sila na nga ang nagbabayad sa kanilang pag-aaral.

Makalipas ang tatlong buwan na pagpapagamot ni Ernie, unti-unti nang bumabalik ang kaniyang paningin. Ngunit hindi pa rin siya pinayagan ng mga doktor na magtrabaho. Ayon sa mga ito ay magpahinga na muna siya ng isang taong mahigit bago bumalik sa trabaho. Kaya sa ngayon ay wala muna siyang ibang aasahan kung ‘di ang kaniyang pamilya.

Pinili pa rin niyang itago at huwag ipaalam ang nakatagong pera. Balang araw ay may paggagamitan siya roon.

“Maraming salamat sa inyo ah,” kausap niya sa ina at sa mga kapatid. “Kasi alam kong nahihirapan na kayo, pero hindi niyo ako sinusukuan,” mangiyak-ngiyak niyang sambit.

“Hindi mo rin naman kami sinukuan noon, kuya,” ani Elise.

“Kung noon ikaw ang kumakayod para sa’min, ngayon ay oras naman namin upang gumanti sa kabutihan mo noon, kuya,” segunda ni Erwan.

“Pasensya ka na anak, kung saka lang namin naisip kumilos noong hindi mo na kayang kumilos. Hayaan mo, anak, babawi kaming lahat sa’yo. Hindi na namin iaasa sa’yo ang lahat. Magpagaling ka lang, anak,” humihikbing wika ni Bebe.

Hindi mapigilan ni Ernie na yakapin ang mga ito. Salamat at hindi pa huli ang lahat para sa kanila. Kung hindi pa siya nagkasakit nang malala ay hindi pa kikilos ang buo niyang pamilya upang tulungan siya.

Huwag na nating paabutin sa ganitong sitwasyon upang matuto tayong kumilos at huwag umasa sa iisang tao sa pamilya natin. Hindi sa lahat ng oras ay may taong tutulong sa’tin. Kaya simulan mo nang kumayod at tumayo sa sarili mong mga paa.

More Stories