Inday TrendingInday Trending
Dilat ang Matang Umalis ang Asawa Upang Magpagamot Ngunit Nakapikit na Itong Nakauwi; Ang Ospital Ba ang May Pananagutan sa Nangyari?

Dilat ang Matang Umalis ang Asawa Upang Magpagamot Ngunit Nakapikit na Itong Nakauwi; Ang Ospital Ba ang May Pananagutan sa Nangyari?

“Papa, baka kailangan na nating dalhin si mama sa ospital. Ilang araw na iyang lagnat niyang pabalik-balik at gano’n na rin iyang ubo’t sipon niya na hanggang ngayon ay hindi pa rin gumagaling,” nag-aalalang sambit ni Sanya, ang panganay na anak nina Jose at Delhia.

“Pero hindi ba’t delikado ngayon sa ospital, Sanya? Baka mas lalong lumala ang sakit ng mama mo roon,” puno ng pag-aalalang wika ni Jose, habang nakatingin sa asawang hanggang ngayon ay may lagnat pa.

“Pero kung mananatili pa rin dito ang mama, baka mas delikado na po, papa,” ani Sanya, nilingon ang inang panay ang ubo. “Hindi ume-epekto sa kaniya ang mga gamot na iniinom niya.”

Nagdadalawang-isip pa rin si Jose kung tatanggapin ba niya ang suhestyon ng anak o hindi. Ngunit tama naman si Sanya, medyo malala na nga ang lagay ni Delhia at baka hindi na gamot sa bahay ang kailangan nito, baka doktor na ang kailangan ng asawa. Kaya pikit-mata siyang pumayag sa sinabi ni Sanya na dalhin ang asawa sa ospital upang masuri ito nang maayos.

“Magpapagaling lang naman ako roon, Jose,” nakangiting wika ni Delhia. Nagagawa pa rin nitong ngumiti kahit na sobrang sama ng pakiramdam.

Tumango si Jose at manipis na ngumiti. “Magpalakas ka, Delhia, ah. Nangako kang magpapakasal pa tayo ulit sa 50th wedding anniversary nating dalawa. Kaya magpagaling ka roon,” mahigpit na bili niya sa asawa.

Muling ngumiti si Delhia at humalik pa sa asawa bago tuluyang pumanhik sa loob ng sasakyan. Pagkaalis ng sasakyan ay walang ibang ginawa si Jose kung ‘di ang manalangin sa Diyos Ama na sana ay gabayan Nito at pagalingin ang kaniyang asawa.

Ngunit makalipas ang limang araw ay isang masamang balita na ang bumungad sa kanilang lahat.

“Papa,” humihibing wika ni Sanya. “W-wala na si mama,” anito saka humagulhol ng iyak.

Halos ayaw pumasok sa sistema ni Jose ang sinabi ng kaniyang anak. Wala na si Delhia? P@tay na ang kaniyang asawa?

“Papa…”

Muling tawag ni Sanya sa kaniya habang humahagulhol ng iyak. Ang iba niyang mga anak ay nag-iiyakan na rin dahil sa masamang balita. Pero si Jose ay nanatiling nakatulala at iniisip na baka natutulog lamang siya at nananaginip.

Kinabukasan ay nasa bahay na nila ang labí ni Delhia. Hindi makapaniwala si Jose na ang asawang noon ay naglalakad pa patungo sa kotse na maghahatid rito sa ospital, ngayon ay buhat-buhat na ng apat na kalalakihan sa loob ng kabaong. Ang noong nakangiti at dilat na dilat nitong mga mata, ngayon ay mariin nang nakapikit.

Saka pa lamang nag-unahang umagos ang luha sa mga mata ni Jose nang makita mismo ang labí ng asawa.

“Akala ko ba sabi mo, magpapagaling ka lang sa ospital?” kausap niya sa kabaong ng asawa. “Sabi ko naman sa’yo na magpagaling at magpakalakas ka ‘di ba? Sabi ko sa 50th anniversary natin, magpapakasal pa tayo ulit,” aniya habang umiiyak. “Ang daya mo naman, Delhia. Akala ko uuwi ka ritong nakangiti at masigla. Pero bakit naman ganyan? Bakit nand’yan ka na sa loob at nakapikit,” tangis niya.

“Papa,” alo ni Albert ang pangalawang anak.

Nag-iyakan na rin ang mga bisita dahil sa nakikitang lungkot ni Mang Jose.

“Sino pa ang makakasama ko sa pagtulog? Sino ang maghihilot sa’kin kapag masakit ang likod ko? Sino na ang magagalit sa’kin? Sino na ang hahalik sa’kin sa gabi ngayong wala ka na,” tumatangis na kausap niya sa labí ng asawa. “Isama mo na lang ako, Delhia.”

“Pa,” sabay-sabay na wika ng lima niyang anak at ngali-ngaling lumapit sa pwesto niya upang yakapin siya nang mahigpit.

“Huwag naman,” ani Sanya. “Hindi pa nga namin natatanggap ang pagkawala ni mama, gusto mo na agad kaming iwanan. Huwag naman, pa,” nakikiusap niyang dugtong.

Masakit sa anak ang mawalan ng magulang, pero mas masakit sa isang asawa ang maiwan ng minamahal. Hindi alam ni Jose kung paano sisimulan ang bukas na hindi na niya naririnig ang boses ng asawa pati na ang presensya nito sa bahay nila. Hindi niya alam kung paano sasanayin ang sariling wala na ito.

Makalipas ang limang araw na lamay ay inilibing na rin ang labí ni Aleng Delhia. Pagkatapos ng libing ay saka nila napag-usapan ang totoong nangyari, kung bakit umabot sa puntong hindi na nakayanan ni Aleng Delhia ang sakit.

Pagkarating sa ospital sa araw na iyon ay nag-request ang mga ito ng swab test at napag-alaman na nagpositibo sa COVID-19 si Delhia, na sa awa ng Diyos noong sila ang nag-test ay lahat naman sila’y nag-negatibo. Ngunit imbes na asikasuhin agad ang pasyente ay hindi na ulit nabigyan ng pansin si Aleng Delhia dahil mas inuna ang nasa kritikal na kondisyon. Kinabukasan pa naasikaso ng mga doktor ang ina nila, malala na ito at nahihirapan nang huminga.

Kaya galit na galit si Sanya sa ospital, at sa mga trabahante ng naturang ospital na iyon. Nais nitong sampahan ng kaso ang ospital upang turuan ng leksyon sa pagpapabaya nito sa kanilang ina.

“Huwag na, Sanya,” mahinahon at tila nahahapong sambit ni Mang Jose. “Hindi rin naman ginusto ng mga doktor na pabayaan ang mama niyo, sadyang nasa kalagitnaan tayo ngayon ng pandemya at marami ang mas nangangailangan ng medikal na pag-aalaga. Kaya nga ayoko sanang ipadala si mama niyo sa ospital. Ang kaso’y nag-aalala na rin ako kasi bakit hindi man lang bumababa ang lagnat niya, kahit kung anu-ano na ang ginawa natin at kahit ilang beses na siyang pinainom ng gamot.”

“Pero, ‘pa, may kasalanan din sila!” pilit ni Sanya.

“Kung meron man ay patawarin na lamang natin sila, Sanya, at huwag nang palakihin ang isyu,” sagot ni Mang Jose. “Hindi na rin naman maibabalik ang buhay ng mama niyo kung kakasuhan natin sila. At gaya nga ng sinabi ko, nasa kalagitnaan tayo ngayon ng pandemya. Hindi lang tayo ang nangailangan sa kanila noong panahon na iyon. Tanggapin na lang natin na hanggang doon na lang talaga ang buhay ng mama niyo,” humihikbi na namang sambit ni Mang Jose.

Muli na namang nag-iyakan ang kaniyang limang mga anak sa kaniyang sinabi. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nila matanggap na wala na ang ilaw ng kanilang tahanan.

“Kahit masakit, hayaan na lang nating maghilom ang lahat sa puso natin. Hanggang doon na lang talaga ang plano ng Diyos sa buhay ng mama niyo,” dugtong niya.

Katulad sa nais ng mga anak niya’y gusto rin ni Mang Jose na sampahan ng kaso ang ospital kung totoo mang may kapabayaan ang mga ito. Pero sa mga ganitong panahon… mas pinalawig na lamang ng lalaki ang kaniyang pang-unawa dahil alam niyang ginawa rin ng mga medical frontliners ang lahat ng kanilang makakaya upang maisalba ang lahat ng mga taong isinusugod sa mga ospital.

Marami ang apektado sa pandemyang ito. Kahit masakit ay pipilitin na lamang niyang tanggapin na nasa piling na ng Panginoon si Delhia at alam niyang balang araw ay magkikita rin silang muli. Ngayon ay magpapakatatag na lamang siya para sa mga anak nila ng pinakamamahal niyang asawa.

Advertisement