
Naaalala Lamang Siya ng Pamilya sa Tuwing Darating na ang Sahod Niya; Laking Pasasalamat Niya nang Masira ang Kaniyang Selpon
“Anak, sa akinse ah, magpadala ka kasi kailangan na kailangan ko iyon para sa bagong kabinet na bibilhin ko, para naman kahit papaano, ‘nak, maganda-ganda na ang bahay natin,” anang ina sa kabilang linya.
Nagpakawala muna ng malalim na buntong hininga si Harry bago sinagot ang ina sa kabilang linya. “S-sige po, ma.”
Akinse na bukas, kaya inaasahan na niyang tatawag ang kaniyang mama sa kaniya. Sa susunod na tawag naman nito’y sa katapusan na.
“Wala kang absent ngayon, ‘di ba, ‘nak? So bente mil ulit ang sasahurin mo?” anito.
“Opo, ma,” sagot niya.
“Basta, ‘nak ah, sa’min ang kinse,” anang ina saka nagpakawala ng mahinang tawa. “Sige ‘nak tatawag na lang ulit ako bukas. Labyu ‘nak,” anito saka ibinaba ang tawag.
Saglit munang tinitigan ni Harry ang hawak na selpon saka muling bumuntong-hininga at ipinasok ito sa bulsa. Nakwenta na naman ulit ng mama niya ang sahod niya at diretso ang kinse mil na roon na naman mapupunta. Bayaran pa naman ng kuryente at tubig— kukulangin na naman siya sa pagkain niya nito.
“Harry, pahiram muna ako ng selpon mo. Maglalaro lang ako,” ani Laura, ang kaibigan niya sa trabaho.
Dinukot niya sa bulsa ang selpon at agad na iniabot dito. Nagpatuloy siya sa trabaho at doon na lamang ipinokus ang inis na nararamdaman. May gusto sana siyang bilhin na damit, dahil lumang-luma na at paulit-ulit na lang ang damit na suot niya. Kaso paano pa niya mabibili iyon gayong halos wala nang matitira sa kaniya?
Wala rin naman siyang balak mangutang, kasi alam naman niyang wala siyang maipambabayad. Kwentado na ng ina ang sahod niya, hindi pa man dumadating ang sahuran.
“Harry!” eksaheradang tawag ni Laura sa kaniya.
Si Laura ang pinakamalapit sa kaniya sa lahat ng babaeng kasama dahil hindi ito maarte at hindi rin ito babaeng-babae.
“Ano?”
“Harry, sorry talaga. Nalaglag ko ang selpon mo at nabasag. Grabe, sorry! Harry, hindi ko talaga alam paanong nangyaring nabasag siya nang gano’n,” anito.
Kinakabahan at namumutlang sambit ni Laura habang nagpapaliwanag. Alam niyang hiyang-hiya ang kaibigan sa ginawa nito sa selpon niya. Ngunit imbes na magalit sa babae, natuwa pa siya sa nangyari. Imbes na singhalan ito ay niyakap niya pa ito at pinasalamatan.
“Huh? Bakit?” takang tanong ni Laura.
“Kasi binigyan mo ako ng dahilan upang hindi na ako kontakin ng pamilya ko,” nakangiting wika ni Harry.
“Ano?” anito. Mas lalong naguluhan.
Kinabukasan, pagkatanggap ng sahod ay agad niyang ipinadala sa ina ang kinse mil, naiwan ang singko mil na siyang kaniyang pagkakasyahin hanggang sa darating na sahod ulit. Babawasan niya pa iyon ng pambayad sa kuryente at tubig. Napapaisip tuloy siya kung magkano na lamang talaga ang matitira sa kaniya.
Nag-chat siya sa kapatid at sinabing naipadala na niya ang pera saka ipinaliwanag ang nangyari sa selpon niya, kaya hindi na siya matatawagan ng mga ito. Ang totoo’y dahilan na lamang niya iyon. Nagsasawa na kasi siya na sa tuwing katorse ay tatawag ang ina at ipapaalala na kailangan niyang magpadala at kwentado na nito ang ipapadala niya. Kinabukasan kapag naipadala na niya’y wala na siyang maririnig sa mga ito, maski pasasalamat man lang. Muli lamang magpaparamdam ang pamilya kapag nalalapit na ulit ang pagsahod niya.
Kung tutuusin ay kaya naman niyang ipaayos ang selpon na iyon ngunit mas pinili niyang huwag na. Mag-cha-chat na lang siya kapag nakapagpadala na siya. Mas maigi iyon, sa gano’n ay siya na ang magkukwenta kung magkano lang ang maipapadala niya.
“Seryoso ka, Harry? Wala ka na talagang balak na ipaayos ang nasira mong cellphone?” tanong ni Laura. “Ako naman ang magbabayad, friend, kasi ako naman ang nakasira e.”
“Seryoso ako, Laura. Mas payapa ang buhay ko ngayong wala na akong selpon,” sagot niya. “Noon kasi, kapag tutunog na ang selpon ko at kapag ang nakita kong ang pangalan ng tumatawag ay si mama, alam ko na agad ang sadya niya— pera,” mapait siyang ngumiti. “Tapos kapag alam nilang naipadala ko na ang pera, hindi na ulit sila tatawag. Hindi man lang nila ako pinapasalamatan, kaya mas okay na iyang wala akong hawak na pwede nila akong makausap agad-agad. Magpapadala pa rin naman ako dahil obligasyon ko naman iyon, pero sa ngayon iyong ipapadala ko, kasama nang naka-budget pati sarili ko. Hindi iyong sila lang palagi, ta’s ako ang naghihirap,” mahaba niyang wika.
“Sabagay may punto ka naman d’yan at naiintindihan kita,” ani Laura. “Basta kung gusto mo nang ipaayos ang selpon mo, sabihan mo ako, kasi ako ang magbabayad,” anito, na tinanguan lang ni Harry.
Gaya ng gustong mangyari ni Harry ay hindi nga niya nakausap ang ina sa araw ng katorse. Kinabukasan ay nagpadala siya ng walong libong piso, ang sobra ay para sa kaniya. Pambayad ng bahay at ang sobra naman ay kaniyang iipunin. Magcha-chat lang siya na naipadala na niya ang pera at hindi na niya alam kung ano ang sagot ng mga ito.
Para kay Harry ay hindi naman niya masasabing isa siyang masamang anak. Hindi naman siguro masama kung uunahin niya na sa ngayong isipin ang sarili niya. Hindi naman siya nagkulang sa pamilya niya kahit hindi na siya nakakausap ng mga ito. Nakakapagpadala pa rin naman siya, pero iyong kaya lamang niya at hindi sobra-sobra sa puntong gipit at nagugutom siya.
Tayong mga magulang, huwag nating iasa ang lahat sa ating mga anak. May sariling mga buhay rin sila at may mga sariling obligasyon na dapat punan.