Inday TrendingInday Trending
Lumabis ang Yabang ng Lalaking Ito Nang Siya’y Makaangat sa Buhay; ‘Di niya Akalaing Muli pala Siyang Babagsak

Lumabis ang Yabang ng Lalaking Ito Nang Siya’y Makaangat sa Buhay; ‘Di niya Akalaing Muli pala Siyang Babagsak

“Aba, Kuya Louie, ang gara mo nang manamit ngayon, ah!”

Napangisi si Louie nang marinig ang papuring iyon ng kaniyang pinsan nang dumating siya sa Christmas Reunion ng kanilang angkan. “Aba, siyempre! Ganiyan talaga kapag bigtime na,” taas noo at mabang namang sagot niya.

“Bago ba ’yong motor mo? Ang gara, ah! Mukhang mamahalin!” sabi pa ng isa na lalong nakapagpangisi kay Louie.

“Mahal talaga ’yan. Sa katunayan ay hindi mo kakayaning bumili ng ganiyan kahit na habambuhay ka pang mag-ipon mula sa pagko-construction,” aniya pa.

Agad na nawala ang ngiti sa labi ng kaniyang mga kausap. “Ang yabang naman nito!” halos sabay pa nilang bulalas.

“Oo nga! Nakapag-asawa ka lang nang mayaman, e, ganiyan ka na! Hindi ka naman ganiyan umasta noon, a?!” may himig ng galit na anang kaniyang pinsang si Nonoy.

“Noon ’yon. Iba na ako ngayon. Bigtime na ako kaya wala kayong karapatang pagsalitaan ako nang ganiyan dahil kayang-kaya ko na kayong bayaran ngayon!” anya pa na tila lalong inaasar ang kaniyang mga pinsan.

Ang totoo ay wala naman silang ginagawang masama sa kaniya. Gusto lang talagang magmayabang ni Louie sa mga ito, lalo na kay Nonoy, kung saan siya madalas maikumpara ng kaniyang mga tita at mga magulang noon, dahil hindi hamak na mas matalino at mas masipag daw ito sa kaniya.

Matagal ding kinimkim ni Louie ang kaniyang inis sa pinsang ito, kaya naman ngayong nakahanap na siya ng pagkakataon ay ginamit na niya ito upang ipakitang mas nakatataas siya sa kanila.

Mula nang makapangasawa siya ng isang mayaman ngunit may edad nang babae ay nagbago na ang kaniyang buhay. Nagsimulang umangat ang kaniyang estado, ngunit kasabay n’on ay ang pagbabago rin ng kaniyang ugali.

Naging napakayabang ng lalaki. Halos hindi na siya mapantayan ng sinuman sa taas ng tingin niya sa kaniyang sarili, gayong hindi naman niya pinaghirapan ang kaniyang pamumuhay ngayon. Nang umalis siya sa venue ng kanilang reunion ay napailing na lamang ang mga kaanak niyang nakasaksi sa kaniyang ugali.

Nagpatuloy ang ganoong pag-uugali ni Louie sa kaniyang mga kaanak hanggang sa halos hindi na siya kausapin ng mga ito. Noong una ay ayos lamang kay Louie, dahil para sa kaniya ay wala naman silang halaga… ngunit isang hindi inaasahang pagkakataon ang biglang dumating sa buhay nila ng kaniyang asawa.

Biglang na-diagnose sa isang sakit ang kaniyang misis. Halos hindi naman alam ni Louie ang kaniyang gagawin sa sobrang pag-aalala, hindi dahil mahal niya ang babae kundi dahil hindi pa nito naipapasa sa kaniyang pangalan ang lahat ng mga ari-arian nito!

Mas nag-aalala si Louie na baka hindi niya makuha ang pera nito sa oras na mawala ito kaysa sa ikapapahamak ng kaniyang asawa. Lingid sa kaniyang kaalaman ay alam na iyon ng kaniyang misis kaya naman agad nitong ipinatawag ang kaniyang abogado upang iwanan ang lahat ng kaniyang mga ari-arian sa kaniyang mga kaanak at hindi kay Louie.

Nang pumanaw ang misis ni Louie ay ganoon na lamang ang kaniyang pagkabigla nang malamang wala ni isa mang ipinamana ito sa kaniya! Lubog na lubog si Louie dahil maski ni isang kusing ay wala naman itong iniwan sa kaniyang pangalan.

Hindi alam ni Louie kung saan siya pupulutin nang mga sandaling iyon. Mabuti na lamang at ang kaniyang mamahaling motorsiklo ay hindi na kinuha pa ng misis sa kaniya, ganoon din ang ilang perang naipon niya sa bangko galing sa mga ibinibigay nito sa kaniya. Nagpasiya siyang ipag-umpisa ng negosyo ang mga iyon ngunit talaga yatang matindi ang karmang dumapo sa kaniya simula nang sumakabilang buhay ang kaniyang misis. Bawat negosyo kasing kaniyang sinubukan ay nalulugi lamang at hindi nagkakaroon ng pagkakataong lumago dahil na rin siguro sa kawalan niya ng kaalaman sa kaniyang ginagawa.

Naubos ang kaniyang ipon. Bukod doon ay nagkabaon-baon din siya sa utang. Wala na siyang mukhang maiharap sa kaniyang mga kaanak ngunit sinubukan niya pa ring humingi ng tulong sa kanila.

“Baka naman maaari n’yo akong tulungang makapag-umpisa ulit?” pagpapakumbaba niya sa mga taong noon ay nilalait niya.

“Oh, hindi ba at mataas ka na? Ano at nanghihingi ka ng tulong ngayon sa mga mabababang katulad namin?” tanging tugon naman ng mga ito na tatawa-tawa sa kaniya.

Sa huli ay hindi nila siya tinulungan bilang leksyon sa kaniyang kayabangan.

Kapag dumating ang panahon na tayo ay nasa itaas, matutong panatilihin ang mga paa na nakatapak sa lupa, dahil anumang oras ay maaari kang bumulusok paibaba.

Advertisement