Pinigilan Niyang Makiigib sa Kanilang Poso ang mga Batang Anak ng Kanilang Kapitbahay; Nganga Siya nang Suwertehin pa ang mga Ito!
“Huwag na huwag na kayong makikiigib dito sa amin, ha? Mga istorbo kayo, e! Ayaw n’yong magpatayo ng sarili n’yong poso!” hiyaw ni Aling Pasita sa tatlong batang anak ng kaniyang mga kapitbahay. Paano’y ang aga-aga pa’y nangangatok na ang mga ito upang makiigib sa kanilang pagmamay-aring poso. “Hindi na nga kayo nagbabayad dito katulad ng iba, nang-iistorbo pa kayo!”
Mahirap kasing kumuha ng malinis na tubig sa kanilang probinsya dahil malayo pa ang sapa na siyang nagsisilbi nilang igiban ng tubig, bukod sa matarik pa ang daang papunta roon. Kaya naman nagtitiis na lamang sila, sampu ng kanilang mga kapitbahay kahit na may bayad na limang piso kada balde ang pag-iigib nila rito.
Kaya lang, nitong mga nagdaang araw ay hindi na nakapagbabayad ang mga bata dahil ilang araw nang walang kita ang kanilang ama. Iyon ang ikinapikon nang todo ni Aling Pasita.
Malungkot namang napayukod ang mga bata at nanlulumong nagsibalik sa kanilang bahay. “Napakadamot talaga n’yang si Aling Pasita. Makikiigib lang naman, e,” may inis sa tinig na anang panganay na anak nina Mang Ponse at Aling Sioning na isa sa pinalayas ni Aling Pasing kanina.
“Naku, anak, huwag ka ngang nag-iisip nang ganiyan. Kanila naman ’yong poso kaya may karapatan silang huwag tayong paigibin doon. Hayaan n’yo’t sasabihin ko na lamang sa itay n’yo na baka maaari siyang maghukay din ng balon dito sa ating bakuran katuad ng ginawa ng inyong Tito Atong doon sa kanila,” pangangaral naman ni Aling Sioning sa kaniyang anak na isang buntong hininga lamang naman ang itinugon.
Agad naman nilang ipinaalam sa kanilang ama ang tungkol sa paghuhukay ng balon. Sumang-ayon naman ito kaya naman nangako ang tatlong bata na tutulong na lang sa ama para mas mapadali ang kanilang trabaho.
Ilang araw nang naghuhukay ang mag-anak sa kanilang bakuran, ngunit wala pa rin silang nakikitang tubig na lumalabas. Ganoon pa man ay nagtiyaga pa rin ang mag-anak na makahanap ng puwestong may tubig sa ilalim nang sa ganoon ay hindi na nila kailanganin pang tumawid sa matarik na daan para lang matunton ang sapang igiban.
“Itay! Itay!” tinawag ng batang lalaking si Totoy ang kaniyang ama. Titig na titig siya sa makikinang na butil na nakita niya sa ilalim ng lupa habang siya ay nag-aasarol. “Tingnan n’yo po itong mga bato, ang gaganda, oh! Baka po p’wede nating i-disenyo sa balon!” dagdag pa ni Totoy na halatang hindi batid ang kaniyang natagpuan.
“S-sandali—ginto ito, ah!” nanlalaki ang mga matang bulalas ni Mang Ponse. Dati siyang nagtrabaho sa minahan noong araw kaya naman hindi siya maaaring magkamali… ginto nga ang mga batong nahukay ng kaniyang anak!
Hindi nagtagal at magkasunod na rin siyang tinawag ng kaniyang dalawa pang anak at itinuro sa kaniya ang ilan pang butil ng ginto! Ang ginawa nila’y naghukay pa sila nang naghukay hanggang sa halos makakuha na sila ng isandamukal na butil ng mga gintong hindi nila akalaing matagal na palang nakatanim sa kanilang bakuran!
“Makakaahon na tayo sa hirap, itay!” ani Totoy noon kay Mang Ponse sa maluha-luhang mga mata. “Makapagpapatayo na tayo ng sarili nating poso, itay, hindi ba?”
Marahang tumango si Mang Ponse sa kaniyang anak. Nagyakapan ang buong pamilya sa galak na kanilang nadarama habang nagdarasal at nagpapasalamat sila sa Diyos.
Ang ingay ng mga makinang panghukay sa lupa ang siyang gumising kay Aling Pasita ng umagang iyon. Ganoon na lamang ang kaniyang gulat nang malamang sina Mang Ponse pala ang siyang nagpapagawa ng dalawang mga poso upang maging igiban ng lahat. Bukod doon ay agad na rin nilang pinaumpisahan ang pagpapaayos ng kanilang bahay.
Agad na kumalat ang balita tungkol sa mga butil ng gintong nakita ng pamilya sa kanilang bakuran habang sila ay naghuhukay ng balon. Napanganga pa nga si Aling Pasita nang mabalitaang pinamalatuhan ng tig-iisang butil ng ginto nina Mang Ponse at Aling Pasita ang kanilang mga kapitbahay, bukod sa kaniya, dahil sa kaniyang pagiging maramot din nang sila ay walang-wala pa.
Laking pagsisisi ni Aling Pasita, dahil bukod sa hindi na siya naambunan ng kanilang grasya ay nilayuan din siya ng kanilang mga kapitbahay dahil sa kaniyang ugali. Isa pa ay mayroon na silang libreng pag-iigiban.
Naging malungkot ang buhay ni Aling Pasita dahil naging mag-isa na lamang siya.