Nagagawang Saktan ng Kaniyang Kaibigan ang Babaeng Pinaraya Niya; Ito ang Gagawin ng Binata
“Tama na ’yan.” Inagaw ni Ruben ang pang-limang bote ng alak na hawak ni Vivian nang marating niya ang bahay nito. Napakakalat at halos malula si Ruben sa gulo ng naturang bahay.
“Gusto ko pa, inom tayo!” lasing na saad ni Vivian habang walang humpay ang pagtulo ng kaniyang luha.
Walang nagawa si Ruben kung hindi hayaan itong uminom at umiyak. Kumuha rin siya ng alak at nagpasyang damayan na lamang ang babae.
Gumuhit ang pait ng alak sa kaniyang lalamunan at napailing. Bakit nga ba gustong-gusto ng tao ang alak gayong hindi naman ito masarap? Wala pa man sa kalahati ang naiinom ay itinigil na niya ito at pinagmasdan na lamang ang lumuluhang si Vivian.
“Mahal ko siya, Ruben. Sobrang mahal ko siya!” Napayuko siya sa mga salitang binitiwan ng babae.
“Alam ko, Vivian… alam ko,” saad niya sa likod ng kaniyang isip.
“Hindi ba ako sapat para sa kaniya? Bakit nagagawa niya akong saktan? Bakit nagagawa niya akong lokohin?” tanong pa ni Vivian sa kasama habang nanatiling nakayuko si Ruben.
Hindi nagtagal ay nakatulog si Vivian dahil sa kalasingan kaya’t minabuti niyang buhatin ito papasok sa loob ng kwarto. Maingat niya itong inihiga sa kama at balak na sanang umalis nang higitin siya nito. Nawalan siya ng balanse at hindi sinasadyang bumagsak ang sarili sa kaibigan.
Nanlaki ang mata ni Ruben nang maglapat ang kanilang mga labi. Saglit lamang iyon ngunit mabilis nitong ginulo ang kaniyang sistema.
“Fred,” nakapikit na tawag ni Vivian sa pangalan ng kasintahan. Kinalas ni Ruben ang pagkakahawak sa kaniya ni Vivian at pinagmasdan ito saglit. Napailing si Ruben nang makita ang pasa sa pisngi ni Vivian. Mukhang sinaktan na naman ito ng nobyong si Fred.
“Mahal kita, Vivian. Patawad kung hindi ko na matitiis pa ang lahat.”
Bago umalis sa tinutuluyan ni Vivian ay nilinis niya muna ang bahay ng kaibigan at nagpasyang kausapin ang kasintahan nito.
Hindi niya inaasahang makikita itong nakikipaghalikan sa ibang babae. Kinuhanan niya ito ng litrato upang ipakita kay Vivian upang matapos na ang kahibangan nito.
“Ehem,” pag-agaw ni Ruben sa atensyon ng dalawang naghahalikan. Hindi lubos maisip ni Ruben kung paanong nagagawa nitong makipaghalikan sa ibang babae at sa tabi pa ng daan.
“R-Ruben,” kabadong tawag ni Fred sa pangalan niya.
“P’wede ba tayong mag-usap?” tanong niya na tinanguan naman ni Fred. Bahagyang bumulong ito sa hindi kilalang babae bago lumapit sa kaniya.
Pinapasok ni Fred ang panauhin sa sariling tinutuluyan. Hindi katulad ng magulong bahay ni Vivian ay napakalinis ng kay Fred. Binigyan niya ito ng maiinom na kape bago sinimulan ang usapan.
“Bakit nga pala?” tanong kaagad ni Fred dahil napansin nitong seryoso si Ruben.
“Mahal mo ba si Vivian?” diretsong tanong ni Ruben na ikinagulat ni Fred. Ngayon lamang niya nakitang seryoso ang kaibigan nila ng nobya.
“Nagpapatawa ka ba, Ruben? Siyempre naman. Mahal na mahal ko siya,” sagot ni Fred. Binigyan nito ang kaibigan ng malawak na ngiti bago kinindatan.
“Makinig ka sa akin, Fred. Minsan ko lang itong sasabihin kaya’t pakinggan mo.” May diin ang mga katagang sinasabi ni Ruben. “Magkaibigan tayo at alam kong alam mo na pinakawalan ko si Vivian dahil ikaw ang mahal niya. Ngunit, isang beses mo pa siyang pagbuhatan ng kamay at lokohin, babawiin ko siya sa ’yo—”
“Hindi kita papayagan,” putol ni Fred sa sinasabi ni Ruben. “Akin si Vivian at hindi ko siya ibibigay sa ’yo.” Napangisi si Ruben kay Fred.
“Hindi ako nagparaya para lang saktan mo ang babaeng mahal ko. Itali mo siya bago ko pa muling makuha.”
Umalis siya sa lugar ni Fred. Kinabukasan ay tumawag si Vivian kay Ruben. Nagpasalamat ito sa paglinis ng bahay at pagsama sa kaniya noong gabi.
Lumipas ang araw at buwan at naging maayos ang samahan ni Fred at Vivian. Hindi na rin ito kailanman umiyak pa dahil sa kasintahan.
“Ikakasal na ako,” ani Vivian kay Ruben nang magkita silang dalawa. Napangiti si Ruben at tumango.
“Masaya ako para sa ’yo,” tanging lumabas sa bibig ni Ruben.
“Dahil sa ’yo ito. Sinabi ni Fred na kinausap mo siya kaya natauhan siya. Salamat, Ruben. Salamat sa pagbitiw at pag-suporta sa akin sa kabila ng naging nakaraan natin.” Ngiti lang ang isinagot niya sa sinabing iyon ng babaeng kaniyang minamahal.
Iniabot ni Vivian ang imbitasyon sa kaniyang kasal at buong pusong tinanggap iyon ni Ruben.
“Dadalo ako.”
Ngumiti si Ruben. Alam niyang tuluyan nang mawawala sa kaniya ang babaeng pinakamamahal, ngunit tanggap na niya iyon. Dahil ang totoong pagmamahal, handang magsakripisyo para sa ikaliligaya ng minamahal.