Tinulungan Niya ang Batang Nagtitinda ng Basahan sa Gitna ng Bagyo; Tadhana Pala ang May Kagagawan Nito
“Bagyo lang ʼyan, Pilipino ako!” tatawa-tawang ani Jiro—isang purong Japanese National—habang nagda-drive sa kahabaan ng binabaha nang kalsada ng Makati nang mga sandaling iyon.
Labing isang taon na siyang naninirahan dito sa bansang Pilipinas kaya medyo sanay naman na siya sa ganoong klaseng kalakaran. Ang totoo nga ay minahal na niya ang ganitong buhay, kahit pa isa siyang purong dugong banyaga.
Matatas na rin siyang managalog. Paanoʼy mga Pilipino rin naman ang kumupkop sa kaniya noong mga panahong halos wala siyang makapitan dito sa Pilipinas dahil kadarating lamang niya upang mag-aral. Nagkaroon noon ng problema ang pamilya niya sa Japan kaya naman nawalan siya ng contact sa mga ito at hindi siya napadalhan pa ng pera.
Ngunit mabait sa kaniya ang kapalaran at hinayaan nitong makilala niya ang mag-asawang Pinoy na kahit kapos sa buhay ay nagawa pa rin siyang tulungan. Binigyan siya ng mga ito ng matutuluyan at pinakain siya hanggang sa siya ay makahanap noon ng part time job habang nag-aaral siya ng kolehiyo. Dahil doon ay itinuring na niyang pangalawang pamilya ang mga ito. Iyon nga lang ay kinailangan nilang umuwi sa kanilang probinsya. Simula noon ay hindi na nakita pa ni Jiro ang mga ito. Nawalan na rin siya ng contact sa kanila.
Dahil doon ay mas naging malapit ang puso ni Jiro sa mga Pinoy. Itinuring na niyang Pilipino ang kaniyang sarili, lalo na nang makapangasawa siya ng isang Pilipina.
“Kuya, kuya, bili na ho kayo ng basahan, bente lang,” pangangatok sa kaniya ng isang batang tindero ng basahan habang ang mga paa nito ay nakalubog sa baha at ang buong katawan ay basang-basa na sa ulan.
Biglang napakunot ang noo ni Jiro. “Naku, baka magkasakit ka niyan. Bakit hindi ka nagpapayong?” aniya sa bata. “Makakano ba ʼyang paninda mo? Bilhin ko na lahat,” dagdag pa niya, dahil talagang nakaramdam siya ng matinding awa sa bata.
“Naku, salamat ho! Matutuwa ang tatay ko nito. Kailangan pa naman ho namin ng panggamot ni nanay!” masayang tugon naman ng nasabing bata sa kaniya.
Lalo namang nakadama ng awa si Jiro sa bata. “Bakit? May sakit ba ang nanay mo?”
“Opo, e. Hika,” sagot naman nito.
“Kung ganoon, halika at puntahan natin. Ako na ang bahala sa panggamot ng nanay mo. Sakay ka na.” Binuksan ni Jiro ang kaniyang sasakyan upang makapasok ang bata. Noong una ay nag-aatubili pa ito ngunit kalaunan ay napasakay din niya, laloʼt mukhang nilalamig na rin ito sa labas.
Hindi alam ni Jiro kung bakit ganoon na lang kagaan ang loob niya sa bata. Basta ang alam lamang niya ay gusto niya itong tulungan dala ng matinding awa.
Itinuro naman ng bata ang kanilang tirahan. Nalungkot si Jiro nang makitang sa ilalim lamang ng tulay ito nakatira. Napakadelikado ng lugar na iyon para sa kanila laloʼt katulad ngayon ay bumabagyo.
Ngunit hindi pa pala iyon ang gugulat sa kaniya. Nang makapasok kasi si Jiro sa bahay ng mga ito ay ipinakilala siya ng bata sa mga magulang nito…
Nakilala niya ang mga dating kumupkop sa kaniya! Ito pala ang mga magulang ng batang kaniyang tinulungan ngayon!
Halos maiyak si Jiro nang makitang muli ang pangalawa niyang magulang. Sa haba ng panahong hindi niya nakasama ang mga ito ay talagang nasabik siya sa kanila! Ibinalita niya na isa na siya ngayong negosyante at ganoon na lang ang galak ng mga ito sa nalaman.
“Hindi ko akalaing muli ko pa kayong makikita, ʼnay, ‘tay! Ang tagal ko po kayong hinanap. Gusto ko sanang makabawi man lang sa naging kabutihan nʼyo sa akin noon,” umiiyak niyang saad sa mga ito.
“Hindi mo naman kailangang gawin iyon, anak, dahil hindi naman kami nanghihingi ng kapalit. Masaya kami sa nakamit mo at nagagalak kaming makita ka, pero ayaw naming abusuhin ang iyong kabaitan,” sagot naman ng kaniyang itay na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago. Mabuti pa rin itong tao tulad noon.
“Tay, huwag nʼyo ho sana akong pigilang bumawi sa inyo. Matagal ko na hong gustong gawin ito kaya lang ay talagang hindi ko kayo makita. Ngunit tadhana na ang nagtakda ng muli nating pagtatagpo. Salamat sa anak nʼyoʼt nakita ko kayo ulit!”
Matapos ang makabagbag damdaming pagtatagpo ay hindi na nag-aksaya pa ng panahon si Jiro at agad niyang binigyan ng magandang buhay ang kaniyang pangalawang mga magulang. Ganoon din ang anak ng mga ito na itinuring niya nang kapatid.