Inday TrendingInday Trending
Napakasungit ng Kanilang Panganay na Pinsan Kaya’t Nilalayuan Nila Ito; Nagbago ang Kanilang Pananaw nang Malaman ang Kuwento kung Bakit

Napakasungit ng Kanilang Panganay na Pinsan Kaya’t Nilalayuan Nila Ito; Nagbago ang Kanilang Pananaw nang Malaman ang Kuwento kung Bakit

“Marinel, sino ’yang mga kasama mo? Mga kabarkada mo ba ’yan?”

Napahinto sina Marinel, pati na rin ang kaniyang mga kaibigan sa akma nilang paglabas sa kanilang bahay nang biglang tawagin ng kanilang Ate Cecil ang kaniyang pangalan. Dahan-dahan namang lumingon si Marinel sa kaniyang nakatatandang pinsan at saka tumango.

“Opo, ate. Magba-volleyball lang po kami riyan sa court. Nagpaalam naman po ako kina lola, e,” sagot naman ni Marinel.

“O sige. Basta siguraduhin n’yong walang halong kalokohan ’yang mga pinaggagagawa n’yo, ha? Isa pa, huwag kang magpapagabi,” mariing bilin pa nito sa istriktang tono bago sila tinalikuran. Napabuntong-hininga na lamang si Marinel matapos itong mawala sa kaniyang paningin.

“Sino ’yon, tita mo? Bakit mukhang bata pa?” tanong ng isa sa kaniyang mga kababata rito sa probinsya ng kanilang lolo’t lola. Tuwing magpapasko kasi ay nagbabakasyon sila roon nang sama-sama. Maganda naman sana rito, kaya lang, ang ayaw ni Marinel ay ang makasama ang kanilang masungit na Ate Cecil. Ang pinakapanganay sa kanilang mga magpipinsan. Napakasungit at istrikta kasi kasi nito kaya naman hindi nila halos kasundo ito.

“Ate ko ’yon. Huwag n’yo nang pansinin ’yon, masungit talaga iyon. Palibhasa, walang boyfriend dahil pangit,” inis na sabi ni Marinel. Palihim niyang nilait ang kaniyang Ate Cecil dahil sa malaking pilat nito sa mukha.

Ipinagsawalang bahala na lamang ni Marinel ang bilin ng kaniyang Ate Cecil. Hindi niya namalayang malalim na pala ang gabi at nasa galaan pa siya. Napasarap kasi ang kuwentuhan nila ng kaniyang mga kaibigan. Kaya naman nang umuwi siya ay sangkatutak na sermon ang kaniyang inabot sa galit na galit niyang Ate Cecil.

“Hindi ka ba talaga nakikinig? Hindi ba at binilinan kitang huwag magpapagabi dahil delikado riyan sa labas?! Bakit ang tigas ng ulo mo? Pumunta ka lang ba rito para magpasaway kina lolo’t lola?!” hiyaw nito sa kaniya.

“H-hindi po, ate,” humihikbi namang sagot niya.

Tinigilan lamang siya ng kaniyang Ate Cecil nang sawayin na ito ng kanilang lolo.

“Lolo, bakit po gan’on si Ate Cecil? Napakasungit at istrikta niya po. Hindi siya nakikinig sa paliwanag ko. Hindi ko naman po talaga sinasadyang magpagabi. Hindi ko lang po namalayan ang oras,” umiiyak na sumbong niya sa kanilang lolo na noon ay agad naman siyang inalo.

“Oo nga po, lolo. Kahit ako, pinagalitan din ni Ate Cecil noong nakita niyang nakikipaglaro ako ng basketball doon sa mga tagakabilang barangay.” Sumingit naman ang isa pa nilang pinsan sa usapan nila ng kaniyang lolo. Dahil doon ay sumingit na rin ang iba pa at nagreklamo tungkol sa kanilang Ate Cecil.

“Pagpasensiyahan n’yo na ang Ate Cecil n’yo, mga apo. Nadala na kasi ang ate n’yo sa nangyari sa inyo noong kayo’y mga bata pa. Magpapasko rin noon. Ang Ate Cecil n’yo pa lang ang nakatatanda noon at siyang naatasang magbantay sa inyo habang naglalaro kayo sa may kubo. Nagkaroon kasi noon ng aksidente. Nakatulog kasi ang Ate Cecil n’yo noon dahil sa puyat na dulot ng magdamagan niyang pagre-review para sa huling exam bago ang kaniyang bakasyon. Hindi niya namalayang naglaro pala kayo ng posporo noon kaya naman nasunog n’yo ang kubo. Muntik na kayong mapahamak noon… mabuti na lang at mabilis kayong nailabas ng Ate Cecil n’yo. Kaya lang, sa dami n’yo ay nakaligtaan niya pala si Marinel na noon ay apat na taong gulang pa lang. Binalikan ka ng ate, Marinel, kaya nagkaroon siya ng malaking pilat sa mukha. Sinisi ng Ate Cecil n’yo sa kaniyang sarili ang muntikan n’yo nang pagkapahamak kaya naman simula noon ay naging ganiyan na siya. Ipinangako niya kasi sa kaniyang sarili na hindi na niya kayo pababayaang mapahamak tuwing narito kayo…” ang mahabang pagkukuwento ng kanilang lolo sa dahilan ng pagiging masungit at istrikta ng kanilang Ate Cecil.

Napatulala naman si Marinel sa kaniyang nalaman. Bigla siyang nakonsensya. Nilait niya pa ang malaking pilat ng kaniyang ate sa mukha, gayong siya pala ang dahilan kung bakit nagkaroon ito ng ganoon!

Ngayon ay lubos nang naintindihan ng magpipinsan na kaya pala ganoon ang kanilang ate ay dahil sa pagmamahal nito sa kanila.

Nang lumabas si Cecil sa kaniyang kwarto ay ganoon na lang ang gulat niya nang salubungin sya ng mahihigpit na yakap ng kaniyang mga pinsan. Bigla siyang napangiti at niyakap din pabalik ang mga ito.

Advertisement