Inday TrendingInday Trending
Sinubukan Niyang Lamangan ang Kinaiingitang Kaeskuwela; Ngunit sa Pamamagitan ng Pandaraya!

Sinubukan Niyang Lamangan ang Kinaiingitang Kaeskuwela; Ngunit sa Pamamagitan ng Pandaraya!

Halos malukot na naman ang mukha ni Ellie nang mag-umpisang palakpakan ng kaniyang mga kaklase ang kaeskuwela nilang si Jen. Paano ay ito na naman ang nakakuha ng pinakamataas na iskor sa kanilang exam.

“Ang galing mo talaga, Jen! Kaya ikaw ang top 1 namin, e. Congrats, ah!” puri pa ni Miko, ang pinakaguwapong kaklase nilang lalaki kay Jen na lalong ikinapuyos ng damdamin ni Ellie. Crush pa naman niya ang binata, pero ngayon ay mukhang maagaw na naman ni Jen ang atensyon nito, katulad ng kung paano nito inagaw sa kaniya ang trono ng pagiging top 1 niya sa klase.

Mula nang lumipat ito sa kanilang eskuwelahan ay agad na siya nitong naungusan kahit na halos ilang buwan na itong late nang pumasok, dahil kinailangan nitong umuwi sa kanilang probinsya. Hindi nila akalaing kakayanin pa nitong makahabol sa pagiging top 1, kaya naman hangang-hanga ang kaniyang mga guro at kaeskuwela rito.

Simula noon, pakiramdam ni Ellie ay naetsapwera na siya sa kanilang eskuwelahan. Hindi na siya hinahangaan pa ng kanilang mga kaklase katulad noon.

“Congrats sa atin, Ellie!” Ikinagulat niya ang pagbating iyon sa kaniya ni Jen. Napilitan na lamang siyang ngumiti at magpasalamat dito, kahit na pakiramdam niya ay ipinamumukha lamang nito sa kaniya na pangalawa lamang siya rito.

Dahil doon ay nagmamaktol na umuwi si Ellie sa kanilang bahay nang hapong iyon. Buong magdamag siyang nagmukmok sa pinaghalong inggit at sama ng loob. Hanggang sa maisip niyang gumawa ng paraan upang maungusan niya si Jen.

Buong magdamag siyang nag-isip ng plano kung ano at papaano niya gagawin ang masamang balak sa kaeskuwelang kaniyang kinaiinggitan. Imbes na ibuhos na lamang niya ang kaniyang oras sa pagere-review para sa natitira nilang exams bukas ay pinagpuyatan niya ang pag-iisip ng masama sa kaniyang kapwa.

Kinabukasan ay latang-lata si Ellie nang siya’y pumasok sa eskuwela. Halos wala nang pumapasok sa kaniyang isip dahil sa matinding antok na kaniyang nararamdaman. Ni hindi na nga rin niya alam kung paano niya sinagutan ang kaniyang mga exams gayong halos wala naman siyang naintindihan sa mga tanong na naroon. Basta na lamang siyang nagsagot nang nagsagot.

Noong pasahan na ng kanilang mga papel ay isinagawa na ni Ellie ang kaniyang plano. Papuslit niyang kinuha ang answer sheet ni Jen at itinago iyon sa kaniyang bag sa sobrang pagkataranta. Pagkaupong-pagkaupo ni Ellie ay yumukod siya sa kaniyang desk upang umidlip dahil talagang hindi na niya makayanan pa ang puyat lalo’t hindi naman siya sanay na pumasok nang walang tulog. Nagising na lamang siya nang makarinig ng ingay sa kanilang classroom…

“Guys, nawawala raw ang papel ni Jen! May nanguha raw at galit na galit ang adviser natin!” sigaw ng isa sa kanilang estudyante sa unahan kaya naman agad na nagkaroon ng mga bulong-bulungan.

“Kilala ba kung sino ang gumawa?” isa pa nilang kaeskuwela ang nagtanong.

“Oo. Actually, papunta na ngayon si ma’am. Nakalimutan daw kasi ng kumuha ang bagong kabit nating CCTV doon sa sulok ng classroom natin, kaya hindi niya alam na huling-huli siya sa akto!”

Sa narinig ay halos nagpantig ang tainga ni Ellie. Hindi niya alam kung maii*hi ba siya o masusuka sa kaba nang makitang totoo ngang may CCTV sila! Nawala sa kaniyang isip ang bagay na ’yon lalo’t kakakabit lamang niyon noong isang araw! Gusto na niyang maiyak sa kahihiyan, lalo na nang pangalanan siya ng kanilang guro!

“Ellie, you are suspended! Isa pa ay gusto kong makausap ang mga magulang mo dahil sa naging behavior mo. Hindi dahilan na nauungusan ka na ng kaklase mo kaya isasabotahe mo na lamang siya. You should learn how to be a good sport!” galit na anang kanilang guro nang ipatawag sila nito sa kanilang faculty room. Sising-sisi naman si Ellie sa kaniyang nagawa. Sinayang niya lang ang kaniyang oras sa pagpaplano ng isang bagay na siya rin naman pala niyang ikapapahamak sa huli!

Dahil doon ay taos puso siyang humingi ng tawad kay Jen, sa kaniyang guro at lalo na sa kaniyang mga magulang. Bukod doon ay taos puso rin niyang tinanggap ang kaniyang kaparusahan.

Kung maibabalik lamang ni Ellie ang panahon ay babatukan niya ang kaniyang sarili sa pag-iisip niya ng masama sa kaniyang kapwa. Nahiling niyang sana ay hindi na lamang niya iyon ginawa.

Advertisement