Isang Misteryosong Bata ang Bumili ng Bulaklak Para sa Ina; Nahindik ang Tindero nang Makilala ang Bata!
Dapit-hapon na at naghahanda na sa pagsasara ng pagmamay-ari niyang flowershop si Mang Agustin. Maalinsangan ang panahon, kaya naman nagpasiya na lamang siyang umuwi nang maaga upang magpahinga sa kanilang bahay, tutal ay matumal din naman ang kostumer nang araw na iyon.
Akma na sanang ila-lock ng matanda ang pintuan ng kaniyang shop nang biglang may kumalabit sa kaniya…
“O, bata, ano’ng kailangan mo?” tanong ni Mang Agustin sa batang nasa harapan ng kaniyang shop. Madilim na dahil ini-off na niya ang ilaw sa labas ng naturang tindahan ng mga bulaklak, kaya naman hindi na niya gaanong maaninag ang hitsura ng kausap, ngunit alam niyang bata ito dahil na rin sa laki nito at pangangatawan.
Hindi sumagot ang bata, ngunit iniangat nito ang kaniyang mga braso at itinuro ang mga bulaklak na nakadisenyo sa pintuan ng kaniyang tindahan.
“Bibili ka ng bulaklak?” muling tanong ni Mang Agustin. Tumango naman ang bata at nag-abot sa kaniya ng dalawang dadaanin. Napangisi si Mang Agustin nang makita ang pera.
“Aba, ayos ’yan, ah. Sandali’t bubuksan ko lang ulit itong shop,” natutuwang anang matandang tindero sabay hablot sa dalawang dadaanin. Talagang guamaganda ang kaniyang pakiramdam kapag siya’y nakakakita ng pera.
“Para kanino ba itong bulaklak na binibili mo, bata?” muli pang tanong ni Mang Agustin sa kaniyang huling kostumer habang sinususian niya ang pinto.
“Kaarawan po ng aking inay,” sagot naman ng bata. Malamig ang tinig nito.
Nang tuluyan nang makapasok si Mang Agustin sa loob ng tindahan ay agad na niyang inihanda ang bulaklak na binibili nito. Bukas na ang ilaw sa loob ng shop ngunit ang ilaw sa labas ay hindi na niya pinagkaabalahan pang buksan. Dahil doon ay hindi pa rin niya naaaninag ang mukha ng bata, hanggang sa iabot na niya ang binibili nito…
“Ito na, bata,” ani Mang Agustin.
Unti-unting pumasok ang bata sa shop na naging dahilan upang masinagan na ito ng liwanag ng ilaw… at ganoon na lang ang gulat ni Mang Agustin nang makilala niya ito!
“I-ikaw iyong batang itinaboy ko…” utal na aniya’t halos hindi na maituloy ang sinsabi. Natutulala siya sa marungis at maputlang hitsura ng bata sa kaniyang harapan… katulad na katulad nang huli niya itong makita.
Noon lamang isang araw ay dumalaw din ito sa kaniyang shop. Gusto nitong bumili ng bulaklak, ngunit kakarampot ang pera nito. Dahil doon ay agad na nag-init ang ulo ng matandang si Mang Agustin at itinaboy ang bata palayo sa kaniyang tindahan. Nag-iiyak ang bata habang naglalakad palayo, ngunit walang pakialam noon si Mang Agustin. Nakangisi pa nga siya nang akma niya itong tatalikuran ngunit… isang malakas na sigawan ang muling nakapagpalingon sa kaniya paharap sa puwesto ng bata!
Sa kalsada ay namataan niya ito… nakahandusay at duguan dahil nabundol ito ng sasakyan! Nanalaki pa nga ang mga mata ni Mang Agustin sa pagkabigla at hindi siya nakakilos sa puwesto hanggang sa dumating na ang mga ambulansya.
Nakonsensya nang matinidi si Mang Agustin lalo na nang malaman niyang kritikal ang lagay ng bata. Kaya naman kumuha siya ng pera sa kaniyang bulsa—dalawang dadaanin—at isinilid iyon sa bulsa ng suot na butas-butas na shorts ng bata!
Ngayon ay nagbabalik ito upang bumili sa kaniya ng bulaklak, gamit ang perang inabuloy niya rito, dala ng matinding konsensya!
Kinuha ng batang ngayon ay multo na pala ang bulaklak na kaniyang inihanda para dito at saka ito umalis. Hindi alam ni Mang Agustin kung bakit niya naisipang sundan ang batang multo. Natagpuan na lamang niya ang kaniyang sarili sa tapat ng isang tagpi-tagping bahay kung saan mayroong nagaganap na lamay… ang lamay ng batang multong bumili sa kaniya ng bulaklak.
Nakita niya ang bulaklak na inihanda niya kani-kanina lang na yapos-yapos na ng isang babaeng umiiyak… ang ina ng bata.
“Anak, hindi mo pa rin talaga nakakalimutan ang kaarawan ko, kahit na wala ka na… alam kong ikaw ang nagbigay nito,” ang umiiyak na anang nangungulilang ina ng bata, na ngayon ay mag-isa na lamang sa buhay.
Hindi na napigilan ni Mang Agustin ang kaniyang sarili at nang mga sandaling iyon ay bumuhos na lamang siya ng hagulhol. Alam niyang kasalanan niya ang nangyari sa bata. Simula sa araw na iyon ay tatanggapin niya ang pinakamalupit na parusang maaaring ipataw sa kaniya ng kapalaran… habang buhay niyang dadalhin sa kaniyang konsensiya ang nangyari sa bata.