Upang Makamit ang Inaasam na Kasikatan ay Ginamit ng Lalaki ang Kaniyang Nobya; Karma Pala ang Naghihintay sa Kaniya
“Babe, ayaw ko talagang gawin ito… parang hindi ko talaga kaya,” anang kaniyang nobyang si Kila habang pinipilit niya nitong mag-alis ng damit sa harap ng camera, para sa kanilang ginagawang content.
“Ano ka ba? Ang dami naman nang gumagawa nito ngayon sa internet, ngayon ka pa ba aarte? Kailangan natin ’tong gawin para kumita tayo ng pera!” sagot naman ni Marky. Medyo nakadarama na siya ng pagkairita sa pagrereklamo ng kaniyang nobya.
“Hindi namann ako katulad nila, e!” Maluha-luha na si Kila nang ito’y humarap sa kaniya. “P’wede naman tayong mag-isip ng ibang content para makilala tayo, hindi sa ganitong paraan!” dagdag pa ng babae.
Sa galit ni Marky ay nahampas niya ang mesa sa kanilang harapan. “Kung ayaw mo, huwag mo na ring asahang magpapadala pa ako ng pera sa kapatid mo! Wala na akong pakialam kung may maipambayad pa sa tuition fee niya ang mga magulang mo!” hiyaw pa ni Marky sa nobya at kinakasama na ring si Kila.
Natakot naman si Kila sa inasta ng kaniyang nobyo. Hindi niya akalaing magagawa nitong sabihin iyon sa kaniya. Hindi naman ito ganito noong sila’y bago pa lamang nag-uumpisa sa paggawa ng mga video contents.
Napilitan siyang sundin ang gusto nitong ipagawa sa kaniya. Palagi ay nagpapakita siya ng laman sa harap ng camera at nagpapanggap na masaya, kahit ang totoo ay hindi. Madalas na rin siyang masaktan ni Marky. Ibang klase na ang nagagawa ng impluwensya ng mga barkada nitong “sikat” sa kaniya. Dahil kasi sa ambisyon nitong maabot ang naabot ng mga kabarkada nito ay tila nakalimutan na nitong si Kila ay kaniyang nobya at hindi isang alila.
Dahil sa pagmamahal sa nobyo at sa takot na baka kung ano ang magawa nito sa kaniya ay nagawang magtiis ni Kila. Tuluyan na ngang binago ng ambisyon si Marky. Ngunit ang pagbabagong iyon ay hindi para sa kanilang dalawa kundi para lamang sa kaniyang sarili.
“Sino ’yang babaeng ’yan, Marky?!” Isang araw ay ganoon na lang ang gulat ni Kila nang maabutang may katabing babae ang nobyo sa kanila mismong kama.
“Wala kang pakialam!” pasigaw namang sagot ni Marky sa kaniya na animo wala siyang halaga rito.
“Marky, hindi mo na ba talaga ako mahal? Bakit ba ginagawa mo sa akin ’to?!” Napaluhod na lamang si Kila sa sobrang sama ng loob. Nang araw na iton ay ibinuhos niya sa pag-iyak ang sarili.
Simula nang araw na iyon ay tila nawala sa kaniyang sarili si Kila. Minsan, nang umalis ng bahay si Marky ay umuwi naman si Kila sa bahay ng kaniyang mga magulang. Wala sa loob niya ang nangyayari dahil napag-alaman nilang wala na sa kaniyang katinuan si Kila, at ang diary na s’yang dala-dala na lamang niya ang naiwang ebidensya kung bakit siya nagkaganoon.
Nang malaman ng mga kapamilya ni Kila ang ginawa ni Marky ay agad silang nagsampa ng kaso. Hindi naman akalain ng binata na may ganoon palang ebidensya ang mga ito. Hindi niya napaghandaan ang naging hakbang ng mga kapamilya ng kaniyang dating nobya.
Nasa rurok na siya ng kasikatan nang mga panahong iyon, sa tulong na rin ni Kila. Sa takot na mawala ang lahat ng kaniyang mga pinaghirapan ay agad siyang humingi ng tulong sa kaniyang mga kaibigan ngunit halos sabay-sabay din siyang tinalikuran ng mga ito dahil ayaw nilang masangkot sa kaniyang problema.
Agad na pumutok ang issue tungkol sa kaniya. Biglang bumagsak ang career na binuo niya sa larangan ng pagiging content creator at halos manlumo si Marky dahil doon.
Sinimulan na ang hearing ng kaniyang kaso. Noong una ay buo naman ang kaniyang loob na depensahan ang kaniyang sarili sa mga kasalanang ibinibintang sa kaniya ng mga kaanak ng dating nobya, ngunit nang muli niyang makita si Kila na noon ay naroon din sa hearing ay tila bigla siyang kinain ng konsensya. Lalo na nang makita niya ang kalagayan nito ngayon.
Tulala na ang dati ay masayahin niyang nobya. Hindi na rin siya nito kilala. Biglang bumalik sa kaniyang mga alaala ang mga panahong masaya pa sila nito at nang mga sandaling iyon ay hindi niya namalayang napaluha na pala siya.
Noon ay napagpasiyahan ni Marky na aminin ang kaniyang mga kasalanang nagawa. Nagsisisi na siya ngayon at handa na niyang tanggapin ang parusa.