Pinagtatawanan sa Kanilang Pamayanan ang Bagong Lipat na Pamilya; Nakasusulasok Pala ang Dahilan
Isang umaga ay nagkagulo sa dati ay tahimik na pamayanang iyon, nang magkaroon ng pagkakainitan sa pagitan ng mga dati nang tagaroon at ng bagong lipat na pamilya sa lugar. Paano’y bigla na lamang kasing nagpabarangay ang mga bagong lipat. Inirereklamo ang kanilang mga kapitbahay na pinagtatawanan daw sila at palaging laman ng tsismisan!
“Sandali! Huminahon ho kayo! Maaari tayong mag-usap nang maayos para masolusyonan natin itong gulong ito,” pananaway ng kapitan ng kanilang barangay na noon ay gumitna na sa iringan ng magkakapitbahay.
“E, kap, itong mga ’to ho kasi, e! Simula kasi nang lumipat kami rito, aba’y pinagtatawanan na kami at palagi na lang kaming laman ng kanilang tsismisan!” nanggagalaiting sigaw ni Aling Melissa, ang ina ng bagong lipat na pamilya.
Hinarap naman ng kapitan ang kabilang panig na noon ay mga nagpupuyos din sa galit. “Bakit naman ganiyan ninyo tratuhin itong bago nating kabarangay? Hindi ba dapat, e, maging maayos nga ang pakikitungo ninyo sa kanila para magkaroon tayo pare-parehas ng matiwasay na pamumuhay rito? Kayo-kayo na nga lang ang magkakapitbahay, pagkatapos ay ganiyan pa kayo,” iiling-iling na anang kapitan sa mga ito.
“Wala naman pong problema r’on, kap, e! Ang kaso, kaya lamang naman kasi sila nagiging laman ng tsismisan dito, hindi sila marunong mapakiusapan. Kinausap na ho namin sila nang maayos tungkol sa nakasusulasok na amoy ng mga dumi ng kanilang mga alagang hayop sa bakuran, pero hindi ho nila kami pinakinggan. Bagkus ay nagalit pa ho sila sa amin at sila pa ang may ganang magpabarangay ngayon?” kunot-noong saad naman ng isa sa mga inirereklamong kapitbahay. Si Wendell.
Totoo ang sinasabi ng lalaki. Sa katunayan nga ay doon muna niya pinatutuloy ang kaniyang dalawang anak na pawang maliliit pa sa kaniyang biyenan na nakatira sa kabilang barangay, dahil halos hindi na sila makahinga sa masangsang na amoy na dulot ng mga dumi ng alagang mga hayop nina Aling Melissa. Paano’y sa tuwing lilinisin ng mga ito ang kulungan ng mga manok ay itinatambak lang naman ang dumi sa bakanteng lote na nasa gitna pa man din ng pamayanan. Tuloy ay langhap na langhap ng magkakapitbahay ang mabahong amoy ng mga ito na humahalo sa hangin at nagdudulot ng hindi magandang pakiramdam sa kanila.
Ganoon din ang nangyari sa isa pa nilang kapitbahay na buntis na napilitang lumipat muna ng tahanan dahil hindi na nito kayang tagalan pa ang mabahong amoy. Malaking perwisyo talaga para sa kanila ang ginagawa ng mga ito.
Simula noon ay palagi na tuloy laman ng tsismisan ang pamilya. Minsan nga ay sinasadya na lamang nilang iparinig sa mga ito ang kanilang mga hinaing, upang baka sakali ay maisipan ng mga itong baguhin ang kanilang gawain, ngunit imbes ay napikon pa ang mga ito.
Nang malaman iyon ay napakamot sa kaniyang ulo ang kapitan. “E, kayo naman pala ang may kasalanan. Nakikipag-usap naman pala nang maayos itong mga kapitbahay n’yo sa inyo, pagkatapos, e kayo pa itong galit.” Pagkasabing-pagkasabi niyon ng kapitan ay biglang humangin nang may kalakasan kaya naman katulad ng inaasahan ay humalo nga ang masangsang na amoy ng pinagsama-samang dumi ng hayop sa hangin! Maging ang kapitan ay napatakip sa kaniyang ilong. Ganoon din ang kaniyang mga kasamang tanod. Napatunayan nila ang dugyot na problema ng pamilya nina Aling Melissa.
Natahimik ang mga bagong lipat at napayuko. Nakaramdam sila ng pagkapahiya at hindi alam kung paano lulusutan ang pagkabisto gayong huling-huli na sila.
Dahil doon ay nagpasiya ang kapitan na pagbawalan na muna silang mag-alaga ng mga hayop sa lugar na iyon hangga’t hindi nila natututunan ang tamang paglilinis ng kanilang mga dumi. Sa nangyari ay lalo tuloy naging laman ng mga usapan at tsismisan ang pamilya lalo’t alam na ng kanilang kapitan ang kanilang estilo. Wala na tuloy silang malapitan ngayon.
Kalaunan ay naisipan na lamang nilang magpakumbaba ay makipag-ayos sa kanilang mga kapit bahay. Humingi sila ng tawad sa mga ito at nangakong hindi na muling uulitin pa ang kanilang mga ginawa. Pinatawad naman silang kaagad ng mga kapitbahay at simula noon ay naging mapayapa na ulit ang kanilang pamayanan.
Pinayagan na ulit sila ng kanilang kapitan na muling makapag-alaga ng mga hayop na kanila rin namang pinagkakapitaan. Natutunan nila ang kahalagahan ng pakikisama at kalinisan upang magkaroon ng matiwasay na pamumuhay.