Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Selos ay Siniraan Niya ang Kaibigan sa Kaniyang Nobyo; Hindi Niya Aakalain ang Kahihinatnan Nito

Dahil sa Selos ay Siniraan Niya ang Kaibigan sa Kaniyang Nobyo; Hindi Niya Aakalain ang Kahihinatnan Nito

“Saan ka galing?” masungit na bungad ni Korina sa kaniyang nobyong si Nathan. Nakataas ang kaniyang isang kilay at nakahalukipkip ang mga braso, tanda na hindi maganda ang kaniyang mood.

Tila naman ikinagulat ni Nathan ang kaniyang presensya. Biglaan kasi ang pagdating niya sa apartment nito nang walang pasabi. “Bakit ka nandito, love? Saka, paano ka nakapasok, e, ini-lock ko itong pintuan bago ako umalis?” takang tanong pa ng binata sa kaniya.

“May spare key ako nitong apartment mo. Nagpagawa ako, bakit?” mataray namang sagot niya ngunit muling binalikan ang kaniyang pambungad na tanong. “So, saan ka nga galing?”

“Kina Jane lang, nakikain. Birthday kasi ng mama niya,” kibit-balikat namang tugon nito.

Pakiramdam ni Korina ay umakyat ang lahat ng dugo niya sa kaniyang ulo. Bigla siyang nakaramdam ng inis. “Mukhang napapadalas yata ang pagpunta mo kina Jane? Baka mamaya niyan, mamalayan ko na lang na doon ka na pala nakatira?”

Agad na kumunot ang noo ng kaniyang nobyo sa kaniyang sinabi. “Bakit naman ako titira doon, e, may sarili naman akong bahay?” tila litong-lito nang tanong ni Nathan sa kaniya. “Saka, bakit ba ganiyan kang umasta? Nagseselos ka ba?” dagdag pa nito at dahil doon ay hindi na nakasagot si Korina.

“Love naman, ilang beses ko bang sasabihin sa ’yo na bestfriend ko lang si Jane? Para na kaming magkapatid n’on. Huwag mo kaming pag-isipan ng masama,” pangungumbinsi ni Nathan noon sa kaniya ngunit talagang hindi maalis kay Korina ang kaniyang selos.

Maganda kasi si Jane, kahit na hindi ito palaayos. Sa katunayan ay para nga itong lalaki kung umasta, palibhasa’y panay lalaki rin ang kapatid. Ngunit kahit ganoon ay hindi maikakailang nakabibighani talaga ang ganda nito, at iyon ang pinagngingitngit niya. Gusto niya kasing layuan ito ng nobyo niya na ayaw namang gawin ng huli. Katuwiran ni Nathan sa kaniya, kailangan lamang daw niyang magtiwala, dahil talagang wala naman daw itong balak na lokohin siya o ipagpalit siya sa iba. Sayang naman daw ang pinagsamahan ng mga ito kung basta na lamang lalayuan ni Nathan dahil lamang naging nobya siya nito.

Dahil doon ay lumaki pa nang lumaki ang inis ni Korina sa babae, kahit wala naman itong ginagawa laban sa kaniya. Wala rin naman siyang ebidensya na may balak itong agawin ang kaniyang nobyo, kaya naman pinag-isipan niyang mabuti ang susunod niyang hakbang. Isang masamang plano ang nabuo sa kaniyang isipan.

Isang araw ay bigla na lamang sinugod ni Korina si Jane sa pinagtatrabahuhan nito. Eksakto, dahil naglalakad ito noon nang mag-isa papunta sa pinapasukan nitong cake shop. Ang totoo ay niyaya niya si Nathan na bumili sa shop na iyon. Nauna lamang siya ng ilang sandali para maisagawa ang kanilang plano.

“Jane!” malakas na tawag ni Korina noon kay Jane. Agad naman siya nitong nilingon bago binati nang nakangiti. Wala nitong kaalam-alam sa kaniyang masamang plano.

“Uy, Korina!” masayang anito sa kaniya, ngunit agad ding nawala ang malawak na ngiti nito nang bigla niya itong sabunutan.

“A-aray! Korina, anong problema mo?! Ang sakit! Bitiwan mo ako!” reklamo ni Jane sa kaniya habang hawak ang kamay niyang nakasabunot sa buhok nito.

“Malandi ka! Layu-layuan mo na ang boyfriend ko. Huwag mong gamitin ang friendship n’yo para mapalapit ka sa kaniya!” gigil na sigaw naman ni Korina sa matalik na kaibigan ng kaniyang nobyo.

“Ano bang sinasabi mo? Baliw ka ba?” tila nagagalit na ring anang kabilang panig. Hindi na alam ni Jane nang mga sandaling iyon kung paano magtitimpi sa ginagawa ng babae. Nang tuluyan na siyang mapikon ay binigwasan niya nang isa ang babae upang makawala siya sa pagkakasabunot nito.

Napaaray si Korina sa sakit, kasabay ng malakas na pagtawag ng boses ni Nathan sa kaniyang pangalan… “Korina!”

Sabay napalingon sa binata ang dalawang babae. Kitang-kita nila ang galit sa mga mata nito habang papalapit ito sa kanila.

“Love! Nakita mo ba kung ano ang ginawa sa akin ng bestfriend mo? Binigwasan niya ako! Binabati ko lang naman siya! Ang sabi niya, hindi raw ako nararapat sa ’yo!” nagpapanggap na sumbong ni Korina sa nobyo. Napailing lang si Jane ngunit hindi ito sumagot.

“Oo, nakita ko… nakita ko simula umpisa hanggang dulo, Korina! Hindi ko akalaing ganiyan ka pala! Nagkamali pala ako nang magdesisyon akong ayain kang pakasal.” Umiling-iling si Nathan at ganoon na lang ang gulat ni Korina sa kaniyang narinig. Lalo na nang makitang inilabas ni Nathan ang isang box na may lamang singsing at itinapon iyon sa kalsada!

“Nagpaplano na sana akong pakasalan ka, para mawala na ’yang pag-iisip mo nang hindi maganda… kaso, hindi bale na. Sayang, alam mo bang si Jane pa ang naghanda ng lugar kung saan dapat ako magpo-propose sa ’yo? Wala kang kwenta!”

Napaluhod na lamang si Korina nang talikuran siya ni Nathan habang inaakay nito ang kaibigan papasok sa cake shop. Simula noon ay hindi na siya kinausap pang muli ng lalaki na kalaunan ay nakahanap ng panibagong nobya na agad nitong pinakasalan. Naiwang luhaan ang puso ni Korina na puno ng paghihinala, selos at insekyoridad.

Advertisement