Sikat na Sikat sa Social Media ang Isang Inang Ikinukulong ng Kaniyang mga Anak sa Hawla; Nakakaantig Pala ang Dahilan Nito
Kalat na kalat na ngayon sa social media ang litrato ng isang babaeng nakakulong sa hawla. Ayon sa caption ng naturang post ay ang sarili raw nitong mga anak ang naglagay sa kaniya sa loob niyon, upang hindi na ito makapanakit pa ng mga tao… dahil ito ay wala na sa kaniyang sariling katinuan.
Bata pa ang kaniyang apat na mga anak. Ang pinakamatanda ay kinse anyos pa lamang, habang ang kaniyang bunso ay tatlong taong gulang. Sa murang edad ay pasan-pasan na ng panganay na si Elmo ang lahat ng obligasyon sa pag-aalaga sa kaniyang mga kapatid, at ngayon ay pati na rin sa kaniyang inang nawala sa kaniyang sarili, buhat nang iwan sila ng kanilang ama para sumama sa ibang babae, pitong buwan na ang nakalilipas.
Huminto sa kaniyang pag-aaral si Elmo upang maalagaan ang kaniyang ina at mga kapatid. Hinayaan niyang magpatuloy sa pag-aaral ang kapatid na sumunod sa kaniya na ngayon ay labing tatlong gulang na, at ganoon din ang pangatlong sampung taong gulang naman. Siya na lamang ang naiiwan sa kanilang bahay upang magtanim ng gulay at mag-alaga sa bunsong kapatid at sa kanilang ina. Sa tuwing uuwi naman ang dalawa pang nakababatang kapatid ay sila naman ang naglalako ng gulay na kaniyang inaani upang may maipambili sila ng kanilang mga pangangailangan.
Minsan ay tinutulungan ng kanilang mga kapitbahay ang magkakapatid, kaya naman kahit papaano ay nakararaos sila sa araw-araw, hanggang sa isa nga sa mga ito ay naisipan silang i-post sa Facebook upang makahingi sila ng tulong na maipagamot ang kanilang inang nagngangalang Edna.
“Grabe, nakakaiyak naman ang sinasapit ng pamilya. Paano po makakapag-abot ng tulong sa kanila?” tanong ng isang netizen sa naturang post.
“Hi! I’m a doctor. Please let me know how to contact them so I could help. Thank you!” sabi naman ng isa pa.
Umani ng napakaraming reactions, shares, at comments ang naturang post at karamihan sa mga ito ay gustong mag-abot ng tulong sa mga bata at kay Edna. Maging mga artista at iba pang kilalang personalidad ay personal din silang pinuntahan at inabutan ng tulong kaya naman ganoon na lamang ang galak ng magkakapatid. Tuwang-tuwa si Elmo dahil sa wakas ay hindi na niya kakailanganin pang ikulong sa hawla ang kanilang ina dahil gagamutin na ito ng magagaling na doktor. Bukod doon ay napakarami na ring gustong magpaaral sa kanilang apat, kabilang na ang lokal na pamahalaan ng kanilang barangay.
Matalinong bata si Elmo, kahit pa nga hindi pa siya tapos ng highschool. Naisipan niyang magbukas ng bank account upang doon ilagay ang mga donasyong natanggap nila nang sa ganoon ay hindi agad iyon maubos at mapunta sa wala.
Binigyan din siya ng scholarship ng isang mayamang negosyanteng naantig sa kaniyang kasipagan at buong pusong pagmamahal sa kaniyang pamilya sa kabila ng kaniyang murang edad.
Unti-unti ay gumaling na rin ang kanilang inang si Edna. Nakaahon ito mula sa matinding depresyon sa tulong na rin ng mga espesyalista. Dahil doon ay may pagkakataon na muling makapag-aral si Elmo, lalo’t may kabuhayan ding iniwan sa kanila ang iba pang netizens na nagpahatid sa kanila ng tulong na pagkakaabalahan ng kaniyang ina at magsisilbi na rin nitong therapy.
Samantala, nahaharap naman ngayon sa kasong negligence ang kanilang ama, dahil sa ginawa nitong pag-aabandona at pagpapabaya sa kanila. Wala naman itong kakayahang labanan ang kaso lalo’t isa mismong abogado ang buong pusong tumutulong din sa mag-iina. Siguradong pagdudusahan nito ang ginawa na naging sanhi ng paghihirap ng kaniyang pamilya.
Ilang taon lamang ang lumipas at talagang naging inspirasyon pa rin sa napakarami si Elmo, lalo na nang siya’y makatapos ng kolehiyo. Ang dati nilang negosyong kainan ay naging isang sosyal ngunit makamasang restaurant na nang lumago at kumita nang malaki ay ini-invest niya sa pagbili ng lupang pinagpatayuan niya ng mga apartment.
Ngayon ay ibinabalik na ni Elmo sa kapwa ang natanggap nilang kabutihan noon. Siya na ngayon ay tumutulong din sa mga kapuspalad gaya ng pagtulong sa kanila ng marami noong sila ang nangangailangan.
“What monkey see, monkey do,” ‘ika nga ng isang kasabihan. Isa si Elmo sa mga patunay na ang mga bata ay nahuhubog, base sa mga galaw at kilos na nakikita niya mula sa mga mas nakatatanda.