Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Kamatis at Galunggong na Baon ng Hardinero ay Nagbago ang Takbo ng Buhay ng Isang Binatilyo; Ngayon ay Babawi Ito

Dahil sa Kamatis at Galunggong na Baon ng Hardinero ay Nagbago ang Takbo ng Buhay ng Isang Binatilyo; Ngayon ay Babawi Ito

Mag-a-alas dose pa lang ng hapon noon. Napaaga pa nang kaunti ang dating ng binatang si Rafael sa eskuwela. Maya-maya pa naman kasi magsisimula ang oras ng kaniyang unang klase. Naisipan niya na tumambay muna at magpahinga, tutal ay nahihilo pa siya dahil sa pinaghalong init at gutom na sinuong niya, makapasok lamang. Wala na naman kasi siyang pamasahe, ngunit dahil ngayon ang araw ng kanilang periodical examination ay hindi siya maaaring lumiban.

“O, Rafael, bakit mukhang pawis na pawis at hapung-hapo ka?” biglang tanong ng hardinero at janitor na rin ng kanilang eskuwelahan. Si Mang Boyong.

“Kayo ho pala, Mang Boyong.” Nginitian ito ni Rafael. “Nilakad ko ho kasi mula sa amin hanggang dito, papasok. Wala ho kasing pamasahe, e,” paliwanag naman niya.

“A, ganoon ba? E, kumain ka man lang ba bago ka umalis sa inyo?” muling tanong pa ng kausap.

“E, mamaya na lang ho, pag-uwi. Wala pa ho kasing tanghalian nang umalis ako, e,” sagot naman ni Rafael. Ang totoo ay wala naman kasi siyang kasama sa bahay. Labing pitong taong gulang siya nang iwanan siya ng kaniyang kinilalang ina, upang sumama sa mapapangasawa nito. Ang sabi nito sa kaniyaʼy patuloy siyang susuportahan, ngunit ilang buwan lang ang nakalipas at hindi na ito nagpakita pa. Iyon ang dahilan kung bakit bente anyos na si Rafael ngunit nasa ikaapat na taon pa lamang siya sa highschool.

“Naku! E, wala kang maisasagot sa exam kapag ganiyang walang laman ang sikmura mo. Halika, may baon ako rito. Saluhan mo ako.”

Binuksan ni Mang Boyong ang naniyang baunang binalot lamang sa dahon ng saging. Tumambad sa kaniya ang mainit na kanin, dalawang pirasong kamatis at dalawang piraso ng pritong galungong. Agad na natakam si Rafael nang makita ang pagkaing inilapag ni Mang Boyong sa kinauupuan nilang sementong upuan. Tatanggi sana siya ngunit hindi niya maikailang natakam nga siya sa nakitang pagkain kaya naman tinanggap niya ang alok ni Mang Boyong.

Kahit papaano ay naibsan ang gutom ni Rafael nang araw na iyon, hanggang sa nasundan na nang nasundan ang panlilibre ni Mang Boyong sa kaniya ng tanghalian. Napag-alaman pa ni Rafael na hindi lamang pala sa kaniya ganoon kabait si Mang Boyong, kundi sa halos lahat ng kapus-palad na nag-aaral sa mataas na paaralang iyon ng kanilang lugar.

Dumating ang araw ng graduation ni Rafael at isa si Mang Leo sa mga pinag-alayan niya ng natanggap na karangalan, kasama na ang kaniyang diplomaʼt medalya, kahit pa nga nang mga araw na iyon ay hindi na nila nakikita pa ito.

“Nasaan na kaya si Mang Boyong? Sana, makita ko ulit siyaʼt mapasalamatan,” minsan ay naitanong ni Rafael sa kaniyang sarili habang nakatingin sa bintanang salamin ng kaniyang opisina. Isa na siya ngayong matagumpay na may-ari ng isang kilalang kainan.

Tila naman naging mapaglaro ang tadhana nang sa pagsulyap ni Rafael sa kahabaan ng kalsada sa ibaba ng building kung saan siya naroon ngayon ay laking gulat niya nang makilala ang patpating matanda na nakaupoʼt nanlilimos sa mga dumaraan doon!

“Mang Boyong!” sigaw niya sa pangalan ng dating kakilala, matapos niyang kumaripas ng takbo palabas ng building nila. Agad namang napalingon sa kaniya ang matanda.

“Mang Boyong, ako ho ito, si Rafael!”

Halos mangilid naman ang luha ni Mang Boyong nang makitang nakasuot na ng magara ngayon ang estudyanteng noon ay palagi niyang kasalo sa pagkain. Napakaguwapo nitong bata!

“Bakit ho ba bigla kayong nawala noong matatapos na ako sa highschool? Ano ho ang nangyari sa inyo?” may simpatiyang tanong ni Kenny kay Mang Leo.

“Natanggal kasi ako sa trabaho noon, hijo. Napagbintangan akong kasabwat ng mga kawatang nakapasok noon at nakapagnakaw sa opisina ng principal. Dahil doon ay kinailangan kong maghanap ng trabaho sa ibang lugar, kaya lang ay minalas ako,” ang makabagbag damdaming pag-amin ni Mang Boyong na noon ay talaga namang nagpaluha kay Rafael.

Nang araw na iyon ay walang pag-aatubiling nagpasya ang binata at agad na isinama ang matanda, pauwi sa kaniyang magandang bahay upang makapaglinis at mabihisan.

Ipinakilala niya sa kaniyang asawaʼt dalawang anak ang matanda na matagal na rin naman niyang ikinukuwento sa mga ito. Galak na galak naman ang kaniyang misis. Dahil doon ay napagpasiyahan nilang kupkupin si Mang Boyong at ituring na kapamilya nila. Sisiguraduhin ni Rafael na makababawi siya sa kabutihan nito noon sa kaniya.

Advertisement