Inday TrendingInday Trending
Laging Hinihikayat ng Lalaki ang Bunsong Kapatid na Manalo sa Anumang Kompetisyon; Ngunit Isang Aral ang Ituturo nito sa Kaniya

Laging Hinihikayat ng Lalaki ang Bunsong Kapatid na Manalo sa Anumang Kompetisyon; Ngunit Isang Aral ang Ituturo nito sa Kaniya

“O, Christian, malapit na ang basketball competition n’yo, hindi ba? Bakit hindi man lang kita nakikitang nagpa-practice?” sita ni Christopher sa kaniyang nakababatang kapatid nang makita niyang nakikipagtawanan lamang ito sa kanilang mga tiyahin at tiyuhin na dumalaw noon sa kanilang bahay.

“E, kuya, actually, kauuwi ko lang talaga galing sa pagpa-practice. Nakita ko pong narito sina aunty kaya naman nakipagkuwentuhan muna po ako sa kanila,” magalang namang sagot ni Christian sa kaniyang kuya.

Sinulyapan muna ni Christopher ang kaniyang wrist watch bago muling nagsalita. “Maaga pa naman, a? Bakit tapos agad ang practice n’yo? Baka naman hindi mo pinagbubuti ’yang pag-eensayo at sa huli ay matalo ka?” seryosong aniya pa sa kaniyang kapatid.

“Hindi naman siguro, kuya. Nagpa-practice naman kami at gagawin namin ang lahat. Pero kung sakaling matalo pa rin kami, ayos lang naman. May next year pa naman, e.”

Napapalatak si Christopher sa naging sagot ni Christian. “Hindi nga malabong matalo ang koponan n’yo dahil sa ganiyang mindset mo, bro! Ang malala niyan, baka ikaw pa ang maging dahilan. Tandaan mo, walang talunan sa pamilya natin. Si papa mismo ang nagturo sa akin n’yan,” buntong hininga pa ni Christopher bago tuloy-tuloy na iniwan ang kapatid na ngayon ay naglaho na ang ngiti sa mga labi at napapailing sa kaniyang katuwiran.

Oo nga’t kilala si Christopher sa kanilang paaralan bilang isa sa pinakamatalino at magaling na estudyantesa larangan ng sports. Makailang beses nitong nadala sa pinakamataas na antas ang kanilang paaralan pagdating sa iba’t ibang kompetisyon. Ngunit gaano man kabango ang pangalan nito sa mga larangang nabanggit ay ganoon naman kasuklam-suklam ang tunog ng reputasyon ng ugali nito para sa iba. Kilala kasi itong mayabang at mataas ang tingin sa sarili, na siyang kabaligtaran naman ng kapatid nitong si Christian na napakabait at napakamapagkumbaba kahit pa nga katulad ng kaniyang kuya ay madalas din siyang nangunguna sa anumang paligsahang salihan niya.

Naiintindihan naman ni Christian ang pinanggagalingan ng kaniyang kuya, dahil labis nitong iniidolo ang ama nilang sumakabilang buhay na at alam niyang ayaw lamang nitong ma-disappoint sa kaniya ang ama na kilala ring magaling noon sa kanilang angkan.

Dumating ang araw ng paligsahan. Bawat maglalabang koponan ay handang-handa na, ganoon din ang mga manonood, mga kaeskuwela’t kaibigan ng mga miyembro ng mga kasaling team upang sumuporta. Dumating din sa naturang kaganapan si Christopher upang panuorin at siguraduhing gagawin ng kapatid ang lahat upang manalo…

Naging maganda ang takbo ng unang parte ng laro. Kahit pa nga dikit na dikit ang laban ay nakalalamang pa rin ang koponan nina Christian. Nasisiyahan naman si Christopher sa nakikitang nalalapit nang pagkapanalo ng kaniyang kapatid ngunit isang pangyayari ang biglang bumago ng takbo ng kompetisyon… kitang-kita kasi ng lahat nang ma-injure ang isa sa mga miyembro ng kalaban at imbes na i-shoot na ni Christian ang hawak na bola ay ipinasa niya pa ito sa iba upang tulungan ang kalabang kung titingnan ay namimilipit na sa sakit! Dahil doon ay napunta pa sa kabila ang bola at naging tie ang kanilang scores!

Hindi alam ni Christopher kung bakit imbes na mainis ay tila naantig ang kaniyang puso sa nakitang ginawa ng kapatid, lalong-lalo na nang marinig niyang isinisigaw ng mga tao ang apelyido nila at ang pangalan ni Christian! Pinapalakpakan ito at pinakahinahangaan! Hindi kailanman nagawa ni Christopher ang nagawa ng kaniyang kapatid at dahil doon ay nakuha nito ang labis na respeto mula sa ibang tao na hindi niya nakuha noon dahil sa kaniyang reputasyon.

Nakalimutan niya ang isang bagay na siyang pinakamahalaga sa mga laro at paligsahang kanilang sinasalihan… ang mag-enjoy at maging disiplinadong manlalaro, matalo man o matalo katulad ng palaging sinasabi ng kanilang ama noon. Hindi akalain ni Christopher na ang kapatid pang nakababata ang siyang magtuturo nitong muli sa kaniya.

Nang matapos ang laro ay nagmadaling bumaba si Christopher upang i-congratulate ang kaniyang kapatid na si Christian na agad namang ikinagulat ng binatilyo. Ang buong akala kasi nito ay sasabunin siya ng sermon ng kaniyang kuya, ngunit bagkus ay isang mahigpit na yakap ang isinalubong nito sa kaniya!

“Proud na proud ako sa ’yo, bro! Mas magaling ka na nga yata sa akin, e!” pabiro ngunit sinserong ani Christopher sa kaniyang kapatid na labis namang ikinatuwa nito.

Advertisement