Katanghaliang tapat nang araw na iyon. Pupunas-punas pa ng pawis sa kaniyang noo si Mang Celso habang minamaneho ang kaniyang taxi sa kahabaan ng kalsada sa highway na iyon ng Makati at wala pa siyang nakukuhang pasahero. Masiyadong matumal ngayon, kaya naman medyo hindi rin maganda ang kaniyang mood. Bukod doon ay wala pa siyang umagahan at tanghalian.
Mahirap lamang ang buhay ni Mang Celso. Mayroon siyang tatlong anak na pinag-aaral. Isang kolehiyo at dalawang highschool students, kaya naman todo kayod sa araw-araw ang taxi driver upang matustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.
“Ang bagal naman!”
Nagulat ang taxi driver nang may biglang sumigaw sa tapat ng bintana ng kaniyang taxi. Paglingon niya ay isa palang rider ng motor na balot na balot ng safety gears. Pinaugong nito ang motorsiklo nito habang tumatawa, bago siya pinilit na overtake-an.
“Abaʼt loko ito, ah!” may inis sa tinig na nasabi na lamang ni Mang Celso sa sarili habang iiling-iling.
Nagpatuloy sa panti-trip ang naturang rider ng motorsiklo kay Mang Celso. Sa tuwing makaka-overtake ito ay muli nitong babagalan ang takbo upang sabayan ang kaniyang taxi.
“Bilis-bilisan mong magmaneho riyan, tanda!” sabay sigaw nito nang ganoon.
“Anak, baka ikaw ay maaksidente sa ginagawa mo. Tigilan mo na iyan.” Nananatiling kalmado at may sinseridad pang pinayuhan na lamang ni Mang Celso ang ang sira-ulong rider ng motorsiklong iyon, ngunit ang isinagot lamang nito sa kaniya ay ang panggitna nitong daliri!
Iling na lamang ang isinagot ni Mang Celso rito at hindi na pinansin pa ang mayabang na motorista.
Maya-maya pa ay gusto na sanang gumilid ni Mang Celso sa tabi ng kalsada kung saan may namataan siyang karinderya. Balak niya sanang kumain muna, tutal ay talagang nagugutom na nga siya. Akmang ililiko niya ang kaniyang taxi nang bigla na namang humarurot pa-overtake ang lintik sa kayabangang rider ng motorsiklong iyon.
Ngunit sa pagkakataong ito, tila nagkamali siya ng kambyo sa kaniyang manibela. Biglang sumemplang ang kaniyang motor at sa bilis ng takbo nito ay ang lakas at tindi rin ng naging impact ng pagsalpok nito sa poste!
Singahapan at sigawan ang mga taong nakasaksi ng naturang aksidente!
“Ayan ang napapala mo, loko. Napakayabang mo kasi,” nasambit na lamang ni Mang Celso sa kaniyang sarili. Ilang minuto pa ang lumipas at wala pa ring lumalapit sa mayabang na rider ng motorsiklo.
Bukod sa mga usiseroʼt usisera ay wala man ibang lumalapit dito o tumawag man lang ng tulong. Idagdag pang nagkataong walang naka-duty na traffic enforcer sa area na iyon sa hindi malamang dahilan. Kaya naman hindi na kinaya pa ng konsensiya ni Mang Celso at siya na ang nagkusang tumawag ng ambulansya para sa mayabang na driver kahit pa medyo inis siya rito.
Sa kabila ng inis ni Mang Celso ay nagawa pa niyang pairalin ang kaniyang pagiging matulungin sa mayabang na rider. Hindi niya ito iniwan hanggang sa dumating ang tulong na kanilang tinawag upang makasiguradong magiging ligtas ang naturang rider na napag-alaman nilang kailangan ngayong putulan ng mga paa dahil sa lala ng inabot nito. Nakumpurmiso man ang kita niya nang araw na iyon ay ayos lang. Sigurado kasi siyang hindi siya patutulugin ng pagkabagabag kung pinabayaan niya ito.
“Maraming salamat po, manong at tinulungan ninyo ang kapatid ko. Balita ko po ay kasalanan din niya kung bakit siya naaksidente dahil nakikipag-unahan daw siya sa inyo. Tapos kayo pa po ang nagawang tumulong sa kapatid ko. Ako na po ang humihingi ng pasensiya para sa kaniyang mga nagawa,” hinging paumanhin ng kapatid ng naturang rider ng motorsiklo na sumadya pa sa kaniya noon sa opisina ng kanilang kompanya upang magpasalamat.
“Wala po iyong anuman, naawa rin ho ako, e. Saka, baka kako nakainom lang ang kapatid mo kaya ganoʼn,” sagot naman ng butihing si Mang Celso.
Nabalita rin sa media ang kabutihan ng driver na ito at talaga namang hinangaan siya ng napakaraming netizens. Ngayon ay sikat na siya sa kaniyang mga pasahero. Madalas ay may nagpapa-picture pa sa kaniya sa tuwing makikilala siya ng mga ito habang sila ay kaniyang ipinagmamaneho.
Labis na paghanga naman ang nararamdaman ng kaniyang mga anak na lalong nagpursigeng makatapos ng pag-aaral dahil sa nasaksihang kadakilaan ng kanilang ama. Kung susumahin ay isa itong bayaning maituturing.