Inday TrendingInday Trending
Umasenso Dahil Sa Panggagantso!

Umasenso Dahil Sa Panggagantso!

Malaki ang pagtataka ng mga kapitbahay ni Precious sa kaniya. Paano kasi, noon ay halos isang kahig, isang tuka lamang sila. Pagkatapos, ngayon ay mabilisang naipagawa nila ang kanilang bahay at nakapagtayo pa ng maliit na negosyo. Noong una, ang alam ng mga kapitbahay nila ay may trabaho si Precious. Ngunit nang sunod-sunod na may dumating na malalaking balik-bayan box sa kanila ay nagsimula na silang magkaroon ng duda.

“Mare, sa palagay mo, ano kaya ang karakas na ginagawa niyan ni Precious para magka-easy money? Aba, e, ang lakas kumita!” minsan ay puno ng kyuryosidad na tanong ni Aling Alona sa kumareng si Aling Betty habang nagmi-meryenda sila sa tapat ng tindahan ni Aling Petring.

“Baka naman nagcha-chat iyan ng ‘kano? Hindi baʼt uso ʼyong ganoʼn? Cyber s*x ba,” sagot naman ni Aling Betty.

“Baka naman tumama lang sa lotto? O kaya, may kamag-anak sa abroad. Kayo naman, napakamalisyosa ninyo,” pananaway noon ni Aling Petring sa dalawang tsismosa ng Kalye Trinidad, ngunit hindi pa rin noon nabago ang pagdududa ng mga kapit bahay laloʼt halos linggo-linggo ring nagsha-shopping sina Precious at ang kaniyang pamilya.

Ilang buwan pa nga ang lumipas at talagang asensadong-asensado na si Precious. Tila ba napakataas na ng narating nito, kahit pa wala naman itong trabaho at palaging nasa bahay lang. Mataas na ang bahay nilang noon ay sira-sira lamang at kasabay ng pagtaas niyon ay ang pagiging mapagmataas na rin ni Precious.

“Precious, ang gaganda na ng mga damit mo ngayon, ah! Ano baʼng trabaho mo? Baka naman pʼwede mo akong ipasok.” Minsan ay nasalubong ni Precious sa daan ang dating kaibigan at kaklase niyang si Jassy.

Agad na tumaas ang kilay ni Precious sa sinabi nito. “Excuse me, kilala ba kita?” mataray pang tanong niya sa nakasalubong ma dating kaklase. Ang totoo ay nakikilala niya ito. Iyon nga lang ay hindi na niya type makipag-usap sa mga ito, dahil pakiramdam niya ay nagiging cheap din siya katulad nila.

Dismayado si Jassy sa dating kaibigan. Sa isip-isip niya, “Parang nakalimutan na nitong hanggang ngayon ay may utang pa itong hindi binabayaran sa akin, ah!”

“Ay, sige. Nagkamali lang pala ako. Akala ko kasi, ikaw iyong dating kaibigan kong umutang sa akin ng limang libo, dahil may sakit ang papa niya. E, naawa naman ako kaya pinautang ko, ʼtapos biglang hindi na raw niya ako kilala ngayon kahit hindi pa niya nababayaran ʼyong limang libo ko,” sarkastikong sabi na lamang ni Jassy bago tinalikuran ang matapobre na ngayong si Precious.

“Umasenso lang, lumaki na ang ulo. Ibang klase!” nanggagalaiting sabi niya.

Kung tutuusin ay napahiya roon si Precious ngunit parang wala na siyang pakiramdam. Sagad na siguro ang kakapalan ng mukha niya gayong sanay naman siya sa ganoong kalakaran.

Naging tampulan pang lalo ng tsismisan ang pamilya ni Precious dahil sa ugaling ipinapakita nila sa kanilang mga kapitbahay. Hanggang isang araw, isang grupo ng mga kapulisan ang noon ay dumating sa kanilang lugar at nangatok sa bahay nina Precious, kasama ang isang nanggagalaiting babae.

“Precious? Wal*nghiya ka, lumabas ka riyan!” ang sigaw ng galit na galit na babae.

“S-Sino kayo?” maang namang tanong ni Precious na halatang nagulat nang makita ang babaeng iyon na may kasamang mga pulis.

“May warrant of arrest kami sa iyo, Precious.” Inilabas ng isang pulis ang isang kasulatan at ipinakita iyon sa babae.

Nagsimulang umugong ang bulong-bulungan ng kanilang mga kapitbahay. Doon ay nabunyag ang nakakahiya at pinakatatago-tagong lihim ni Precious. Isa pala itong big time scammer na gumagamit ng ibaʼt-ibang identity ng lalaki upang manloko at mambiktima ng mga babaeng OFW. Ang modus nito ay gagamitin niya ang ilang litrato ng mga guwapong lalaki pagkatapos ay liligawan niya ang mga kababaihang sabik sa pagmamahal upang makahuthot siya ng pera sa mga ito. Malas nga lamang niya dahil nahuli siya ng isa sa kaniyang biktima.

Timbog ngayon ang mapagmalaking si Precious. Kulong din siya sa patong-patong na kaso mula sa ibaʼt iba niyang mga biktima. Ang mga naipundar niya mula sa kaniyang panloloko ay unti-unti ring naubos, dahil sa pagbabayad nila ng danyos sa bawat biktima niya, habang siyaʼy nakakulong pa.

Damay sa kahihiyan ang buo niyang pamilya at ngayon ay walang ni isang gustong tumulong sa kaniya.

May kapalit ang bawat masasama nating ginagawa. Dahil hindi naman natutulog ang karma.

Advertisement