Inday TrendingInday Trending
Sikretong Dala ng Hatinggabi

Sikretong Dala ng Hatinggabi

Narinig niya ang tunog na nanggaling sa manok na pag-aari ng kanyang tatay. Umaga na naman. Panibagong araw ngunit bago pa man tuluyang mag-umpisa ang kanyang araw ay sa palikuran na muna siya dumiretso para maligo dahil may pasok pa siya sa eskwela.

Nilinis ang kanyang maruming kamay. Maraming putik. Hindi niya rin alam kung bakit ganon na lamang karumi ang kanyang kamay pagsapit ng umaga pati na ang kanyang damit. Basta’t isang umaga ay naging ganon na lamang sa tuwing gigising siya.

Nasanay na rin naman siya.

Nang matapos sa ginagawa ay ang kanyang kama naman ang kanyang inayos na may ilang piraso pa ng damo. Kumunot ang kanyang noo. Lumabas siya ng kwarto, suot ang uniporme at ang naabutan ay ang kanyang mga magulang at nakatatandang kapatid na nag-uusap.

Mukhang may problema, naisip niya nang makita ang mukha ng kanyang ama. Napatingin ito sa kanya agad bago tumingin sa kanyang ina na hindi siya sinulyapan man lang.

“Kuya? Bakit ka nandito? Kasama mo ba sina Andi at Kiko?” tukoy niya sa mga pamangkin.

Problemado itong umiling sa kanya. “Hindi, e. May pasok sila sa eskwela. Saka medyo delikado kasi rito sa atin kaya ‘di ko na muna sinama,” paliwanag nito sa kanya.

Kumunot ang kanyang noo.

“Ganun ba? Sayang naman.”

Malapit kasi ang loob niya sa mga bata dahil sa kanilang magkakapatid ay ito pa lamang ang may-anak. Pero tumingin sa tatlong taong nasa harap, “Bakit naman delikado?”

Alam niya kasi na sadyang tahimik ang kanilang bayan kahit na maliit lang ito ay wala o bihira ang natatalang kaso ng kr*men kaya naman nagulat siya sa sinabi ng kanyang tatay na tila may hesitasyon pa sa boses.

“Aba e, bali-balita kasi dito pati na sa kabilang bayan na may gumagalang mamamat*y-tao dito tuwing gabi. Kaya ikaw, mag-iingat ka ha.”

Nagulat siya sa narinig. Hindi niya inaasahan ang balita at unang beses niya pa lang ito narinig.

Kaya naman nang pumasok siya sa eskwela ay iyon agad ang unang bagay na ikinuwento ng kaibigang si Jason. “Eh kung sinuman iyon ay mukhang dito lang din sa bayan tumutuloy kasi ang bilis niyang tumakas. Grabe, nakakatakot.”

Nanatili siyang walang imik. Nanlaki naman ang mata nito ng mukhang may maalala.

“Naku, mag-ingat ka ha. Alam mo ba yung huling biktima nakita dun sa talahiban malapit sa inyo? ‘Wag ka na magpapagabi sa daan,” problemado nitong saad.

Parang siya tuloy ang biglang nabahala. Tinawanan na lang niya ito bago hinila papasok sa kanilang silid-aralan. Buong araw niya iyong iniisip kaya lang ay hindi niya pinipakita sa kaibigan.

Matapos ang hapunan ay nagpaalam na siya para gumawa ng takdang aralin at matulog. Kinaumagahan, ay marumi na naman ang kanyang mga kamay kaya naman naghugas siya ng kamay at naligo.

Nadatnan niya ang kanyang maputlang ama at umiiyak na ina, pilit itong pinapatahan ng kanyang kuya.

“Anong nangyari?” tanong niya agad sa mga ito.

Natulala ang kanyang ama lalo nang makita siya. Tila ba takot na takot ito sa kanya. Hindi niya alam ang gagawin kaya ang kapatid ang kanyang binalingan.

“Kuya…”

“Nasaksihan ni tatay ang krim*n kagabi.”

Nag-iwas ito ng tingin at tila ayaw siyang tingnan. Magtatanong pa sana siya ngunit maya-maya ay may kumatok sa kanilang pinto. Bubuksan na sana niya ng pigilan siya ng kapatid.

“Umakyat ka na muna sa kwarto mo, ‘wag ka na munang pumasok ngayon,” utos nito at halos ipagtulakan siya. Labag man sa loob niya ay sinunod niya ang utos nito, sumilip siya sa bintana mula sa kanyang kwarto at nanlaki ang mata nang makita ang mga pulis na kinakausap ng kapatid.

Ang mas nakabibigla pa ay nakita niya si Jason na kasama ng mga ito. Ano ang nangyayari? Tanong niya sa sarili.

“Sigurado ka ba sa sinasabi mo, hijo? Matindi ang paratang na ito kung sakali,” tanong ng pulis kay Jason.

Tumango ang namumutla niyang kaibigan at tumingin sa bintana kung nasaan siya. Tila ba nakikita siya mula roon.

“Opo, nakita ko po talaga! Si Mario ho ang gumagalang kr*minal! Nakita ko po talaga!”

Nanlaki ang kanyang mata. Bumagsak ang kanyang paningin sa mga kamay na bakas pa ang kaunting putik, mula roon ay ang kama niyang may mumunting talsik ng dugo.

Ang malabong alaala ay tila isang palabas sa kanyang utak.

Nagising siya nang maganda ang pakiramdam. Pagsulyap niya sa orasan sa gilid ng kanyang kama ay nakita niya ang oras – ala una ng hapon.

Nakita niya ang kababatang si Eli na naglalakad. Tila kakagaling lamang nito sa trabaho.

Lumapit siya dito at inundayan ito ng saksak.

“M-mario!” Bakas ang takot sa mata nito.

Napangisi siya sa takot na nabanaag sa mukha nito, kaya naman inundayan niya pa ito ng isang mas malilim na saksak. Isa pa. Isa pa ulit, hanggang sa bumagsak ang katawan nito.

Dilat ang mata. Bakas pa rin ang matinding takot at pagkasindak.

Tumulo ang kanyang luha. Hindi niya alam kung paano iyon nangyari. Tila may kumokontrol sa kanya.

Napapitlag siya sa sigaw ng kapatid.

“Hindi totoo yan, hindi magagawa iyan ng aking kapatid!” desperadong pagtatanggol ng kanyang kuya.

Alam niyang alam na nito ang totoo ngunit pinagtatanggol pa rin siya dahil mahal siya nito. Ngumiti siya at lumabas ng kwarto.

Gulat ang kanyang mga magulang at ang kapatid pati na si Jason nang lumabas siya.

“Sumusuko na po ako,” sambit niya sa kapulisan.

Mabilis siya nitong nilagyan ng posas para arestuhin.

“Hindi mo kailangang gawin ito!” sabi ng kanyang ina na tumatangis.

Umiling siya at malungkot na ngumiti. “Kung talagang ginawa ko ‘nay, kahit na sabihin nating hindi ko sinasadya ay dapat na pagbayaran. Alang-alang sa kanilang mga pamilya. At para hindi na masundan pa…”

Bago siya tuluyang hatulan ay pinatignan muna siya sa isang doktor. Ayon dito naglalakad siya ng tulog at tila bang tao, isa sa mga pahiwatig ng mas matindi pang problema sa pag-iisip at lalala ito kung hindi mapipigilan.

Kailangan niya daw ilagak sa isang mental hospital para maagapan ang kanyang sakit.

“Mas mabuti na rin ito para wala na akong masaktan ng kahit na sino,” malungkot siyang ngumiti sa mga magulang bago sumama sa mga nars.

Mula noon, muling nagkaroon ng katahimikan sa kanilang baranggay.

Advertisement