Inday TrendingInday Trending
Si Katrina Inggitera

Si Katrina Inggitera

“Hoy, alam nyo ba yung tsismis sa kabilang department…”

At nagsimula na naman ang pag-arangkada ng bibig ni Katrina. Wala atang araw na hindi ito nakikipag-tsismisan sa mga katarabaho sa tuwing may libre silang oras.

Mula sa umaga, sa tanghali at bago umuwi. Lahat ata ng balita ay nakakarating sa kanya. Kaya naman maraming beses siyang pinapagalitan ngunit dahil likas na ay hindi niya kayang pigilan.

May pagkakataon pa nga nareklamo siya dahil siya raw ang nagpakalat na buntis ang isang katrabaho ngunit sa totoo lang pala ay tumaba lamang ang tiyan nito kaya siya ang nasermunan. Ang katwiran naman niya ay iyon ang naikuwento sa kanya kaya hindi siya ang dapat managot.

Maraming beses na iyong nangyari ngunit tila wala siyang pakialam at walang balak na magbago.

“At balita ko pa ha, may bago raw tayong makakatrabaho ngayon,” kwento ng isang binabae niyang katrabaho.

Ngumuso siya habang hinahalo ang kanyang kape. “O, ano ngayon? Hindi naman ito ang unang beses ah?” tumaas-taas pa ang kanyang kilay.

“Iba ‘to, Kat! Aba, pinakita ni Ma’am Carla sa akin yung resume… Pak na pak! Ang ganda. Papasang modelo.”

Hindi siya nagsalita.

“At eto pa ha! Balita ko malapit ito kay Sir Vincent! Baka nga nobya niya ‘yun!” tumili tili pa ito habang siya naman ay tiningnan ito ng masama para tumigil.

Hindi niya agad gusto ang ideyang iyon. Bukod sa dapat siya ang pinakamaganda, mas lalong hindi niya gusto ang ideya na malapit ito sa kanyang amo na si Sir Vincent. Matagal na kasi siyang nagpapansin dito at sa loob ng tatlong taon niyang pagtatrabaho sa kompanya ay hindi siya nito nginitian man lang kahit na isang beses.

Kakausapin lamang siya patungkol sa trabaho at malamig pa sa yelo ang pakikitungo sa kanya.

“Ay galit ka na agad, ‘te? Sabi ko naman kasi sayo, maghanap ka na lang iba! Wala kang pag-asa kay sir!” mas lalo siyang bumusangot.

Buong umaga tuloy siyang nakasimangot lalo na nang ipinakilala ni Ma’am Carla ang isang magandang babae. Tama nga ang kaibigan niya, papasang modelo o artista ang isang ito. May himala pang nangyari ay lumabas si Sir Vincent sa kanyang opisina hindi para mag-utos kundi para salubungin si Cindy.

Mas lalo lang na namuo ang kanyang inggit, galit at inis para kay Cindy. Kaya naman hindi niya ito pinapansin kahit na anong mangyari. Ang mga ka-opisina niyang lalaki na nagkakandarapa noon sa kanya ay dito na nahuhumaling.

“Huy, tingnan mo,” turo ng kaibigan sa dalawang taong nag-uusap sa medyo malayo.

Agad niyang namukhaan si Cindy at ang isang matandang lalaki. Nanliit ang kanyang mata. Sinasabi na nga ba niya at may tinatago itong kakaiba. Sabagay, ang mga ganito kaganda ay madaling makakaakit ng mga matatandang laki na talagang mayayaman.

At mukhang isa si Cindy sa mga iyon.

Kinuha niya ang kanyang cellphone at ngumisi.

“Anong gagawin mo?” tanong ng kaibigan sa kanya.

Mas lalo lang siyang ngumiti at kinuhanan ng litrato ang nakikita. Siyempre, hindi niya dapat na palampasin ito. Kapag ipinaalam niya sa opisina ang nangyayari ay malamang na tatanggalin ito sa trabaho.

Kapag nangyari iyon ay mawawala na siya ng karibal at higit sa lahat, kaagaw sa atensiyon ng kanyang mga kaibigan. Babalik na ulit sa normal ang kanyang buhay. Siya na ulit ang bida pag nagkataon!

Nang makauwi ay iyon ang kanyang inasikaso. Ang pag-iimprenta ng litratong nakunan. Kaya naman maaga pa nang pumasok siya sa opisina. Pinamigay niya ang mga litrato sa mga katrabaho.

“Sabi ko naman kasi sa inyo, ‘wag papabulag. Mukha lang siyang inosente pero hindi pala.” Sulsol niya pa lalo.

Halo-halo ang reaksyon ng mga ito. Mayroong hindi naniniwala ngunit mas marami ang oo.

“Sir! Nabalitaan nyo na ba?” Tanong niya agad pagdating ni Sir Vincent.

“Alin?” kunot ang noo nito sa kanya. Mukhang walang ideya sa nangyayari kaya naman ipinakita niya rito ang litrato. Kitang-kita niya ang galit sa mukha nito ngunit napaurong ng makita niyang hindi para kay Cindy kundi para sa kanya.

Bago pa ito magsalita ay isang boses ng matandang lalaki ang umalingawngaw. “Ano ang ibig sabihin nito?” habang ipinapakita ang litratong kinuhanan niya.

“Sir! S-siya yun. Siya yung matandang kalaguyo ni Cindy!” taranta niyang turo. Nakita niya sa likod ng matanda si Cindy.

“Sinasabi mo ba na kalaguyo ko ang anak ko?” galit nitong sigaw.

Hindi agad rumehistro sa kanya ang sinabi nito. Anak? Si Cindy? Para hindi masyadong lumaki ang gulo ay pinapasok lahat ng sangkot sa problema.

“Sir! Pasensiya na po. Kakausapin ko ang empleyado ko,” sabi ni Sir Vincent.

Maraming sinabi ang galit na matanda. Ang tanging naiintindihan niya ay ang sinabi nitong anak nito si Cindy. Nandito lang si Cindy para turuan magpatakbo ng sarili nilang kompanya.

Hiyang-hiya siya at natakot pa lalo nang gusto siya nitong ipatanggal sa trabaho.

Umiiyak siyang nagmakaawa sa kanilang lahat lalo na kay Cindy na nginitian pa siya. Totoo nga na maganda ito hindi lang sa loob at labas.

“Sana ay magbago ka na mula ngayon. Hindi maganda ang ganyang pag-uugali. Makakasira ka ng iba. Maaring sa’yo ay wala lang ‘yon, pero malaking bagay ‘yan para sa iba,” mahinhin nitong sinabi.

Tumango siya at sising-sisi sa ginawa. Ipinangako niya sa kanyang sarili na hindi na mauulit iyon kaya mula noon ay iniwasan ang pagiging inggitera at paggawa ng kwento para siraan ang iba. Hindi maganda na manghila ng kapwa paibaba para lang tumaas ka.

Advertisement